Dapat silang suportahan at ‘wag ng tawad-tawaran: POKWANG, awang-awa sa mga vendors na kumakayod kahit bumabagyo
- Published on July 26, 2025
- by @peoplesbalita
Isa sa talagang apektado ay ang mga naghahanap buhay sa bangketa particularly ang mga vendors.
Kaya sa isang interbyu sa komedyanang si Pokwang ay awang-awa siya sa mga tindero’t tindera. Kahit binabagyo na ay patuloy ba kumakayod ang mga ito para sa kanilang pamilya.
Kaya sa naging pahayag ni Pokwang, “Namalengke si Manang Gina. Sabi ko ‘wag ka na tumawad, hayaan mo na kumita kahit papano mga binabahang nagtitinda sa palengke.”
Sobrang naawa si Ms. P sa mga nagtitinda sa talipapa na kahit nanlalamig ay tuloy pa rin ang paghahanap-buhay nila.
“Kawawa din naman sila ang hirap ng kalagayan din nila kahit baha naghahanap-buhay pa rin. Ingat po kayo,” mensahe pa ng premyadong aktres.
Samantala, may ilang lugar pa rin na lubog sa baha sa Metro Manila matapos ang ilang araw na walang tigil na buhos ng ulan dulot ng pinalakas na habagat ng dalawang bagyo.
***
SA probinsiya naman ng Batangas na talagang binayo rin ng malakas na hangin at ulan ay hindi naman inalintana ng 71 year-old Governor na si Vilma Santos-Recto ang pag-iikot sa buong nasasakupan niya.
Isa-isang inaalam ni Gov. Vi ang kalagayan ng mga constituents niya lalong-lalo na ang mga lugar na apektado ng pagsalanta ng sunod-sunod na bagyo.
Naghatid din ng tulong si Ate Vi kasama ang anak na si Luis Manzano sa mga higit na nangangailangan na taga-Batangas.
Tuwang-tuwa naman ang mga pinasyalang mga Batangueño sa sinserong pagdalaw ng kanilang gobernadora.
May mga yumakap at may mga nagpapirma pa rin ng autographs kina Ate Vi at Luis.
“Eto ang totoong gobyerno, may malasakit, may kalinga, may talino at puso para sa matatag na Batangas.”
Sa lahat ng pagkakataon, H.E.A.R.T.S program ang dala ng tunay na ina at tunay na nag-aalala, yan si Gob. Vilma.
***
GUSTO naming pasalamatan and in behalf sa pamilya ng aming co-PMPC member na si Ador Saluta ang lahat na nagpaabot ng tulong. Siya po ay patuloy na nakikipaglaban ng colon cancer stage 4.
Si Ador po ay naka-confine sa Region One Medical Center sa Dagupan, Pangasinan.
(JIMI ESCALA)
