Tumalon sa ilog sa Malabon… Machine operator, bangkay na nang lumutang
- Published on July 25, 2025
- by @peoplesbalita
BANGKAY na nang matagpuan habang palutang-lutang ang katawan ng isang machine operator na unang tumalon sa ilog noong Martes ng hapon sa Malabon City.
Kinilala ni Malabon police chief P/Col. Allan Umipig ang biktimang si Alvin Almanzor, 32, residente ng Sto. Niño, Barangay Concepcion.
Batay sa imbestigasyonn ni P/MSg. Jeric Tindugan, may hawak ng kaso, lasing umano ang biktima nang tumalon sa ilog sa Sto Rosario Village dakong alas-2 ng Martes ng hapon sa kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan.
Nang hindi na lumutang ang biktima, humingi na ng tulong ang mga residente at opisyal ng barangay sa Philippine Coast Guard (PCG) at Malabon City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO).
Kaagad namang nagsagawa ng rescue operation ang mga tauhan ng PCG at CDRRMO subalit, bigo ang mga ito na mahanap ang lalaki.
Hindi tumigil ang Rescue Team ng PCG at CDRRMO sa paghahanap sa biktima hanggang makita nila ang wala ng buhay na kaatwan nito dakong alas-6:20 ng Miyerkules ng gabi sa Pumping Station sa Brgy Baritan. (Richard Mesa)