Motornaper, nasabat sa ‘Oplan Sita’ sa Valenzuela
- Published on July 25, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang isang lalaki na tumangay sa motorsiklo ng 47-anyos na security guard nang masabat ng mga pulis sa Oplan Sita dahil sa pagpasok sa one-way road at hindi pagsuot ng helmet sa Valenzuela City.
Ayon kay Valenzuela Police OIC chief P/Col. Gerson Bisayas, mahaharap ang suspek na si alyas “Ariel”, 42, residente ng Zaragoza, Nueva Ecija sa kasong paglabag sa R.A 10883 o ang New Anti-Carnapping Act of 2016.
Ayon kay Col. Bisayas, dakong alas-11:30 ng gabi nang iparada ng security guard na alyas “Romeo”, 47, ang kanyang sa motorsiklo sa kanyang binabantayang lugar sa Ever Memorial Garden sa East Service Road, Barangay Lawang Bato.
Pagbalik ng sekyu mula sa kanyang pagpapatrulya, nadiskubre niya na wala na ang kanyang motorsiklo at sa tulong ng mga bystander na nakasaksi sa insidente, nasundan ng biktima ang lugar na tinahak ng suspek hanggang makahingi ng tulong sa pulisya na agad inalarma sa mga kasama ang pangyayari.
Nagkataon naman na nagsasagawa ng “Oplan Sita” malapit sa naturang lugar ang mga tauhan ng Valenzuela Police Patrol Base 1, nang maispatan nila ang pagpasok ng isang rider sa one-way road at walang suot na helmet kaya sinita nila ito.
Nang hanapan ng ownership documents ay wala siyang naipakita hanggang sa dumating ang biktima sa lugar at positibong kinilala kanyang motorsiklo na tinangay ng suspek dahilan upang arestuhin siya nina PMSg Ivan James Gillegao at PMSg Rodel Villar.
Pinuri naman ni NPD District Director P/BGen. Jerry Protacio ang arresting team sa kanilang pagbabantay at koordinasyon.
“This arrest demonstrates our unrelenting commitment to justice and public safety. Our operatives, together with our partner agencies, continue to work tirelessly to locate and apprehend individuals who attempt to evade the law,” pahayag niya. (Richard Mesa)