SONA, huwag gawing magarbo kasabay na rin ng bagyong Crising at habagat
- Published on July 25, 2025
- by @peoplesbalita
KASUNOD na rin ng malawakang pagbaha at pagkasira sa ari-arian dala ng bagyong Crising at malakas na pagbuhos ng ulan dala na rin ng habagat, nanawagan ang Akbayan Partylist sa dalawang kapulungan ng kongreso at kay Presidente Bongbong Marcos na huwag gawing magarbo o ‘magtipid’ sa pagsagawa ng State of the Nation Address (SONA).
Iginiit ng grupo na dapat isaalang-alang sa gagawing SONA ngayon taon ang dinaras ng libong komunidad na naapektuhan ng matinding pag-ulan at pagbaha dulot na rin ng bagyo at habagat.
Para kay Akbayan Partylist Rep. Perci Cendaña, ang magarbo o marangyang preparasyon sa taunang sona ng pangulo ay maihahambing sa paghindi pagdinig sa problema ng mga naapektuhang pamilya.
“This is not the time for pomp. This is the time for empathy, humility, and decisive action. Ang panawagan ko sa mga kapwa ko mambabatas na kusa na nating gawing payak ang pagdaos ng SONA. It is the height of insensitivity if we will roll out the red carpet for SONA when our constituents and their families don’t even have roofs over their heads,” ani Cendaña.
Aniya, trabaho ng Kamara na makinig at himayin ang report ng pangulo at hindi fashion gala.
“Malaki ang inaasahan ng mamamayan sa SONA ng Pangulo. Marami silang tanong na nangangailangan ng agarang sagot sa Pangulo. Isa na riyan kung nasaan ang agarang tulong sa mga nasalanta at kung bakit tila lumalala ang problema ng pagbaha sa kabila ng bilyun-bilyong piso na ginugugol natin taon-taon sa mga flood control projects,” pagtatapos ni Cendaña.
(Vina de Guzman)