• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

‘Green Bones’, humakot ng awards sa ‘8th EDDYS’: MARIAN at DENNIS, tinanghal na Best Actress at Best Actor

HUMAKOT ng awards ang ‘Green Bones’ sa 8th Entertainment Editors’ Choice (The EDDYS) na ginanap noong Linggo, Hulyo 20.

Ang naturang pelikula ay nakakuha ng limang parangal, kabilang ang Best Picture, Best Director, at Best Actor.
Si Zig Dulay ang nagwaging Best Director habang si Dennis Trillo ang nakasungkit ng Best Actor. Nakuha rin ng pelikula ang Best Cinematography at Best Supporting Actor na napagwagian ni Ruru Madrid, na kung saan ka-tie niya si Aga Muhlach para sa ‘Uninvited’.
Si Marian Rivera naman ay ginawaran ng Best Actress para sa ‘Balota’. Si Lorna Tolentino ay nakakuha ng Best Supporting Actress para sa ‘Espantaho’, na nanalo rin ng Best Visual Effects.
Kasama sa iba pang mga nanalo ang ‘Under A Piaya Moon’ para sa Best Screenplay, ‘Isang Himala’ para sa Best Musical Score, ‘The Kingdom’ para sa Best Production Design, ‘Topakk’ para sa Best Sound, at ‘My Future’ You para sa Best Editing.
Ang “Museo” ni Eliza Maturan, na mula rin sa ‘My Future You’, ang nakapag-uwi ng parangal para sa ‘Best Original Theme Song’.
Isa sa highlights ng 8th EDDYS ang Box Office Heroes na iginawad kina Kathryn Bernardo at Alden Richards (‘Hello, Love, Again’), Vice Ganda (‘And The Bread Winner Is…’), Julia Barretto at Joshua Garcia (‘Un/happy for You’), Piolo Pascual at Vic Sotto (‘The Kingdom’), at sina Dennis at Ruru para sa ‘Green Bones’.
Ang pagkilala ay ipinagkakaloob sa mga bida na ang mga pelikula ay kumita ng mahigit P100 milyon.
Nagbigay pugay din ang 8th EDDYS sa mga alamat ng industriya na sina Laurice Guillen, Odette Khan, Perla Bautista, Pen Medina, Rosemarie Gil at Eddie Mesa, at ang National Artist na si Kidlat Tahimik, tumanggap sila ng Movie Icon award para sa kanilang body of work sa Philippine cinema.
Si Ogie Diaz ang tinanghal na tatanggap ng Joe Quirino Award. Ang beteranong entertainment editor na si Crispina Belen ay pinarangalan ng Manny Pichel Award.
Si RS Francisco naman ay tumanggap ng Isah V. Red Award, na nagpaparangal sa mga indibidwal na sumusuporta at nagbibigay inspirasyon sa mga mahihirap na Pilipino.
Pinangunahan nina Alexa Ilacad, Darren Espanto, Kaila Estrada, at Kyline Alcantara ang awards night na ginanap sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom sa Pasay City.  Si Mr. Fu at Alexa Miro ang nagsilbi mga host ng red carpet.
Nagkaroon din ng special participation sa 8th EDDYS ang Pop Diva na si Kuh Ledesma at OPM icon at singer-songwriter na si Ice Seguerra, kasama sina Jackie Lou Blanco, Arman Ferrer, Carla Guevara, at David Young.
Samantala, ang delayed telecast ay mapapanood sa Kapamilya Channel at Jeepney TV, na may international streaming sa iWantTFC simula Hulyo 27.
Ang event ay inihatid ng Playtime PH sa pakikipagtulungan sa Newport World Resorts at ABS-CBN. Kasama sa mga co-presenters ang Globe at Unilab.
Ang karagdagang suporta ay nagmula kay Senators Camille Villar, Mark Villar, at Chiz Escudero, Beautederm Corporation, Luxxe White, Puregold CinePanalo Film Festival, Kat Corpus, My Daily Collagen, at Brightlight Entertainment.
Ang awards night ay mula sa mahusay na direksyon ni Eric Quizon.
Ang nag-verify ng mga boto ay pinangasiwaan ang auditing firm ni Juancho Robles, Chan Robles & Company, CPAs.
Ang EDDYS ay inorganisa taun-taon ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd), isang non-profit na grupo na binubuo ng kasalukuyan at dating mga entertainment editor mula sa mga pambansang pahayagan, tabloid, at online platform.
Para sa karagdagang impormasyon, sundan ang The Eddys sa Facebook sa The Eddys (The Entertainment Editors’ Choice).
(ROHN ROMULO)