Libong pamilya, inilikas… CAMANAVA LGUs, naglunsad ng rescue at disaster response operations
- Published on July 23, 2025
- by @peoplesbalita
NAGLUNSAD ang Local Government Unit (LGUs) ng Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela ng disaster response at rescue operations sa iba’t ibang barangay na kanilang nasasakupan na lubos na naapektuhan ng baha dahil sa tuloy-tuloy na pagbuhos ng ulan na dala ng ‘Habagat’.
Sa Caloocan, hindi alinta ng mga tauhan ng CDRRMO ang malakas na agos ng tubig sa Aquarius St., Gremville, Brgy. 165, para ma-rescue ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong, kabilang ang inanod na sasakyan sa Doña Aurora, Brgy. 177.
Bumisita naman para maghatid ng tulong na mga pagkain si Mayor Along Malapitan sa may 930 mga pamilyang dinala sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod.
Sa Malabon, nagdeploy ng 121 trained personnel ang MDRRMO, katuwang ang Bureau of Fire Protection–Malabon, Philippine Coast Guard, at barangay officials para maglunsad ng rescue operations at pre-emptive at forced evacuations sa iba’t ibang barangay na may mataas na tubig baha, patikular sa Barangays Tinajeros at Potrero.
Personal ding binisita ni Mayor Jeannie Sandoval para kamustahin at magbigay ng food packs sa may 685 na mga pamilya na dinala sa iba’t ibang evacuation centers sa lungsod habang 24/7 namang nakasubaybay ang Malabon Command and Communication Center dahil nasa ilalim pa rin ng ‘Red Alert’ status ang lungsod at nagpapatuloy pa rin ang ‘Libreng Sakay’ na aagapay sa mga stranded na communters.
Hinimok rin niya ang mga residente na makipagtulungan sa panahon ng paglikas para sa kaligtasan ng kanilang mga pamilya.
“Manatili po tayong nakahanda, at kalmado. Handa po ang ating mga kagamitan at ang mga personnel upang umalalay sa panahong kagaya nito. Ngunit kakailanganin po natin ang inyong kooperasyon lalo na kung mayroong baha sa inyong lugar,” pahayag ni Mayor Jeannie.
Ayon naman sa Navotas Public Information Office, as of 2pm, July 22, 2025, may 181 mga pamilya ang namamalagi sa iba’t ibang evacuation centers sa Navotas City kung saan personal silang binisita ni Mayor John Rey Tiangco para kamustahin at bigyan ng mga pagkain.
Inihayag din ni Mayor Tiangco na tuloy-tuloy ang Libreng Sakay ng Pamahalaang Lungsod, katuwang ang AFP NCR Command para matulungan ang apektadong commuters.
Samantala, as of 2pm ng July 22, 2025, may 2,559 mga pamilya ang nanatili sa iba’t ibang evacuation centers sa Valenzuela City kung saan personal silang binisita ni Mayor Wes Gatchalian para bigyan ng mainit na pagkain, disaster kits, relief goods, at health assistance.
Ayon sa alkalde, tuloy-tuloy rin ang Libreng Sakay ng pamahalaang lungsod para matulungan ang stranded na cmmuters habang tiniyak naman ng City Veterinary Services Office na ang mga alagang hayop ay ligtas na naalagaan at nabigyan ng sapat na pagkain at sa iba’t ibang mga evacuation area sa lungsod.
Alinsunod naman sa Memorandum Circular Blg. 90 ng Office of the President, suspendido pa rin ang lahat ng in-person classes sa Miyerkles, July 23, 2025 sa Metro Manila, kabilang ang Caloocan, Malabon, Navotas at Valenzuela.
Maging ang trabaho sa mga opisina ng gobyerno ay suspendido rin, maliban sa emergency at disaster response offices. (Richard Mesa)