• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Retiradong sundalo, kalaboso sa pamamaril sa Caloocan  

KALABOSO ang 59-anyos na retiradong sundalo matapos pagtripan at pagbabarilin ang tatlong binata, kabilang ang dalawang estudyante sa Caloocan City.

          Sa kanyang report kay Northern Police District (NPD) Acting District Director P/BGen. Jerry Protacio, kinilala ni Caloocan Police OIC chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Juanito”, 59, retired Marines, at residente ng Brgy. 8.

          Lumabas sa inisyal na imbestigasyon, dakong alas-6:30 ng gabi, kumakain sa Sinilyasi Street, Brgy., 8, ang mga biktimang sina alyas “DJ”, 20, out-of-school youth, alyas “Zenri”, 20, estudyante at alyas “Mark”, 19, estudyante, pawang residente ng nasabing barangay, nang dumaan ang suspek at kanyang kasama.

          Makalipas ang ilang sandali, bumalik ang suspek at nilapitan ang mga biktima saka nagtanong “Adik ba kayo?” bago naglabas ng baril at ilang beses na nagpaputok patungo sa direksyon ng tatlong binata.

          Dahil sa takot, nagtakbuhan sa magkakaibang direskyon ang mga biktima saka nagtago para sa kanilang kaligtasan habang tumakas naman ang suspek patungo sa kanilang bahay.

          Humingi naman ng tulong ang mga biktima sa pulisya at sa isinagawang follow-up operation ng mga tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 4 sa pangunguna ni P/Capt. Zoilo Lopez, katuwang ang SWAT team sa pamumuno ni P/Capt. Mark Son Almeranes ay matagumpay na naaresto ang suspek.

          Nakumpiska sa suspek ang ginamit na isang ARMSCOR caliber .45 pistol na may isang magazine na kargado ng isang bala at isang basyo ng bala saka siya dinala sa himpilan ng pulisya para sampahan ng kaukulang kaso. (Richard Mesa)