• April 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM umaasang mapapatakbo na ang subway stations: Inagurasyon ng MMSP sa 2028 inaasahan

NAGPAHAYAG ng kumpiyansa si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na bahagyang mapatatakbo ang subway stations ng Metro Manila Subway Project (MMSP) sa 2028.
Matapos inspeksyunin ang Camp Aguinaldo subway station sa Quezon City, sinabi ni Pangulong Marcos na masaya siyang makita ang progreso ng nagpapatuloy na construction work ng MMSP.
“Masasabi ko naman napakagandang trabaho ang kanilang ginagawa. Sana matapos natin ito hanggang Valenzuela. Baka matapos natin ito, (20)28. Baka puwede nang i-inaugurate (ng) 2028,” ayon sa Pangulo sa isinagawang pag-inspeksyon sa CAMP AGUINALDO STATION OF THE METRO MANILA SUBWAY PROJECT na Metro Manila Subway Project in Camp Aguinaldo Station in Quezon City.
“Basta tingnan natin. Lahat naman ay naga-agree na kailangang bilisan ng mabuti, nang husto dahil ang ating mga commuter, para naman mas maging maginhawa ang kanilang pag-commute,” aniya pa rin.
Winika ng Pangulo na simula na maging operational ang MMSP, ang travel time mula Valenzuela City patungong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City ay magiging 40 minuto na lamang mula sa karaniwang byahe na dalawa’t kalahating oras.
“Ito ay isang malaking proyekto na ginagawa natin sa ilalim ng Department of Transportation para sa ating mga commuters. Ito ‘yung ating Subway Project napapabuti natin hanggang itong phase na ito hanggang Valenzuela.
Ngayon, pagka nabuo na ito, ang travel time mula sa Valenzuela hanggang sa airport ay sa kasalukuyan mga dalawang oras ‘yan eh – dalawang oras at kalahati. Kaya mababawasan ‘yan mga 40 minutes na lang,” ayon sa Pangulo.
Sa kabilang dako, pinuri naman ng Pangulo ang Japan, partner ng Pilipinas para sa konstruksyon ng subway, para sa “doing a very good job.”
“So patuloy nating ginagawa napakaimpressive talaga ito kung titignan niyo. Isipin niyo kung gaano kabigat ‘yung engineering na dinadala nila dito,” ayon sa Chief Executive.
“The Japanese do that the best. I think in the whole world, it is recognized that the Japanese are one of the top when it comes to heavy engineering and construction work such as this,” anito pa rin sabay sabing “Kaya I think we have picked the right partner and I am very happy to see the progress that’s being made.”
“Kaya I urge everyone to keep going, and we look forward to the day when we can say na nasakyan na natin ‘yung subway sa Pilipinas. We have taken the tube to go to work,” ang sinabi pa rin ng Pangulo.
Ang MMSP, kauna-unahang underground railway system ng bansa, ay isang 3-km. at 17-station rail line na magkokonekta sa Valenzuela City sa hilagang bahagi nito patungong Pasay City, sa katimugang bahagi, na may ‘spur line’ sa NAIA Terminal 3.
Ang kauna-unahang Tunnel Boring Machine (TBM) ng contract package (CP) 103 ng MMSP ay ilulunsad mula sa Camp Aguinaldo station tungo sa Ortigas station, kasunod ng tunnel alignment sa ilalim ng Barangay White Plains, Corinthian properties at Meralco compound. ( Daris Jose)