• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

FLOODGATES BINUKSAN AT NAGLAGAY NG TRASH TRAPS SA MAYNILA

BINUKSAN ang floodgate at naglagay ng trash traps sa Manila Yacht Club upang maibsan ang posibeng pagbaha sa mga Distrito ng Ermita, Malate, San Andres at Paco ngayong panahon ng tag-ulan.
Ang pagbubukas ay pinangunahan ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Atty Don Artes at Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ngayong MIyerkules ng umaga.
Bukod sa pagbubukas ng floodgate, sinabi ni Chairman Artes na naglagay din sila ng “trash trap” sa mga lagusan ng tubig ng Manila Yacht Club upang hindi mapunta sa Manila Bay ang mga aanuring basura na kaagad sinasalok ng kanilang mga tauhan.
Sinabi ni Artes na may dalawa pang floodgate na ang isa ay sa bahagi ng Remedios na puwede nilang buksan kapag tumindi ng husto ang baha sa Maynila, lalu na kung may bagyo o sunud-sunod na malalakas na buhos ng ulan.
Gayunman, sa ngayon aniya ay hindi pa naman kailangan ito. “So long as hindi naman tumaas ng more than gutter deep at passable sa lahat ng uri ng sasakyan ang mga lansangan, siguro, hindi na namin muna bubuksan,” sabi ni Artes.
Isa pa sa nakikitang solusyon ni Artes ang pagdaragdag ng Sewerage Treatment Plant (STP) dahil kulang aniya ang kapasidad ng kasalukuyang STP upang mailabas ng mabilis ang tubig at para na rin makatupad sa inilabas na mandamus ng Korte Suprema ng sa gayon ay hindi na bumaha sa Maynila.
Gayunman, aminado ang dalawa na kailangan ang malaking budget para rito na magmumula sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon naman kay Yorme Isko, sa ngayon ay inaasahan pa rin nila na mayroon pa ring pagbaha lalu na’t hindi pa naman nila alam agad-agad ang epekto nito.
Nanawagan din ang dalawa sa mamamayan na dapat na responsable sa pagtatapon ng basura lalu na’t ito ang pangunahing dahilan ng pagbaha sa maraming lugar. (Gene Adsuara)