Bebot na high value drug suspect, tiklo sa Malabon buy bust
- Published on July 17, 2025
- by @peoplesbalita
TIMBOG ang isang babeng tulak ng ilegal na droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Malabon City, Miyerkules ng umaga.Kinilala ni P/Capt. Regie Pobadora, OIC chief ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ang naarestong suspek na si alyas “Reign”, 25, ng Caloocan City na mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11, under Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Jerry Protacio, sinabi ni Capt. Pobadora na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y ilegal drug activities ng suspek.
Nang magawang makipagtransaksyon sa suspek ng isa sa mga operatiba ng DDEU, agad nilang ikinasa ang buy bust operation, sa koordinasyon sa PDEA.
Matapos matanggap ang signal mula sa kanilang kasama na nagpanggap na poseur-buyer na positibo na ang kanilang transaksyon, agad lumapit ang mga tauhan ni Capt. Pobadora at dinakip ang suspek dakong alas-6:33 ng umaga sa Brgy. Tugatog, ng lungsod.
Nasamsam sa suspek ang humigi’t kumulang 50 grams ng hinihinalang shabu na may estimated standard drug price value na P340,000.00 at buy bust money.
Pinuri naman ni Gen. Protacio ang mga operatiba ng DDEU sa kanilang mabilis at decisive action na nagresulta sa pagkakaaresto sa isa umanong pinaka-most notoryus drug personality.
“This arrest sends a clear message that there is no safe haven for those involved in illegal drug activities. The Northern Police District remains relentless in its campaign against illegal drugs and in ensuring the safety of our communities,” aniya. (Richard Mesa)