• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Wanted sa frustrated murder, nakorner sa Caloocan City Jail

SA loob na ng kulungan nakorner ng pulisya ang isang lalaki na wanted sa kasong frustrated murder matapos makulong sa hindi nabanggit na kaso sa Caloocan City.
          Sa ulat, nakanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng District Anti-Carnapping Unit (DACU) ng Northern Police District (NPD) na kasalukuyang nakakulong sa loob ng Caloocan City Jail (CCJ) sa Talimusak Street, Kaunlaran Village ang akusado na si alyas “Harold”, 36, residente ng Tala, ng lungsod at kabilang sa talaan ng mga Most Wanted Person sa Caloocan police.
Hindi nabanggit kung anung kaso ang kinasangkutan ni ‘Harold’ na dahilan ng kanyang pagkakulong.
          Kaagad nakipag-ugnayan ang mga operatiba ng DACU sa BJMP CCJ bago isinilbi kay ‘Harold’ ang dala nilang arrest warrant na inilabas ng Caloocan City Regional Trial Court (RTC) Branch 123, noong June 26, 2018 para sa kasong Frustrated Murder dakong alas-3:50 ng hapon sa loob ng naturang kulungan.
Ang operasyon ay naidokumento gamit ang Alternative Recording Device (ARD) habang may inirekomenda namang piyansa ang hukuman na P200K halaga para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
Pinapurihan naman ng bagong NPD Acting District Director na si P/BGen. Jerry Protacio ang mga operating team sa kanilang mabilis at mapagpasyang aksyon, na naresulta sa pagkakaaresto sa isa sa mga most wanted indibidwal sa lugar. (Richard Mesa)