Tsina, pinakakasuhan sa ICJ
- Published on July 17, 2025
- by @peoplesbalita
HINIKAYAT ng isang dating mambabatas ang kaukulang opisyal ng Pilipinas na kasuhan ang Tsina sa International Court of Justice (ICJ) dahil sa pagkasira ng 464 sqm coral reefs sa Pag-Asa Island.
Tinataya na aabot sa P11.1 milyong halaga ng ecosystem ang nasira dahil sa sasakyang pandagat na ipinadala sa naturang lugar. Nakayod umano ng mabigat na nylon anchor ang nasa 464 square meters na coral reefs sa may Pag-Asa Island noong nakalipas na buwan.
Ipinanukala rin ni dating Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers sa posibilidad na makakuha ng monetary claims sa paghahain ng kaso laban sa Tsina na ipapamahagi sa mangingisdang Pinoy na naapektuhan ang pangkabuhayan matapos ma-bully, i-water cannon at tabuyin sa sariling territorial fishing grounds sa West Philippine Sea.
“I think we should not let other countries responsible for the destruction of our ecosystems get away from their misdeeds, deliberately or accidentally. Sa aking palagay, hindi tama na palalagpasin na lang o magkikibit balikat na lang tayo sa bagay na ito,” ani Barbers, dating chairman ng House Committee on Dangerous Drugs at Quad Committee.
“At kung sakali man na manalo ang ating bansa sa demanda at makakuha ng compensation mula sa China dahil sa paninira ng ating karagatan, dapat lang na lahat ng biyayang ito ay ipamigay sa ating mga inapi at nawalan ng kita o hanapbuhay na mga mangingisdang Pinoy,” dagdag nito.
Ang Chinese militia vessel na may hull number 16838, na na-stuck ng halos tatlong oras noong June 7 sa panubigan na may tatlong kilometro mula sa Pag-Asa Island, ang gumamit ng mabigat na nylon parachute anchor na nakasira sa 30 percent ng palibot na lugar. (Vina de Guzman)