• September 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

LTO, sinuspinde ang lisensya ng driver sa NAIA tragic accident

ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. na papanagutin ang mga pasaway na motorista, sinuspinde agad ng Land Transportation Office (LTO), sa ilalim ng patnubay ni DOTr Secretary Vince B. Dizon, ang lisensya ng driver na sangkot sa malagim na aksidente sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Linggo, May 4. Ang suspensyon ay epektibo sa loob ng 90 araw.

Ayon kay LTO Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II, naglabas din ang ahensya ng show cause order laban sa rehistradong may-ari ng sasakyan. Dagdag pa ni Asec. Mendoza, inatasan ang driver na isuko ang kanyang lisensya sa lalong madaling panahon.

“Una sa lahat, nais kong ipahatid ang aking taus-pusong pakikiramay sa pamilya ng dalawang nasawi sa aksidenteng ito. Talagang nakalulungkot ang pangyayaring ito lalo’t isa sa mga namatay ay isang bata, anak ng isang overseas Filipino worker,” ani Asec. Mendoza.

“Nakapaglabas na kami ng show cause order na nag-aatas sa rehistradong may-ari ng sasakyan at sa driver na humarap sa aming tanggapan upang magpaliwanag bilang bahagi ng aming imbestigasyon,” dagdag niya.

Batay sa ulat na natanggap ng LTO, isang itim na Ford Everest (Plate No. DCB-3411) ang bumangga sa west departure curbside area bandang alas-8 ng umaga noong Linggo. Ilang indibidwal ang nasugatan sa insidente.

Hawak na ng mga awtoridad ang driver at ayon sa kanyang pahayag, paalis na sana siya sa departure area matapos ihatid ang pasahero nang biglang may dumaan na sedan sa kanyang harapan.

Dahil dito, siya ay nataranta at imbes na preno ang apakan, napindot niya ang silinyador. Dahil dito, dalawa ang nasawi at tatlo pa ang nasugatan.

Agad na nagtungo si Secretary Dizon sa lugar upang personal na tingnan ang kalagayan ng mga biktima at ipinahayag niyang ipapaubaya na niya sa kapulisan ang masusing pagsisiyasat.

Sinabi ni Asec. Mendoza na bagaman may naunang pahayag na ang driver, magsasagawa pa rin ang LTO ng hiwalay na imbestigasyon upang matukoy ang lahat ng detalye at mga dahilan ng trahedyang ito. (PAUL JOHN REYES)