Rapist na top 2 most wanted sa Malabon, himas-rehas
- Published on May 6, 2025
- by @peoplesbalita
NAGWAKAS na ang pagtatago ng isang puganteng kriminal na nakatala bilang isa sa pinaka-most wanted na personalidad nang matunton ng pulisya sa kanyang pinagtaguang lugar sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat, nakatanggap ng impormsyon ang Northern Police District (NPD) hinggil sa tinutuluyang lugar ng akusadong si alyas “Roger”, 32, na nakatala bilang Top 2 Most Wanted Person sa lungsod.
Magkasanib ang District Special Operations Unit (DSOU), Northern District Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit (NDIT-RIU), at Women and Children Protection Section ng Malabon Police Station na binuo ni NPD Director P/BGEN. Josefino Ligan upang tugisin ang akusado na mahigit tatlong taon ng nagtatago sa batas.
Dakong alas-7:45 ng gabi nang malaglag na ng tuluyan sa kamay ng batas si alyas Roger na kinasuhan ng magulang ng batang biktimang ginawan niya ng kahalayan matapos masukol sa kanyang tinutuluyang lugar sa Dalagang Bukid St. Brgy. Longos
Ayon kay Malabon Police Chief P/Col. Jay Baybayan, isinilbi ng pulisya kay alyas Roger ang warrant of arrest na inilabas noong Nobyembre 3, 2022 ni Malabon Family Court Branch 4, Presiding Judge Abigail Santos Domingo-Laylo kaugnay sa mga kasong Statutory Rape, Sexual Abuse, at Acts of Lasciviousness.
Walang inilaang piyansa ang korte sa kasong Statutory Rape habang may piyansa namang P200,000 sa Sexual Assault at P180,000 sa Acts of Lasciviousness para sa pansamantalang paglaya ng akusado.
“I issue this stern warning for those who prey on women and children: NCRPO, with all its available resources, will not rest until you will be arrested and held accountable for your crimes,” pahayag naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Regional Acting Director P/MGEN. Anthony Aberin makaraang magpaabot ng pagbati sa NPD sa matagumpay na operasyon. (Richard Mesa)