• March 11, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

NHA namahagi ng Certificate of Lot Allocation sa mga benepisyaryo sa Batasan Hills

GUMAWA ng mahalagang hakbang ang National Housing Authority (NHA) upang matiyak ang pagmamay-ari ng lupa para sa mga miyembro ng Lakatan Bayanihan Dolor Estate Homeowners Association sa pamamagitan ng paggawad ng 85 Certificate of Lot Allocation.

 

Sa isang seremonya na kamakailan lang sa SB Park, Brgy. Batasan Hills, Lungsod Quezon, natanggap ng mga benepisyaryo ang kanilang mga sertipiko sa presensya ng NCR East Sector Officer-in-Charge na si Ar. Monn Alexander Ong, na kumatawan kay NHA General Manager Joeben Tai. Dumalo rin sa kaganapan ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Quezon City at mga miyembro ng samahan ng mga may-ari ng bahay.

 

Isa sa mga benepisyaryo, si Rene Cornita, ay nagpahayag ng kanyang pasasalamat sa pagtanggap ng katibayan ng lot allocation, na aniya ay isang hakbang patungo sa seguridad ng kanyang pamilya na magkaroon ng tahanan.

 

“Sobrang saya po kasi isa ako sa mga awardee ng NHA at nabiyayaan ng Certificate of Lot Allocation. Wala na masyadong kaba sa kinatitirikan ng aming munting tahanan. Nagpapasalamat din ako sa mga taong nasa likod nito, lalo na sa ating gobyerno, na nagbibigay ng pabahay at lupa para sa mga nangangailangan.”

 

Ang Dolor Estate Socialized Housing Project ay bahagi ng Settlements Upgrading Program ng NHA, na naglalayong magbigay ng seguridad sa paninirahan at pagbutihin ang imprastraktura sa mga informal settlements na matatagpuan sa mga lupang pag-aari ng gobyerno na inilaan para sa pabahay. Ang 5,400 sqm na lupa sa Lakatan St., Brgy. Batasan Hills, Lungsod Quezon, ay nakuha ng NHA noong 1989 upang suportahan ang mga layuning ito. (PAUL JOHN REYES)