• April 23, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

2 sa 5 sugarol na natimbog sa Caloocan, buking sa boga at patalim

NABISTO ang dalang baril at patalim ng dalawa sa limang kalalakihan matapos maaktuhan ng pulisya na naglalaro ng ilegal na sugal sa Caloocan City.

 

 

Tinangka pang tumakas nina alyas “Calatay” at “Tablante” nang matiyempuhan sila at tatlo pang kasama ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Ruben Lacuesta habang nagsusugal ng ‘cara y cruz’ sa Manggahan St Miramonte Park, Soldiers Hills, Brgy. 180 dakong alas-12:30 ng hatinggabi.

 

 

Subalit, nang habulin at masukol ng pulisya ang dalawa, nakuha kay ‘Tablante’ ang isang improvised shotgun na may kargang isang 12 gauge na bala habang balisong naman ang nasamsam kay ‘Calatay’.

 

 

Ang tatlo nilang kasama ay hindi na nagtangkang tumakas matapos makuha sa kanila ang tatlong barya na ginagamit bilang toss coin o pangara at P560,00 na taya sa kanilang pagsusugal.

 

 

Ayon kay Col. Lacuesta, bukod sa kasong paglabag sa PD 1602 na isasampa sa limang nadakip, karagadagng paglabag sa R.A. 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition at B.P 6 o illegal possession of deadly weapon ang ihahain nila laban kina ‘Tablante’ at ‘Calatay’ sa Caloocan City Prosecutor’s Office. (Richard Mesa)