MMDA handa sa bantang 2-linggong welga ng PISTON
- Published on December 20, 2023
- by @peoplesbalita
NAGDEKLARA ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na handa sila sa balak na magkaron ng 2-linggong welga na gagawin ng mga grupo ng progresibong sektor ng transportasyon.
Ayon sa balita na ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operaytor Nationwide (PISTON) at Manibele ay muling maglulungsad ng welga upang iprotesta ang plano ng pamahalaan na magkaron ng modernization ang mga pampublikong transportasyon.
“We are prepared to enforce measures to ensure passengers will experience minimal inconvenience,” wika ni MMDA chairman Romando Artes.
Patuloy na sinusubaybayan ng inter-agency task force na binubuo ng mga ahensiya na nasa ilalim ng Department of Transportation (DOTr) at MMDA ang mga kaganapan sa welga sa command center ng huli sa MMDA Metrobase sa Makati.
Noong nakaraang Dec. 14-15, ang pamahalaan ay naalerto dahil ang mga nagwewelgang drivers ay nanggugulo sa mga kasamahan nilang drivers na hindi sumasama sa kanilang welga. Sinisigawan at inaalis ang signages na nakalagay sa windshield ng mga PUJs. Sa Taguig naman, ang mga gulong ng ibang modern jeepneys ay tinusok ng mga pako galing sa mga nagwewelgang drivers.
Subalit, mabilis na kumilos ang MMDA at mga kapulisan upang maiwasan pa ang patuloy na pangungulo ng mga grupo.
Samantala, nagkaron naman ng pagsisikip ng trapiko noong Dec. 15 dahil ang mga empleyado ay nakuha na nila ang kanilang sweldo at bonus kung kaya’t nagkaron ng “last-minute shopping” habang ang iba naman ay dumalo sa mga Christmas parties.
Inaasahan ng MMDA na magkakaron muli ng pagbigat ng trapiko sa mga pangunahing lansangan sa Metro Manila ngayon darating na weekend kung saan magkakaron ng Christmas exodus ang mga motorista na maglalakbay papunta sa mga probinsiya ngayon kapaskuhan. LASACMAR