• March 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Higit 2,000 trabaho, tampok sa Bulacan Trabaho Service Caravan

LUNGSOD NG MALOLOS – Higit 2,000 oportunidad dito at sa ibang bansa ang naghihintay sa mga Bulakenyong naghahanap ng trabaho sa pagsasagawa ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Youth, Sports, and Public Employment Services Office (PYSPESO) ng Bulacan Trabaho Service (BTS) Caravan sa Huwebes, Mayo 4, 2023, 8:00 ng umaga sa Bulacan Capitol Gymnasium sa lungsod na ito.

 

 

Iniimbitahan ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga interesadong Bulakenyo na makiisa sa Labor Day job fair na nakaangkla sa temang “Pabahay, Bilihing Abot-Presyo, Benepisyo ng Matatag na Trabaho para sa Manggagawang Pilipino” at magparehistro sa https://bitly.ws/Dwy8.

 

 

“Narito po muli ang isang pagkakataon para sa ating mga kalalawigan upang matagpuan ang kanilang pangarap na hanapbuhay na siyang magiging susi upang makamit nila ang kanilang mga pangarap para sa kanilang sarili at sa kanilang pamilya,” anang gobernador.

 

 

Maliban sa 40 lokal at 10 overseas na ahensya, mayroon ding mga serbisyong may kaugnayan sa empleyo na matatagpuan sa gawain upang magbigay ng front desk assistance sa mga aplikante kabilang ang NBI, SSS, DFA, BIR, PSA, Philhealth, DTI, PAG-IBIG, at TESDA.

 

 

Mayroon ding libreng print at photocopy ng mga dokumento para sa lahat ng naghahanap ng trabaho.

 

 

Bukod pa rito, maaaring bumili ng mga sariwang ani kabilang ang bigas, gulay, prutas at iba pa sa murang halaga sa KADIWA Retail Store; libreng gupit at masahe sa pakikipagtulungan ng mga nagsipagtapos ng In-house Skills Training; at trade fair sa pangunguna ng Department of Trade and Industry tampok ang mga produkto at serbisyo ng mga piling benepisyaryo ng DOLE Integrated Livelihood Program (DILP). (BISHOP JESUS “JEMBA” BASCO)