Expired na booster, itinanggi ng DOH
- Published on September 8, 2022
- by @peoplesbalita
ITINANGGI ng Department of Health (DOH) na mayroon ng mga nag-expire na mga booster shots na ginagamit sa kasalukuyang ‘vaccination campaign’ ng pamahalaan.
“There is no truth that what we are distributing as booster shots are expired,” giit ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire.
Ipinaliwanag ni Vergeire na may ‘extended shelf life’ ang mga booster shot na ipinapaliwanag nila sa mga babakunahan bago iturok sa kanila.
Kapag malapit na umanong mag-expire ang bakuna ay nakikipag-ugnayan sila sa Food and Drug Administration para makipag-coordinate naman sila sa mga manufacturers para mabatid ang ‘extended shelf life’ nito.
Sumasailalim din umano sa ‘stability study’ ang mga ‘expired’ nang bakuna. Ito ay para mabatid ang ‘long term quality’ ng produkto.
Ang mga ‘vials’ na may ‘extended life’ ay hindi lamang umano nalagyan ng tamang ‘label’ na mayroon pa ring nakalagay na ‘expiration date’.
Hindi naman umano maisauli ng DOH ang mga vaccine vials sa mga manufacturers dahil ilan sa mga ito ay tumigil na sa pag-manufacture ng bakuna.
Sa pinakahuling datos, halos 76 milyong Filipino na ang nabakunahan ng ‘primary series’, habang higit 18 milyon ang nakatanggap ng unang booster shot.