Magsayo, PH 11 pasiklab sa Enero
- Published on February 14, 2022
- by @peoplesbalita
SINA professional boxer Jessel Mark ‘Magnifico’ Magsayo at national women’s football team ang mga nagpasimula sa pasiklab ng mga atletang Pinoy sa 2022 nang maghati sa karangalan sa Enero.
Ipinagpatuloy nila ang malalaking tagumpay ng mga kapwa manlalaro sa nakaraang taon makalipas masikwat ni Magsayo ang World Boxing Council (WBC) featherweight title sa Atlantic City, New Jersey habang nagtala ng kasaysayan ang PH 11 sa pagkubra ng unang tiket sa sa 9th International Football Federation (FIFA) Women’s World Cup 2023 sa Australia at New Zealand sa Hulyo-Agosto.
Kaya sinaluduhan noong Biyernes ng Philippine Sportswriters Association (PSA) ang dalawa.
Sinilat ni Magsaso si Gary Russell Jr. ng Estados Unidos via majority decision, 114-114, 115-113, 115-113 noong January 22 para humanay sa mga kampeong Noypi sa larangan sa mundo kina Jerwin Ancajas (International Boxing Federation super flyweight), Rene Mark Cuarto (IBF minimumweight), John Riel Casimero (World Boxing Organization bantamweight), at Nonito Donaire, Jr. (WBC bantamweight).
Binulaga rin ng Pinay booters noong Jan. 31 ang Chinese Taiper sa penalty shootout 4-3 sa 20th Asian Football Confederation (AFC) Asian Cup sa Pune, India.
Kuminang din si cue artist Roland Garcia at mga rower sa pangunguna ni Tokyo Olympian Chris Nievarez. Pumangalawa si garcia sa Arizona 10-Ball Open sa Tucson sa likod ni Russian Fedor Gorst, na napanaitli ang korona sa iskor na 4-3 at 4-2.
Segunda rin si Nievarez sa U23 2,000-meter event ng Asian Rowing Virtual Indoor Championships para mamuno sa anim na silver at dalawang bronze medal na koleksiyon ng Team Pilipinas.
Sa golf, namayagpag si Bianca Isabel Pagdanganan sa 73rd Ladies Professional Golf Association (LPGA) 2022 Leg 2 Gainbridge LPGA at Boca Rio driving distance sa Florida noong Jan. 27 sa tiniradang 283-yard average.