Mobile vaccination team sa Navotas, muling iikot
- Published on February 14, 2022
- by @peoplesbalita
INANUNSYO ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas na muling mag-iikot sa mga barangay ang kanilang vaccination team simula sa February 14, 2022.
Ayon kay Mayor Toby Tiangco, ang mobile vaccination team ay mag house-to-house para magbakuna ng booster na Astrazeneca sa bedridden na mga residente ng lungsod.
Aniya, para mapuntahan ng vaccination team ay kailangan ipalista ang pangalan ng babakunahan, address, at contact details sa kanilang Barangay, mag Text JRT Globe: 0915-2601385, Smart: 0908-8868578, Sun: 0922-8888578 at sa Navoteno Ako Facebook page.
Hanggang February 10, 2022, umabot na sa 21,020 ang kabuuang bilang ng Covid cases sa lungsod, 49 dito ang active cases, 20,338 ang mga gumaling at 633 naman ang binawian ng buhay dahil sa naturang virus.
Muling paalala ng alkalde, ituloy-tuloy lang ang pag-iingat at pagsunod sa safety at health protocols para dire-diretso na rin ang pagbaba ng mga kaso.
“Kung dire-diretso na ang pagbaba ng bilang ng mga nahahawaan ng sakit, mas luluwag na ang mga patakaran at mas marami na rin ang makakabalik sa trabaho. Kaya pagsumikapan po nating tapusin ang COVID-19 para balik-trabaho at eskuwela na ang karamihan,” pahayag niya. (Richard Mesa)