Clarkson desididong lumaro sa 2023 FIBA World cup
- Published on April 12, 2021
- by @peoplesbalita
Desidido si Filipino-American NBA star Jordan Clarkson ng Utah Jazz na makapaglaro bilang local player kasama ang Gilas Pilipinas sa presithiyosong 2023 FIBA World Cup.
Mismong si Clarkson na ang nagkumpirma na buo ang puso nitong maging bahagi ng Gilas Pilipinas sa naturang world meet na itataguyod ng Pilipinas kasama ang co-hosts na Japan at Indonesia.
“Clarkson plans to return to Gilas Pilipinas in 2023, he said, when the team takes part in Olympic qualifying competitions, including the World Cup, which the Philippines is co-hosting,” ani Scott Cacciola sa kanyang artikulo sa New York Times.
Hindi ito ang unang pagkakataon na magiging bahagi si Clarkson ng national team. Nakapaglaro na ito noong 2018 Asian Games sa Jakarta, Indonesia bilang local player.
Subalit iba ang regulasyon sa Asian Games at FIBA.
Sa Asian Games na minamanduhan ng Olympic Council of Asia, sapat na ang Philippine passport para maging bahagi ng national team.
Sa kabilang banda, requirement ng FIBA na magkaroon ng Philippine passport ang isang player sa edad na 16-anyos para maituring na isang local player.
Naglabas ng patunay na may Philippine passport si Clarkson na nakuha nito bago pa ito mag-16. Subalit ayon sa ilang ulat, kinukuwestiyon ito ng FIBA dahil wala itong tatak na tanda na nagamit ang passport.
Dahil dito, itinuturing na naturalized player si Clarkson base sa FIBA ruling.
Kaya naman patuloy ang Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) sa pagsulong na makapaglaro si Clarkson bilang local player.
Tanging isang naturalized player lamang ang maaaring isama sa national team base sa patakaran ng FIBA.