• October 20, 2025 WordPress timezone: Asia/Manila
    Current date: October 21, 2025
    Current time: October 21, 2025 6:42 AM

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

8-0 sinakmal ng Lady Bulldogs

PATULOY  ang pananalasa ng National University matapos pataubin ang De La Salle University, 25-21, 25-20, 25-17, upang maikonekta ang ikawalong sunod na panalo kagabi sa UAAP Season 84 women’s volleyball tournament sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.

 

 

Bumandera sa matikas na kamada ng Lady Bulldogs si wing spiker Princess Robles na nagpakawala ng matatalim na atake sa buong panahon ng laro para manduhan ang opensa ng kanilang tropa.

 

 

Kumana si Robles ng 15 attacks at dalawang aces habang nagdagdag naman si Michaela Belen ng 15 hits para sa Lady Bulldogs na matatag na nakakapit sa solong pamumuno bitbit ang 8-0 baraha.

 

 

Nalaglag ang La Salle sa ikatlong puwesto tangan ang 5-3 marka.

 

 

Naitakas naman ng University of Santo Tomas (UST) ang pahirapang 24-26, 20-25, 25-21, 25-23, 15-12 desisyon sa Adamson University para makuha ang ikaanim na panalo.

 

 

Namayani rin ang University of the Philippines sa University of the East, 25-23, 26-24, 25-17 habang nanalo ang Ateneo sa Far Eastern University, 25-22, 25-13, 25-23.

 

 

Magkakasalo na ang Adamson, UP at Ateneo sa ikaapat na puwesto tangan ang magkakatulad na 4-4 baraha.