76 DAYUHAN, DINAKIP SA IKALAWANG RAID LABAN SA ILLEGAL NA POGO
- Published on October 14, 2026
- by Francis Paolo Torres
INARESTO ng mga operatiba ng Intelligence Division ng Bureau of Immigration (BI-ID), katuwang ang Special Response Team (ID-SRT), Region 4 Regional Intelligence Operations Unit (RIOU) at National Capital Region Command ng Armed Forces of the Philippines (AFP), ang 76 na dayuhan sa isang pasilidad na hinihinalang sangkot sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at ginagamit umano sa online scamming sa Barangay Socorro, Cubao, Quezon City, noong Oktubre 12.
Ayon sa ulat ni Intelligence Division Chief Fortunato S. Manahan Jr., kay Commissioner Joel Anthony M. Viado, sangkot umano sa online scamming ang mga dayuhan nang pasukin ng mga operatiba ng BI ang naturang pasilidad.
Sa paunang pagkakakilanlan, kabilang sa mga nadakip ang 74 na Chinese national at dalawang Myanmar national.
Kasalukuyang sumasailalim sa inquest proceedings ang mga dayuhan at haharap din sa deportation proceedings alinsunod sa mga batas sa imigrasyon ng Pilipinas.
Kapag naglabas na ng deportation orders, isasama ang kanilang mga pangalan sa blacklist ng BI, na hahadlang sa kanilang muling pagpasok sa bansa.
“Patuloy ang operasyon ng BI laban sa ilegal na aktibidad ng POGO. Nananatili kaming nakatuon sa pagpapatupad ng mga batas sa imigrasyon at pagsuporta sa kampanya ng pamahalaan laban sa online scamming at iba pang ilegal na operasyon,” ani Viado. (Gene Adsuara)