4 NA BABAE, NAILIGTAS, 3 SUSPEK NAARESTO SA HUMAN TRAFFICKING
- Published on August 14, 2026
- by Francis Paolo Torres
NAILIGTAS ng Philippine Coast Guard (PCG) at mga katuwang na ahensiya ang apat na babae at naaresto ang tatlong suspek na umano’y sangkot sa human trafficking sa isang intelligence-driven operation sa Barangay Tetuan, Zamboanga City.
Ayon kay Coast Guard District Southwestern Mindanao Commander Commodore Rejard Marfe PCG na ang pagkakaligtas at pag-aresto sa mga suspek ay bunsod sa impormasyon kanilang nakalap at sa pakikipagtulungan ng iba pang law enforcement agencies.
Ang napapanahon at beripikadong impormasyon mula sa ating mga Coast Guard intelligence personnel ang nagbigay-daan upang agad na kumilos ang magkasanib na mga operatiba bago pa lalong malagay sa panganib at pagsasamantala ang mga biktima,” ani Commodore Marfe.
Dinala ang apat na nailigtas na babae sa Department of Justice–Inter-Agency Council Against Trafficking (DOJ-IACAT) Region 9 Office para sa counseling at nararapat na pag-aasikaso sa kanilang mga kaso.
Nahaharap ang tatlong suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9208, o Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, na inamyendahan ng RA No. 10364 at RA No. 11862, gayundin sa large-scale illegal recruitment sa ilalim ng RA No. 10022.
(Gene Adsuara)