• March 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

4 barangay sa Irosin, Sorsogon, apektado na ng ashfall mula sa bulkang Bulusan

NASA apat na barangay na raw ang apektado sa Irosin, Sorsogon dahil sa ashfall mula sa bulkang Bulusan matapos itong mag-alburuto dakong alas-10:37 Linggo ng umaga.

 

 

Ayon sa municipal disaster risk reduction and management office (MDRRMO) officer na si Fritzie Michelena kabilang sa mga apektadong barangay ang Cogon, Bolos, Gulang-Gulang at Tinampo.

 

 

Nasa 800 na pamilya raw ang bahagyang naapektuhan ng ashfall sa naturang mga barangay.

 

 

Sa naganap ding phreatic explosion ng Bulkang Bulusan marami rin umano ang apektado sa Juban.

 

 

Base naman sa inisyal na assessment hindi pa raw kailangang ilipat sa evacuation centers ang mga apektadong pamilya.

 

 

Pero nakahanda naman daw ang lokal na pamahalaan sakaling kailanganin silang ilikas.

 

 

Una rito, iniulat ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Renato Solidum na nagtagal ng 16 minutes ang pag-aalburuto ng bulkan na maari pa raw masundan.

 

 

Samantala, mahigpit na naka-monitor ang Malakanyang sa kondisyon ng Bulkang Bulusan matapos ang phreatic eruption na nangyari.

 

 

Sinabi ni Presidential Communications Secretary at Acting Presidential Spokesperson Sec. Martin M. Andanar, naka-standby 24/7 ang lahat ng concerned agencies matapos itaas sa Alert Level 1 ang situwasyon doon.

 

 

Kaya ang paalala ng Malakanyang sa publiko partikular na sa mga residente na nakatira sa paligid ng bulkan, maging bigilante, i-monitor ang anumang kaganapan kaugnay sa kondisyon ng bulkan at makipag-ugnayan sa lokal na awtoridad.

 

 

Nauna rito, inanunsyo ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)Linggo ang pagkakaroon ng phreatic eruption sa Bulusan Volcano sa Sorsogon.

 

 

“This is to notify the public and concerned authorities of an ongoing phreatic eruption at Bulusan Volcano,” saad sa tweet ng seismic bureau.

 

 

Ang phreatic eruption ay isang “steam-driven explosions that occur when water beneath the ground or on the surface is directly heated by hot rocks or new volcanic deposits or indirectly by magma or magmatic gas,” anang paliwanag ng Phivolcs.

 

 

Sinabi naman ni National Disaster Risk Reduction and Management Council spokesperson Mark Timbal na mayroong naiulat na insidente ng ash fall sa Brgy Cogon sa Irosin.

 

 

“Ang Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office Irosin ay naghahanda ng mga evacuation centers,” pagsisiguro pa niya.

 

 

Sinabi ng NDRRMC na nakikipag-ugnayan sila sa Regional Disaster Risk Reduction and Management Council of Bicol hinggil sa pagputok ng bulkan.  (Daris Jose)