• November 17, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

3 wanted sa acts of lasciviousness, baril at 68 counts ng qualified theft, timbog

TATLONG most wanted persons kabilang ang 30-anyos na bebot na akusado sa 68 counts ng qualified theft ang naaresto ng mga tauhan ng Northern Police District (NPD) sa magkahiwalay na operation sa Caloocan, Malabon at San Juan Cities.

Alas-2:30 ng hapon nang makorner sa 

Lapu-Lapu Street, corner Labahita Alley, Barangay Longos ng tumutugis na mga tauhan ni Malabon Police Chief P/Col. Kenneth Mission ang 31-anyos na lalaki na akusado na nakatala bilang No. 5 Top Most Wanted Person sa Malabon City Police Station.

Inaresto siya ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Malabon Police sa bisa ng warrant of arrest para sa paglabag sa R.A 10591, o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 290, Malabon City noong October 14, 2026 para sa service of sentence.

Natimbog naman ng pinagsamang mga operatiba ng Warrant and Subpoena Section (WSS) ng Valenzuela City Police Station at Macabebe Municipal Police Station, Pampanga Police Provincial Office sa Domingo Street, Barangay Pedro Cruz, San Juan City alas-7:10 ng gabi ang isang babae na wanted sa kaso ng 68 counts of Qualified Theft .

Binitbit siya ng pulisya sa bisa ng warrant of arrest na inisyu noong October 22, 2026, ng Regional Trial Court (RTC), Branch 53, Manila, na may piyansa na kabuuang halagang P2,680,000.00 para sa kanyang pansamantalang paglaya.

Sa Caloocan, nakorner naman ng mga tauhan ni Caloocan Police Chie P/Col. Joey Goforth ang 27-anyos na helper na residente ng Brgy. 12 sa manhunt operation sa Brgy. 138 ng lungsod alas-4:10 ng hapon.

Dinakip siya ng mga operatiba ng Bagong Barrio Police Sub-Station 5 sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Acts of Lasciviousness na inisyu ng Regional Trial Court (RTC), Branch 85, Caloocan City, noong February 26, 2025. 

Ayon kay NPD Director P/BGen. Benliner Capili, patuloy na pinaiigting ng NPD ang paghahanap at pag-aresto sa mga wanted na indibidwal upang matiyak na mananagot sa batas ang mga may kinakaharap na kaso. (Richard Mesa)