BINITBIT sa selda ang isang kelot matapos nakawin ang perang pangpagamot sa chemotherapy ng kalugar at makuhanan pa ng hindi lisensyadong baril sa Caloocan City.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, kinilala ni Caloocan Police Chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Pakyaw”, 22, na mahaharap sa kasong Theft at paglabag sa Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Lumabas sa imbestigasyon na madaling araw, habang natutulog ang biktima sa loob ng kanyang bahay sa Brgy., 12, nang looban ng suspek makaraang magawa nitong mapasok dahil hindi nakakandado.
Kinuha ng suspek ang ₱30,000 na pangpagamot ng biktima sa chemotherapy, stand fan at isang pares ng sapatos bago mabilis na tumakas habang ini-report naman ng biktima sa Caloocan Police Sub-Station 4 ang insidente.
Kaagad namang nagsagawa ng follow up operation ang SS4 sa pangunguna ni P/Capt. Ronald Soriano, kasama ang mga tanod ng Brgy. 12, na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek sa Kanduli Street, Dagat-Dagatan Avenue, sa nasabing Barangay dakong alas-6:30 ng umaga.
Nakumpiska sa suspek ang isang hindi lisensyadong kalibre .38 revolver na kargado ng isang bala habang hindi na nabawi ang ninakaw nitong pera at mga gamit ng biktima. (Richard Mesa)