• March 21, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 19th, 2026

Tiangco, naghain ng House Resolution para bilisan ang impeachment proceedings ni VP Sara

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN si Navotas City Congressman Toby Tiangco sa mga kapwa mambabatas na bilisan at ipagpatuloy ang impeachment proceedings ni Vice President Sara Duterte kahit na sa recess ng kongreso mula Marso 21 hanggang Mayo 3, 2026.

Inihain ni Tiangco ang House Resolution No. 894 na umaapela sa chairperson at mga miyembro ng House Committee on Justice na pabilisin ang pagresolba sa impeachment case.

“The long recess will only delay the resolution of the pending complaints. It is imperative that the impeachment proceedings continue even during recess to once and for all settle the issue of whether or not there is a ground to impeach Vice President Sara Duterte,” ani Tiangco.

Binanggit ni Tiangco na inihain na ng Bise Presidente ang kanyang sagot sa mga impeachment complaints.

“Recent developments also indicate that the complainants in one of the impeachment
complaints have waived their right to file a reply, thereby allowing the proceedings to move forward,” dagdag niya.

Ayon kay Tiangco, ang pagpapabilis sa impeachment proceedings ay magbibigay-daan sa Kamara na makapag-concentrate sa mga bagay na may pantay na kahalagahan, tulad ng hindi nakokontrol na presyo ng langis, kawalan ng trabaho, disparity sa sahod, katiwalian, peace and order, edukasyon, at kalusugan.

“Mahalagang maresolba agad itong isyu ng impeachment dahil napakaraming isyu ang kailangan ng agarang pansin,” aniya.

“At present, the country is facing significant economic challenges arising from
global instability, particularly tensions and conflict in the Middle East, which have contributed to rising fuel prices and increased costs of transportation, goods, and basic services, thereby adversely affecting Filipino households and businesses,” pagtatapos ng mambabatas. (Richard Mesa)

DAHIL SA “ISUMBONG MO SA PDEA” REPORT, TULAK NG ILEGAL NA DROGA ARESTADO

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISANG beripikadong ulat na natanggap sa pamamagitan ng Isumbong Mo sa PDEA (IMSP) platform ang nagresulta sa matagumpay na buy-bust operation at pagkakaaresto ng isang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga sa Purok 7, Barangay Bool, Tagbilaran City, Bohol dakong 8:53 ng gabi noong Marso 16, 2026.

Pinangunahan ang operasyon ng magkasanib na puwersa ng PDEA Bohol Provincial Office, Tagbilaran City Police Station, at Bohol Maritime Police.

Kinilala ni PDEA 7 Regional Director Joel B. Plaza ang suspek sa alyas na Rex, 40 anyos, walang trabaho, at residente ng nasabing lugar.

Nakumpiska sa operasyon ang isang pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na humigit-kumulang 5 gramo at tinatayang may halagang ₱34,000, gayundin ang buy-bust money at isang cellular phone.

Pinadala ang nakuhang drug evidence sa PNP Bohol Forensic Laboratory para sa pagsusuri, habang ang suspek ay kasalukuyang nakadetine sa Tagbilaran City Police Station.

Ang pagbebenta ng ilegal na droga ay may kaukulang parusang habambuhay na pagkakakulong at multang aabot sa ₱10 milyon.

Hinimok din ang publiko na iulat ang anumang ilegal na aktibidad sa droga sa IMSP hotline: 0995 354 7020. Tiniyak ng awtoridad na ang lahat ng impormasyong matatanggap ay dadaan sa beripikasyon at mananatiling kumpidensyal.
(PAUL JOHN REYES)

Mga bayarin sa graduation bawal – PBBM

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IPINAGBAWAL ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang paniningil sa mga mag-aaral ng mga bayarin at kontribusyon ngayong panahon ng graduation ng mga estudyante sa mga pampublikong eskwelahan.

Ayon kay Pangulong Marcos, gumagawa ng hakbang ang pamahalaan para hindi makadagdag sa bigat sa bulsa ang pag-aaral sa gitna ng patuloy na pagtaas sa presyo ng mga produktong petrolyo.

Patuloy aniyang tututukan ang kapakanan ng mga kabataang Pilipino, kaya bawal pa rin ang mga bayarin o kontribusyon na sisingilin sa mga mag-aaral sa mga pampublikong eskwelahan lalo na ngayong panahon ng graduation.

Inanunsiyo rin ng Pangulo na magsisimula ang Serbisyo Fair ng Department of Education (DepEd) kung saan ang mga ahensiya ng gobyerno at mga employer ang pupunta sa eskwelahan para makapag-apply ng trabaho ang mga high school student at graduates. Sa ganitong paraan aniya ay mas madali nang makakakuha ng clearance at hindi na rin gagas­tos pa ng malaki sa pamasahe.

Airport at seaport terminal fees, suspendihin muna

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINASUSUSPINDE ng isang mambabatas ang ipinatutupad na airport at seaport terminal fees habang patuloy sa pagtaas ang presyo ng gasolina sa bansa.
Ayon kay Bohol Rep. Kristine Alexie Tutor, Chairperson ng House Committee on Globalization, isa ang sektor ng turismo ang tatamaan ng matindi dahil sa patuloy na fuel price increase.
Nangangamba ang mambabatas na maaapektuhan dito ang transport at food sector lalo na ang maraming Pilipino ang mawawalan ng trabaho kung patuloy ang pagtaas ng presyo ng gasolina sa mga susunod na linggo o buwan.
Nakakalungkot aniya ang timing nang pagtaas ngayong Marso hanggang Mayo dahil na rin sa kasagsagan ito ng summer travel months.
Ang pagkonti ng dumarating na turista ay nangangahulugan ng pagkalugi sa maraming MSMEs sa mga probinsiya ngayong summer.
Bukod sa pagsuspinde ng airport at seaport terminal fees ay dapat ayusin din ang mga kalsada at bawasan ang toll fees.
“Let us act now to ease the cost of travel and fuel, because every delayed response means more jobs lost and more livelihoods at risk,” ani Tutor.
(Vina de Guzman)

Barangay kagawad, pinagsasaksak ng selosong waiter, dedo

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HUMANDUSAY ang duguang katawan ng 60-anyos na kagawad ng barangay nang pagsasaksakin ng selosong waiter sa loob ng isang bar sa Caloocan City, Martes ng umaga.
Nalagutan ng hininga habang ginagamot sa Manila Central University (MCU) Hospital ang biktimang si alyas “Nestor”, residente ng 10th Avenue, Brgy. 64 at kagawad sa kanilang lugar sanhi ng tinamong mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Patuloy namang tinutugis ng mga tauhan ni Caloocan police chief P/Col. Joey Goforth ang suspek na si alyas “Argie”, 32, waiter, ng isang KTV bar at residente ng Brgy. Potrero, Malabon City.

Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Goforth na nadatnan ng suspek ang 29-anyos niyang live-in partner na si alyas “Lyn”, waitress sa Scarlet Disco Bar sa MacArthur Highway, Brgy. 78, habang naka-table sa biktima dakong alas-5:30 ng umaga.

Dahil umano sa selos, sinapak ng suspek sa mata ang kanyang live-in partner bago bumunot ng patalim at inundayan ng sunod sunod na saksak sa katawan ang biktima.

Matapos ang insidente, mabilis na tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon habang isinugod naman ang biktima sa nasabing pagamutan.

Nakuha ng mga nagrespondeng tauhan ng Caloocan Police Sub-Station 3 sa lugar na pinangyarihan ng krimen ang patalim na ginamit ng suspek sa pananaksa.
(Richard Mesa)

Pilipinas, bumili ng langis sa mga bansa sa Asya, iwasan ang Russia

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIKAYAT ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes ang gobyerno ng Pilipinas na iprayoridad ang pagbili ng langis at iba pang produktong petrolyo mula sa kalapit na ASEAN oil-exporting countries upang mabawasan ang gastos at masiguro ang matatag na suplay ng enerhiya.

Aayon kay Ordanes, dapat ikunsidera ng gobyerno ang pagbili ng langis mula sa kalapit na bansa sa Asya tulad ng Malaysia, Indonesia, at Brunei, dahil na rin sa logistical advantages nito at posibleng government to government arrangements.

“Buying from them would be cheaper because of shorter shipping routes, and there is also the possibility of countertrade or government to government deals that could stabilize supply and pricing,” dagdag nito.

Sinabi pa ni Ordanes na dapat din tignan ng Pilipinas na makakuha ng suplay mula sa iba pang bansa tulad ng Canada at Mexico.

“We have good relations with Canada and Mexico, and there are many Filipino migrants there. These partnerships can help ensure diversified sources of supply,” pahayag nito.

Idinagdag pa ng mambabatas na maaari pa namang ipagpatuloy ng Pilipinas ang pagbili ng langis mula sa Saudi Arabia, dala na rin sa pagdaan ng shipments sa western ports nito na malayo sa Strait of Hormuz kaya mas malayu-layo sila sa tensiyon sa Middle East.

Iginiit naman ni Ordanes na iwasan ng Pilipinas ang pagkuha ng langis mula sa Russia.

“Buying oil from Russia would effectively mean helping finance its ongoing war against Ukraine. Hindi natin dapat suportahan ang isang digmaang nakakaapekto nang masama sa mga Pilipino sa Ukraine at sa ibang bahagi ng Europa,” pahayag pa ng mambabatas.

Malaki ang paniniwala nito na ang pagkuha ng suplay sa kalapit na bansa ay makakatulong para mapagaan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dala na rin sa tumutinding giyera sa pagitan ng Iran at US at Israel.
(Vina de Guzman)

133 dayuhan, tumalima sa 2026 Annual Report

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIULAT ng Bureau of Immigration (BI) na mahigit 133,000 rehistradong dayuhan na may hawak na immigrant at non-immigrant visas sa Pilipinas ang nakilahok sa taunang Annual Report ngayong taon, na isinagawa mula Enero 1 hanggang Marso 1.

Ayon kay Immigration Commissioner Joel Anthony Viado, umabot sa 133,372 dayuhan ang tumalima sa mandatoryong annual reporting, bahagyang mas mababa kumpara sa humigit-kumulang 135,000 dayuhan na tumalima sa nasabing requirement noong 2025.

Sinabi ni Viado na ang bilang na ito ay katumbas ng humigit-kumulang 1.5 porsiyentong pagbaba mula sa kabuuang bilang noong nakaraang taon.

Ipinaliwanag ni Viado na ang bahagyang pagbaba sa bilang ng mga nag-report ay inaasahan, dahil ang populasyon ng mga rehistradong dayuhang naninirahan sa bansa ay natural na nagbabago taun-taon.

Dagdag pa niya, ang ganitong pagbabago ay maaaring maiugnay sa mga pandaigdigang trend, at napansin ang pagbaba ng bilang ng mga dayuhan sa bansa matapos ang pandemya.

Iniulat naman ni BI Alien Registration Division Chief Atty. Jose Carlitos Licas na ang mga Chinese nationals ang may pinakamataas na bilang ng mga nag-report na umabot sa 50,094, sinundan ng mga Indian na may 21,108, mga Amerikano na may 11,519, mga South Korean na may 6,922, at mga Taiwanese na may 6,842.

Idinagdag ni Licas na nanatiling pareho ang limang pangunahing nasyonalidad ng mga nag-report kumpara sa 2025 Annual Report.

Ayon pa sa kanya, mas dumami ngayong taon ang mga dayuhan na nagsagawa ng kanilang reporting sa pamamagitan ng online system ng Bureau at nagbayad ng kaukulang fees, habang ang iba naman ay patuloy na personal na nag-report sa mga field, extension, at satellite offices ng BI sa buong bansa.

Sinabi ng Bureau na ang virtual reporting system na bahagi ng Bagong Immigration initiatives ay nakapagpabuti sa accessibility at kaginhawaan, kaya maraming dayuhan ang nakapagsumite ng kanilang report online.

Sa ilalim ng Alien Registration Act of 1950, ang mga rehistradong dayuhan sa Pilipinas ay kinakailangang magsumite ng kanilang annual report sa Bureau sa loob ng unang 60 araw ng taon.

Nagpasalamat si Viado sa mga dayuhang sumunod sa nasabing requirement at muling iginiit ang pangako ng Bureau na patuloy na pagbutihin ang kanilang serbisyo habang pinapalakas ang monitoring sa imigrasyon sa bansa.. (Gene Adsuara)

17,000 personnel ide-deploy ng PCG sa Semana Santa

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG 17,000 Philippine Coast Guard personnel sa buong bansa ang ipapakalat para sa Oplan Biyaheng Ayos: Semana Santa 2026 upang masiguro ang kaligtasan at seguridad sa dagat sa gitna ng inaasahang pagdami ng mga pasahero sa dagat mula Marso 28 hanggang Abril 5, 2026.
Inatasan ni PCG Commandant Admiral Ronnie Gil L. Gavan ang lahat ng Coast Guard Districts, Stations, at Sub-Stations na magtaas ng alerto at palakasin ang pagbabantay sa mga passenger vessel, pantalan, at nautical highways.
Ipinag-utos din ni Department of Transportation (DOTr) Acting Secretary Giovanni Lopez na paiigtingin ng DOTr Maritime Sector ang operasyon sa pamamagitan ng mas mahigpit na inspeksyon sa mga barko, kabilang ang pre-departure inspections upang maiwasan ang overloading, at mas matibay na pagpapatupad ng maritime safety regulations. Tutulong ang PCG personnel sa DOTr upang masiguro ang maayos at ligtas na paglalakbay sa dagat ngayong Lenten season. Magkakaroon ng 24/7 monitoring sa mga passenger vessel at nautical highways, lalo na sa mga pangunahing inter-island routes sa western at eastern seaboards.
Magkakaroon din ng port inspections at passenger screening ang PCG K9 units at security teams upang maiwasan ang ilegal na aktibidad at maritime crimes. Bukod dito, ang search and rescue units, medical teams, at deployable response groups ay magbabantay upang agad tumugon sa maritime emergencies.
Makikipag-ugnayan ang PCG sa mga lokal na pamahalaan at lifeguards upang palakasin ang pagbabantay sa kaligtasan sa mga beach at maritime recreation sites. Magkakaroon ng regular na coastal at seaborne patrols upang masiguro ang presensya ng Coast Guard at mabilis na tugon sa mga insidente sa dagat. Pinapaalalahanan ang mga sea passengers na huwag magdala ng mga ipinagbabawal na gamit tulad ng flammable liquids, hazardous chemicals, fireworks, at iba pang delikadong materyales upang maiwasan ang abala sa kanilang biyahe.
Ipapatupad ng PCG ang mga hakbang na ito sa pakikipagtulungan sa Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, Philippine Ports Authority, Maritime Industry Authority at mga lokal na pamahalaan.
(Gene Adsuara)

Novak Djokovic umatras na sa pagsali sa Miami Open

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMATRAS na sa paglalaro sa Miami Open si six-time champion Novak Djokovic.

Ayon sa organizers na iniinda pa rin nito ang injury sa kaniyang kanang balikat.

Noong nakaraang taon ay umabot pa sa finals ng Miami Open ang Serbian tennis bago tinalo ni Jakub Mensik ng Czech Republic.

Huling laro nito ay sa BNP Paribas Open kung saan umabot siya ng ikaapat na round hanggang mabigo siya kay Jack Draper.

Nagwagi ang 38-anyos sa Miami Open ng limang beses mula 2011 hanggang 2016 kung saan dito ay tinalo niya sina Andy Murray at Rafael Nadal.

Alex Eala at Erik Spoelstra muling nagkita

Posted on: March 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MASAYANG ibinahagi ni Pinay tennis star Alex Eala ang muling pagkikita nila ni Miami Heat head coach Erik Spoelstra.

Huling nagkita ang dalawa ay noong tatlong taon ang nakaraan.

Makikita na masayang nagkuwentuhan ang 20-anyos na si Eala at ang Filipino American head coach.

Makikita rin na kasama ni Alex si Heat star Bam Adebayo.
Nakatakdang sumabak si Eala sa Miami Open matapos na makamit ang bagong career high ranking na world number 29.
Susunod na makakaharap nito ang sinumang manalo sa pagitan nina Laura Siegemund at Petra Marcinko sa second round.