• March 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February, 2026

Barrios, dedepensahan ang WBC title vs Ryan Garcia

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

Nakatakdang depensahan ni Mario Barrios ang kanyang World Boxing Council (WBC) welterweight champion, sa Sabado (araw sa Amerika) laban sa social media personality na si Ryan Garcia.

Haharapin ni Barrios (29-2-2) si Garcia, na isa rin sa tinuturing talentadong boksingero ngunit naging kontrobersyal sa nakalipas na tatlong taon dahil sa suspensyon, kaso, at iba pang isyu.

“I know I’m the champion for a reason,” ani Barrios. “Every time I get in there, I leave it all in there.”

Bagama’t siya ang kampeon, itinuturing na underdog si Barrios laban kay Garcia (24-2). Sa edad na 27, sinasabing papasok pa lamang sa prime si Garcia, at ang panalo laban kay Barrios ay magbibigay sa kanya ng WBC belt at posibleng makapagpabago sa imahe niya matapos ang sunod-sunod na kontrobersiya.

Alex Eala, aminadong malayo pa ang agwat sa mga top players matapos ang pagkatalo kay Coco Gauff sa Dubai

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

AMINADO ang Filipina tennis superstar na si Alex Eala na marami pa Siyan kakaining bigas bago tuluyang makasabay sa mga pinakamahusay na manlalaro sa mundo ng tennis matapos ang kanyang 6-0, 6-2 na pagkatalo kay Coco Gauff sa quarterfinals ng Dubai Duty Free Tennis Championships.

Batay sa ulat, magkakaroon siya ng maraming pagkakataon na ihasa ang kanyang kakayahan sa totoong laban, dahil inaasahang bibigyan siya ng wild card sa ilang tournament kung saan hindi siya automatic qualifier sa main draw.
Dahil sa dami ng mga Pilipinong tagahanga na dumadalo sa kanyang mga laban, bumuo ang organizers ng iskedyul upang mas madalas siyang mailagay sa center court —isang hakbang na sinimulan pa noong Australian Open matapos na ma-criticize ang venue ng kanyang singles match.

Si Eala, co-winner ng Philippine Sportswriters Association Athlete of the Year kasama si gymnast Carlos Yulo, ay nakapagpuno ng mga venue ng torneo, dahilan upang isaalang-alang ng organizers ang pagbibigay sa kanya ng direct entry sa ilang events.
Sa kasalukuyan, ika-apat na ranked sa mundo si Gauff, habang si Eala ay nasa No. 47. Ngunit sa nakaraang taon, napatunayan nito na hindi imposible para talunin ang mga giants, kabilang ang nakamamanghang panalo niya laban kay Iga Swiatek sa Miami Open.

13 batang ooperahan inayudahan ng Manila LGU

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INAYUDAHAN ng Manila City Government ang 13 bata na nangangailangan ng mga delikadong ope­rasyon sa Philippine Heart Center, Chinese General Hospital, at healthcare facilities sa India.

Nabatid na pinulong ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang pamilya ng naturang mga bata na kinabibilangan ng walong paslit na sasailalim sa liver transplants sa India, apat na batang sasailalim sa heart operations sa Philippine Heart Center, at isang pasyente na sasailalim sa operasyon para sa chronic kidney condition sa Chinese General Hospital.
Ayon kay Domagoso, naglaan ang city go­vernment ng kabuuang P16,818,557.49 pondo para sa naturang mga operasyon.

Kabilang dito ang P13,321,629.80 na inilaan para sa walong liver transplant cases, P3,323,311.50 na para sa isasagawang apat na heart operations, at P173,616.19 para sa kidney procedure. “Pagkatapos nito, una, magpasalamat kayo sa Diyos, ha? Magsimba kayo. Tapos, kung ’di man kalabisan, magpasalamat din kayo sa taxpayer ng Manila. Dahil sa kanila, nagagawa namin ’to. We’ll do our best, bagama’t gipit na gipit kami bilang siyudad. Kaya lamang, buhay ng mga anak niyo ’yung nakasalalay, eh,” ani Domagoso, sa mga magulang ng mga bata.

LTFRB, NAG-ISYU NG SCO VS PUV TERMINAL NA MATATAGPUAN MALAPIT SA 2 POPULAR QC MALLS

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGLABAS ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, ng show cause order (SCO) laban sa mga operator at manager ng mga public utility vehicle (PUV) terminal na matatagpuan malapit sa dalawang kilalang mall sa Quezon City, bilang bahagi ng patuloy na kampanya upang matiyak ang ligtas at komportableng serbisyo para sa mga mananakay.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang mga PUV terminal na sakop ng Ayala Malls Cloverleaf at Trinoma Mall ay natukoy na kulang sa mga pasilidad na kinakailangan para sa kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero.

“Malinaw ang aming mensahe: ayusin ninyo ang dapat ayusin upang matiyak ang pagsunod sa regulasyon, o humarap sa kaukulang parusa dahil sa pagpapabaya sa mga pasaherong dapat ninyong pinaglilingkuran,” ani Chairperson Mendoza.
“Ito ay bahagi ng nationwide operation at ito na ang bagong normal sa ating patuloy na pagtataguyod ng kapakanan at karapatan ng mga mananakay.”

Ang mas pinaigting na operasyon laban sa mga hindi sumusunod na PUV terminal ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kapakanan ng mga Pilipinong komyuter.

Batay sa ulat ng LTFRB inspection team, parehong terminal ay natukoy na hindi sumusunod sa umiiral na mga patakaran at regulasyon:

• PUV terminal malapit sa Ayala Malls Cloverleaf• Kakulangan ng bubong para sa proteksyon ng mga pasahero
• Hindi sapat na upuan para sa mga naghihintay
• Kawalan ng malinaw na gabay sa biyahe at dispatching
• Kawalan ng information at passenger assistance counters
• Inatasan din ang operator na kumuha ng kaukulang permit mula sa lokal na pamahalaan at maglatag ng security plan

• PUV terminal malapit sa Trinoma Mall• Kawalan ng information at passenger assistance counters
• Kakulangan ng komportableng upuan para sa mga naghihintay
• Kawalan ng priority lanes para sa senior citizens at persons with disabilities (PWDs)

Inatasan ang parehong terminal managers na magpaliwanag sa pamamagitan ng nakasulat na sagot kung bakit hindi dapat ipasara ang kanilang mga pasilidad dahil sa mga paglabag. Sila rin ay obligadong dumalo sa pagdinig sa Marso 18, 2026. (PAUL JOHN REYES)

Taas pasahe sa jeep, tinabla

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI pa umano napapanahon ang hirit na taas-singil sa pamasahe ng mga operator at driver ng jeep, sa gitna na rin ng panibagong banta sa taas presyo ng produktong petrolyo sa susunod na linggo.

Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na umiiral pa ang pisong provisional increase at kaya pang saluhin ang galaw sa pre­syo ng mga produktong petrolyo.
“Mukhang hindi pa napapanahon/premature dahil mayroon pong provisional fare increase sa halagang one peso at ayon sa kanilang computation, nako-cover pa po ang fuel cost para sa jeepneys,” pahayag ni Castro.

Giit pa ni Castro, na ang prayoridad ngayon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay madagdagan ang singil sa pamasahe sa mga bus dahil wala silang temporary fare hike.
Sa kabila nito, patuloy aniyang pag-aaralan ng gobyerno kung ano ang maibibigay na tulong sa mga jeepney operators and drivers para mabawasan ang pasanin sa mahal na presyo ng petrolyo.

Sinabi naman ni ­LTFRB Chairman Vigor Mendoza na tututukan nila ang kampanya laban sa mga colorum vehicles dahil ito ang isa sa mga hiling ng mga operator at driver dahil sa pagliit ng kanilang kita.

Modernong serbisyo sa mga banko, inihain ng isang mambabatas

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISANG panukala na naglalayong palakasin ang kapangyarihan ng Filipino consumer na makontrol ang kanilang pananalapi at oportunidad sa mga modernong serbisyo sa mga banko ang inihain ng isang mambabatas bangko.
“Ayon sa Bangko Sentral ng Pilipinas, mga 44 porsyento ng mga Filipino adults ay walang bank accounts sa gitna ng pag usad ng digital payments at mobile banking,” ayon kay 1Tahanan Party-List Rep. Nathaniel Oducado, may akda ng House Bill No. 6669 o Open Banking and Open Financing Consumer Data Empowerment Act of 2025.
“This is often due to barriers such as distance from bank branches, documentary requirements, and the cost of maintaining accounts,” dagdag ni Oducado.
Inihain ni Oducado ang HB 6669 na nilalayong amyendahan ang Consumer Act at magtatag ng National Open Banking and Open Finance Framework, upang bigyan ng pagkakataon ang mga consumers, sa kanilang pahintulot, na ipamahagi ang kanilang financial data sa mga accredited banks, fintech firms, cooperatives, at iba pang regulated service providers.
“This bill puts the consumer at the center of the financial system,” Sinabi ni Oducado. “A framework which gives Filipinos ownership of their data would enable them to access better, more affordable, and more inclusive financial products.”
Ayon kay Oducado, ang Open Banking and Open Finance ay ginagamit sa mga mauunlad na bansa tulad ng Australia, sa European Union at United Kingdom, kung saan malaking benepisyo ang naidudulot sa mga consumers.
“Makakatulong ang ganitong sistema sa mga micro-entrepreneurs, low-income households, at mga malalayo at isolated communities kung saan ang mga residente rito ay may access sa credit, savings, at insurance products,” ayon kay Oducado.
(Vina de Guzman)

Panukalang magtayo ng Overseas Filipino Workers Hospital, itinutulak na aprubahan ng Kamara

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ITINUTULAK ni Leyte Rep. Martin Romualdez na aprubahan ng Kamara ang panukalang magtayo ng Overseas Filipino Workers Hospital.
Ayon kay Romualdez, ang pagtatatag ng OFW hospital ay pagbibigay pugay sa mga sakripisyo ng mga OFW at ang kahalagahan na pangalagaan ang kanilang kalusugan.
“Dala ng ating mga OFW ang ekonomiya ng bansa. Eto (pagtatag ng OFW hospital) ay isang paraan para kilalanin ang kanilang kontribusyon sa ating bansa ay siguruhin na sila at ang kanilang mga kaanak at pamilya ay mayroong de-kalidad na healthcare,” sinabi ni Romualdez.
“And we can do this through the establishment of an OFW Hospital. Isang institusyong tututok sa ating mga OFWs, mula sa kanilang pangangailangan bago umalis, sa pangangailangang pangkalusugan ng kanilang pamilya, at sa kanilang medical needs pagdating muli sa ating bansa,” dagdag ng mambabatas.
Ang House Bill (HB) No. 7227 o OFW Hospital Act, ay pinanukala ni Romualdez kasama si Tingog party list Rep. Jude A. Acidre. Nais ng dalawang mambabatas na magtaguyod ng OFW Hospital bilang Level III hospital sa San Fernando, Pampanga na direktang nasa kontrol at superbisyon ng Department of Migrant Workers (DMW).
Ang nasabing ospital ay pangunahing seserbisyuhan ang mga OFWs maging ang kanilang mga dependents, batay sa policy direction na nakasaad sa Executive Order (EO) No. 154, na nagatataguyod ng OFW Hospital at suporta mula sa ilang ahensiya ng gobyerno.
Ayon sa HB No. 7227, ang OFW Hospital ay dinisenyo bilang isang full-service facility na mangangalaga sa kapakanan at kalusugan ng mga migrant workers bago ang kanilang deployment sa abroad, pagbibigay ng komprehensibong healthcare services sa mga OFWs, kabilang ang mga contributors ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Sa panig ni Acidre, ang panukalang pagtatayo ng OFW Hospital ay isang sistema ng pangagalaga ng gobyerno sa kapakanan ng mga OFWs.
“This is a long-term and permanent service to all of our OFWs and their families. Sa laki ng kontribusyon nila sa ating bansa at ekonomiya, kulang pa itong kapalit. But it is really a very good start if we want to honor our heroes,” sinabi ni Acidre.
(Vina de Guzman)

Administrasyong Marcos, tinatrabaho ang long-term solutions sa pagbaha- Malakanyang

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Sabado sa publiko na tinatrabaho na ng kanyang administrasyon ang long-term solutions para tugunan ang pagbaha sa bansa.
Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang pag-inspeksyon sa nagpapatuloy na operasyon sa ilalim ng Oplan Kontra Baha (Against Flooding), flood mitigation initiative ng national government sa Sagop Creek sa Naga City’s Triangulo village.
In-inspeksyon din ng Pangulo ang Concepcion Pequeña village.
“This is only the beginning. Ito, desiltation lamang ito. Kagaya ng mga ginagawa natin sa ibang lugar, this is not going to be one time,” ang sinabi ng Pangulo matapos ang nasabing inspeksyon.
“We will keep doing this until we have the more long-term solutions at hopefully on the road, if we design everything properly, hindi na natin kailangan paulit-ulit na binabalik-balikan,” dagdag na wika nito.
Pinangunahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH), layon ng Oplan Kontra Baha ay bawasan ang pagbaha sa pamamagitan ng mabilis na ‘on-the-ground interventions.’
Kabilang naman sa flood mitigation measures ang declogging ng mga kanal, pag-alis sa illegal obstructions sa mga daluyan ng tubig, river dredging, rehabilitasyon ng pumping stations, maintenance ng flood-control structures, at mobilisasyon ng equipment at personnel sa flood-prone areas.
Tanggap ng Pangulo na marami pang gagawin ang national government, isinasaalang-alang ang epekto ng climate change na nag-trigger sa unpredictable na pagbaha.
“This is what we are trying to remedy. Malaking trabaho ito. It will take time but marami na tayo mga intervention na pwedeng gawin, such as the pools that we are going to put up,” ayon sa Chief Executive.
( Daris Jose)

Magkatunggali noon, bespren ngayon: PBBM, Nakasuot ng ‘pink’ na medyas nang makipagkita kay Robredo, itinanggi ang political agenda

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

WALANG political agenda sa naging pagkikita nina Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at dating Vice President Leni Robredo, araw ng Sabado sa Naga City.
Sa isang media interview matapos ang pag-inspeksyon sa implementasyon ng “Oplan Kontra Baha” project sa Sagop Creek sa Barangay Triangulo, Naga City, ipinagkibit-balikat ng Pangulo ang espekulasyon ukol sa intensyon nito sa pagbisita sa balwarte ni Robredo.
“We’re not talking about that. You know, I think the mayor will agree with me that it’s service first before politics. The most political thing we did today [was] I wore my pink socks. My pink socks in honor of Mayor Leni,” ang sinabi ni Pangulong Marcos sa mga mamamahayag nang tanungin kung ang kanyang naging pagbisita ay may kinalaman sa usaping politikal, lalo pa’t kapansin-pansin ang pagsusuot nya ng ‘pink’ na medyas na batid naman ng lahat na ang signature color ni Robredo sa kanyang naging kampanya ay ‘pink.’
“We still have a lot to do. We will get to that,” ang sinabi ng Pangulo.

Aniya pa, layunin ng pagpupulong nila ni Robredo ay ang isakatuparan ang “Oplan Kontra Baha” sa lungsod, na madalas na sinasalanta ng mga kalamidad.
Samantala, ang timing ng pagbisita ni Pangulong Marcos ay nagpalutang ng espekulasyon ukol sa posibleng alyansa para sa 2028 elections, lalo pa’t inanunsyo ito ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro matapos na ideklara ni Vice President Sara Duterte ang intensyon niyang tumakbo sa pagka-pangulo sa 2028 elections.
(DARIS JOSE)

PNP, LGUs kikilos vs yosi smuggling

Posted on: February 23rd, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TAHASANG sinabi ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr. na paiigtingin ng pulisya at local government units (LGUs) ang kampanya laban sa ciga­rette smuggling kung saan magsasagawa ng inspeksiyon sa ilang mga kahina-hinalang bodega na posibleng ginagamit bilang imbakan ng mga sigarilyo.

Ayon kay Nartatez, madaling makakuha ng mga impormasyon ang pulis at LGUs mula sa mga residente at ­barangay officials upang tuluyang mapasara ang mga bodega ng sigarilyo.

Binanggit niya ang dalawang kamakailang pagkakasabat ng multi-milyong pisong halaga ng smuggled na ­sigarilyo—isa sa San Simon, Pampanga na nagmula sa impormasyon ng isang netizen, at ang pinakahuli sa Maguindanao del Norte na nagsimula sa isang tip.

Gayunman, binigyang-diin niya ang panga­ngailangang tiyakin na ang lahat ng aksyon ng pulisya ay naaayon sa tamang operational procedures upang maiwasan ang suliraning legal at magsilbing mabuting halimbawa sa komunidad hinggil sa paghahari ng batas. (Richard Mesa)