NAGPAHAYAG ng matibay na suporta ang iba’t ibang transport group, pinangungunahan ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOA), sa paninindigan ni Kalihim ng Kagawaran ng Transportasyon (DOTr) Giovanni “Banoy” Z. Lopez na huwag payagan ang paggamit ng EDSA Busway ng malalaking pribadong sasakyan para sa carpooling.
Ang deklarasyon ng suporta ay ipinadaan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na sumang-ayon din sa pagtutol ni Kalihim Lopez na buksan ang EDSA Busway para sa mga pribadong sasakyan.
Ayon kay Engr. Alex Yague, executive director at tagapagsalita ng PBOA, mawawala ang tunay na layunin ng Busway Program kung papayagan ang mas maraming pribadong sasakyan na gumamit nito.
“Sang-ayon ako kay Sec. Lopez, ang EDSA Carousel ay idinisenyo para sa mga bus na nagsisilbi sa mass transport,” ani Yague.
Nagsimula ang isyu matapos magpahayag ang isang opisyal ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na pinag-iisipan nilang payagan ang malalaking pribadong sasakyan na gumamit ng EDSA Busway para sa carpooling.
Agad na naglabas ng pahayag si Kalihim Lopez na mariing tumututol sa naturang plano:
“Tutol ang Kagawaran ng Transportasyon sa panukalang payagan ang carpooling sa EDSA Busway. Ang busway ay idinisenyo upang magdala ng mas maraming tao—hindi mas maraming sasakyan—sa pamamagitan ng mabilis at tuloy-tuloy na serbisyo ng mga bus na may kapasidad na magdala ng hanggang 300,000 pasahero araw-araw. Anumang hakbang na buksan ang lane na ito para sa mga pribadong sasakyan, kahit pa sa ngalan ng carpooling, ay tiyak na magpapabagal sa operasyon ng mga bus at sisira sa layunin kung bakit ito nilikha.”
Dalawa pang pangunahing transport group ang nagpahayag ng pagtutol sa panukala.
ALTODAP President Melencio “Boy” Vargas ay nagbabala na ang pagpayag sa mga pribadong sasakyan sa busway ay magbabalik sa dating kalagayan ng matinding trapiko sa EDSA na lalong makakasama sa mga ordinaryong manggagawa.
“Maayos na ang operasyon ng EDSA Busway, bakit guguluhin pa? Mauuwi lang ito sa dating sistema na buhol-buhol ang traffic sa EDSA dahil walang sistema,” ani Vargas.
Samantala, Pasang-Masda National President Ka Obet Martin ay nagpapaalala na iisang lane lamang ang EDSA Busway.
“Mas maraming sasakyan ang padaanin mo d’yan, mas malaki ang posibilidad na mahaharangan at maapektuhan ang mas maraming pasahero ng mga bus,” diin ni Martin.
Kapwa iginiit ng mga lider ng jeepney na nakikinabang ang mga operator at driver sa maayos na operasyon ng EDSA Busway na nagdudulot ng mas sistematikong daloy ng trapiko at kaginhawaan sa mga pasahero. (PAUL JOHN REYES)