IPINAG-UTOS na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na bayaran agad ang mga kontratista na naging maayos ang paggawa sa mga proyekto.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na buo ang paninindigan ng Pangulo na panahon na para iangat ang ekonomiya ng bansa.
Ito’y sa kabila ng pangunguna sa pagpapa-imbestiga sa malawakang pag-abuso sa pondo ng bayan.
Sa pakikipagpulong ng Chief Executive kasama ang economic team, hinikayat aniya ng Pangulo ang kanyang Gabinete na ‘to moved forward.’
Nagbigay na ng direktiba ang Pangulo sa mga Kalihim na tiyakin na nakatutok ang mga ahensiya sa mabilis at mas maayos na paggawa ng mga infrastructure projects ng gobyerno.
Ito’y upang matiyak na lubos na mapakikinabangan ng mga Filipino ang bawat proyekto.
Ipinag-utos din aniya na ng Pangulo na siguraduhin na mababayaran ang mga kontratista na maayos na tumutupad sa kanilang mga kontrata.
Mas mabilis na proseso ang bayad, mas maayos na trabaho para sa mga Filipino.
Kailangan din aniya magandang koneksyon at ugnayang national at local na pamahalaan para mabantayan at matapos ang mga infrastructure projects.
Karugtong nito, ilang araw matapos na mag-utos ang Pangulo sa mga ahensiya na i-monitor ang kanilang mga proyekto, pinaigting na ng Department of Agriculture (DA) ang pagbabantay sa kanilang farm-to-market road projects. Ito’y para siguruhin na totoong mararamdaman ng mga magsasaka at mangingisda ang mga magagandang kita mula sa mas mababang production cost.
Ang hakbang na ito ng DA ay pagtalima sa utos ni Pangulong Marcos na gawing mas masinsin ang pagtutok sa mga proyekto ng pamahalaan kahit anong ahensiya pa man.
Ang pagbabantay sa progreso ng farm to market road ay responsibilidad ng Bureau of Agricultural and Fisheries engineering ng ahensiya.
Dadaan sa masusing pagsusuri ang mga proyekto upang siguruhin na nasusunod ang engineering standards at consistent sa pagkakagawa ng mga ito.
Bantay pondo tungo sa progreso. Ito aniya ang nais ng Pangulo para sa ikabubuti ng mga Filipino. (Daris Jose)