• March 24, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February, 2026

PBBM, may pambato na sa 2028 presidential elections

Posted on: February 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAY napipisil na umano si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging pambato para sa 2028 presidential elections.

Ito ang sinabi ng Pangulo matapos na tanungin sa ASEAN Editors and Economic Opinion Leaders Forum na ginanap sa Fairmont Hotel sa Makati City.

Sagot ni Marcos, ang dapat na susunod na lider ng bansa ay may malawak na kaalaman pagdating sa ekonomiya para magkaroon ng maraming trabaho, kung paano maibaba ang inflation at kung paano masisiguro na sapat ang suplay ng pagkain.

Gayundin, dapat na nag-iisip tungkol sa productivity, marunong sa pagpapabuti ng edukasyon, pagpapalakas ng healthcare at sumusuporta sa polisiya na makakatulong sa buhay ng mga Filipino.

“We are about nation-building. I didn’t hear that anymore. So we need to have nation builders, people who want to make Philippines better. People who actually love the Philippines and love Filipinos and want to make things better,” ayon pa kay Marcos.

Sinabi ng Pangulo na mahirap dalhin sa presidential level ang walang karanasan sa pulitika dahil hindi ito kilala ng mga tao kaya ang titingnan nila ay yaong mga nasa gob­yerno na nagtatrabaho, magaling, at masasabing “exceptional”.
Giit pa ng Presidente mayroon na siyang mga taong kinokonsidera bilang potensyal na papalit sa kanya subalit tumanggi siyang pangalanan ito at hindi muna siya mag-eendorso sa ngayon.

“Not soon. Timing is everything,” giit pa ni Pangulong Marcos. (Daris Jose)

Para sa agarang aksyon sa mga problema sa kalsada: MMDA, pinalutang ang reactivation at reformatting ng MMDA Metrobase 136

Posted on: February 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAS pinalakas ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang kanilang Metrobase 136 hotline para sa mas mabilis na pagresponde sa mga aberya sa kalsada.
Sinabi ni MMDA General Manager (GM) Nicolas Torre III sa press briefing sa Malakanyang na kapag tumawag kanilang data base na 02-136 hotline ay ginagarantiyahan nila na limang minuto pa lamang ay makakarating na ang kanilang mga constable o mga traffic enforcers kung saan kailangan ng tulong.
Aniya, kahit saang kalsada sa Metro Manila at nangangailangan ng tulong tulad ng nagkagasgasan, nagkabanggaan , mga minor na banggaan sa kalsada o kung may emergency na gusto ng responde ay kaaagad na darating ang MMDA sa loob ng limang minuto lamang.
Winika pa ni Torre na habang tumatakbo ang kanilang mga traffic enforcers sa pagresponde sa isang minor na banggaan ay nagrereview na agad sila ng CCTV operators sa metrobase nila sa Julia Vargas at pagkatapos ay kukunin na ang clip ng banggaan .
Hihingin na lamang aniya ng social media account messaging ng mga sangkot sa aksidente para maipadala ang clip at maitabi na ang mga sasakyan sa loob ng 10 minuto at ma- clear ang kalsada.
“Five minutes, darating ang ating enforcer. At pagkatapos kapag nakarating doon, most probably tapos na ang review ng CCTV, ipapadala na namin sa mga parties concerned kapag nakarating ang ating enforcer kasi tatanungin ang kanilang social media account, ang number nila, Viber, Messenger, kung anuman, Signal, kung anuman ang ginagamit nila para maipadala ang video sa kanila,” ayon kay Torre.
Samantala, sinabi ni Torre na ang MMDA 136 ay matagal na umiiral subalit hindi alam ng publiko na mayroong facility na ganito para makatulong agad at kapag tinawagan ito ay mayroong sasagot agad.
“Actually, ang 136 matagal na iyan, matagal na – as in taon na ang kuwan. Hina-highlight lang namin ngayon dahil mukhang hindi masyadong naha-highlight sa ating mga kababayan na mayroong facility na ganiyan na makakatulong sa kanila,” ayon kay Torre sabay sabing “So, ngayon ina-announce na rin namin para ma-highlight lang na ‘pag ang emergency ninyo ay nasa kalsada, MMDA 136. So, puwede actually ninyong tawagan eh, (02) 136 within five rings may sasagot sa inyo na human operator.” ( Daris Jose)

NAVOTAS, MULING NAKAKUHA NG SEAL OF GOOD EDUCATION GOVERNANCE

Posted on: February 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING nakakuha ang Pamahalaang Lungsod ng Navotas ng Seal of Good Education Governance (SGEG) mula sa Synergeia Foundation, na minarkahan ang ikalimang pagkakataon na natanggap ng lungsod ang pagkilala para sa patuloy nitong pagsisikap na mapabuti at mapalakas ang lokal na pamamahala sa edukasyon.

Ang Seal of Good Education Governance ay iginagawad sa mga lokal na pamahalaan na muling nag-imbento ng lokal na lupon ng paaralan, kasama ang komunidad sa pagtulong sa mga bata na matutong mabuti, napanatili ang mataas na retention at cohort survival rate, makabuluhang nabawasan ang bilang ng mga hindi at bigong mambabasa, at pinondohan ang mga programa na nagpapahusay sa pagganap ng pag-aaral, partikular na ang mga kakayahan sa pagbabasa.

Tinanggap ni Navotas Schools Division Superintendent Dr. Meliton Zurbano ang parangal kasama ng mga opisyal ng paaralan sa 2026 National Educational Summit kung saan tatlong local government units lamang sa National Capital Region ang nabigyan ng pagkilala ngayong taon.

Kinilala ni Mayor John Rey Tiangco ang pagkilala sa matibay na pagtutulungan ng lokal na pamahalaan, mga paaralan, mga magulang, at mga stakeholder ng komunidad.

“This recognition affirms that when the local government, schools, and families work together, we can create meaningful improvements in our children’s education. We remain committed to investing in programs that strengthen literacy, support teachers, and help every Navoteño learner succeed,” pahayag niya.

Isa sa mga pangunahing hakbangin ng lungsod ay ang pagpapalakas ng pakikilahok ng magulang sa edukasyon. Kasama ang matagal nang kasosyo at miyembro ng Local School Board na Food for the Hungry, inorganisa at natapos ng mga pinuno ng magulang ang Project APAT Training of Trainers noong Agosto 15–16, 2025 sa Navotas Elementary School.

Ang Project APAT, o “Ang Paaralan sa Aming Tahanan,” ay nagtataguyod ng tahanan bilang extension ng paaralan sa pamamagitan ng pagbibigay kapangyarihan sa mga magulang na gabayan at suportahan ang pag-aaral ng kanilang mga anak. Sa temang “P4s: Pagsasanay sa Pagiging Magulang Tungo sa Pinagpalang Pamilya,” ang pagsasanay ay nilagyan ng mga parent leaders ng mga kasanayan at pagpapahalagang kailangan upang magsilbing facilitator sa kani-kanilang mga paaralan.

Sa pamamagitan ng malakas na pagtutulungan ng Local Government Unit at ng Schools Division Office Navotas, ang lungsod ay nakapagtala ng mga kapansin-pansing tagumpay sa pagganap ng mga mag-aaral. Ang Navotas ay binanggit ng Senate Committee on Basic Education para sa pagkakaroon ng pinakamataas na bilang ng grade level-ready learners batay sa mga resulta ng End of School Year ng Comprehensive Reading Literacy Assessment para sa School Year 2024–2025.

Nangunguna rin ang lungsod sa 16 na dibisyon ng paaralan ng NCR sa National Achievement Test para sa Grade 6 (SY 2024–2025). Dagdag pa rito, naitala ng Navotas ang pinakamababang dropout rate sa 0.02 percent at ang pinakamababang repetition rate sa 0.29 percent sa rehiyon.
(Richard Mesa)

LTFRB NAGSAGAWA NG UNANG SERYE NG MGA KONSULTASYON HINGGIL SA PANUKALANG DAGDAG-PASAHE

Posted on: February 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGSAGAWA ng konsultasyon ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa pangangasiwa ni DOTr Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez, hinggil sa panukalang dagdag-pasahe sa mga ride-hailing services.

Ayon kay LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II, ang pulong kasama ang mga kinatawan ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) ay unang hakbang sa serye ng mga konsultasyon upang mapabilis ang pagresolba sa mga nakabinbing petisyon para sa dagdag-pasahe.

“Nais naming marinig ang lahat ng panig sa diwa ng patas na proseso dahil sensitibong usapin ang dagdag-pasahe—hindi lamang para sa mga mananakay kundi para rin sa ating ekonomiya,” ani Chairperson Mendoza.
“Kaya nagsagawa kami ng konsultasyon at hiniling naming magsumite sila ng mga dokumentong kailangan sa pagtalakay ng LTFRB sa petisyon ng TNVS para sa dagdag-pasahe,” dagdag pa niya.

Binanggit ni Chairperson Mendoza na mahalaga ang pagsunod ng TNVS sector sa pagsusumite ng mga dokumento upang maging batayan sa pagdedesisyon kung makatarungan ang panukalang dagdag-pasahe.

“Umaasa kami na sila ay makasusunod dahil kung hindi, magiging komplikado para sa amin dahil kami ay aasa lamang sa sariling datos,” kanyang binigyang-diin.

Matatandaang noong Oktubre 2023 huling nagkaroon ng aprubadong dagdag-pasahe—isang P1 provisional increase—bilang kompromiso sa gitna ng epekto ng pandemya sa ekonomiya. Mula noon, ilang petisyon para sa dagdag-pasahe ang inihain, kabilang ang tatlong pangunahing transport groups noong Oktubre 2024.

Dagdag pa ni Chairperson Mendoza, hiwa-hiwalay na pampublikong konsultasyon ang gagawin upang matiyak ang maayos at organisadong talakayan. Sa pulong kasama ang TNVS nitong Martes, ilang kinatawan ang naglahad ng mga hinaing at kahilingan, partikular sa usapin ng komisyon at mahabang oras ng trabaho ng mga driver.

Bagama’t may ilang usapin na lampas sa mandato ng LTFRB, tiniyak ni Chairperson Mendoza na ang lahat ng ito ay isasama sa dayalogo kasama ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan gaya ng Department of Labor and Employment at Office of the Solicitor General.

Ang susunod na pampublikong konsultasyon ay isasagawa kasama ang mga stakeholder mula sa bus, taxi, at jeepney sector.

“Lubos naming nauunawaan ang mga hinaing ng sektor ng transportasyon—kaya minamadali namin ang pagdinig upang makapaglabas ng desisyon sa lalong madaling panahon,” ani Chairperson Mendoza.
“Kung magkakaroon ng dagdag-pasahe, sisiguraduhin naming may balanse sa kakayahan ng mga mananakay na magbayad at sa pangangailangan ng sektor ng pampublikong transportasyon,” kanyang pagtitiyak. (PAUL JOHN REYES)

Publiko, hinimok na yakapin muli ang ‘EDSA legacy’ – ATOM

Posted on: February 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIMOK ng grupong August Twenty-One Movement (ATOM) ang publiko na yakapin ang legasiyang iniwan ng 1986 EDSA People Power Revolution kasabay ng paggunita ng ika-40 anibersaryo, Miyerkules, Pebrero 25.

Ang grupong ATOM ay itinatag ng nakababatang kapatid ni yumaong Senador Benigno Aquino Jr. na si Butz Aquino, na kabilang sa unang nanawagan sa taumbayan na magtipun-tipon noon sa EDSA na nagresulta sa mapayapang People Power Revolution.

Inihalimbawa ni ATOM president Voltaire Bohol na marami sa mga kabataan ngayon ang nagpopost sa social media at sinasabing “mahirap mahalin ang Pilipinas” subalit nakakalimutan aniya na isa ang ating bansa sa tinitingala ng buong mundo noong taong 1986 dahil sa People Power.

Inihayag din ng ATOM president na para tuluyan nang makausad ang ating bansa, kailangan na mapanagot ang mga personalidad na nasa likod ng tinatawag na “conjugal dictatorship” sa panahon ng termino ni yumaong dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Aniya, hangga’t hindi nagkakaroon ng closure at tunay na pananagutan sa orihinal na pagkakasala mula sa diktadurya, maaaring kada 10 taon magkakaroon ng bagong diktador.

Ads February 26, 2026

Posted on: February 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Mayweather 2 kasado na

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAKAKASA na ang muling paghaharap ni Filipino boxing champion Manny Pacquiao kay Floyd Mayweather Jr.
Gaganapin ito sa Sphere sa Las Vegassa Setyembre 19.
Ito ang muling paghaharap ng dalawa matapos ang unang sagupaan nila noong 2015.
Magugunitang inanunsiyo ng 48-anyos na si Mayweather ang muling paglaban niya.

Sinabi ni Pacquiao na nananatiling isang pinakamalaking laban sa kasaysayan ang paghaharap nila kaya marami ang nag-abang ng muling labanan nila.

Tinaguriang pinakamalaking kita ang laban ng dalawa noon na mayroong $600 milyon na revenue.

Taong 2017 ng inanunsiyo ni Mayweather ang kaniyang pagreretiro matapos ang makuha ang malinis na 50 panalo at wala pang talo.

Subalit mula noon ay lumaban pa ito sa ilang exhibition fight.

Habang si Pacquiao ay muling lumaban noong nakaraang taon laban kay Mario Barrios sa Las Vegas.

Oranza bumandera sa Criterium ng PhilCycling Road Nationals

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINANDERAHAN nina national athletes Ronald Oranza at Jude Gabriel Francisco at Filipino-American Mary Joyce Monton ang Criterium races sa pagpadyak ng PhilCycling National Championships for Road 2026 noong Lunes sa Tagaytay City.

Nagdomina si Oranza sa Men Elite category, habang nanguna si Francisco sa Men Under-23 at wagi si Monton, mula sa Los Angeles, sa Women Elite ng torneong inorganisa ng PhilCycling sa pamumuno ni Philippine Olympic Committee president Abraham “Bambol” Tolentino.
Kinumpleto nina Edson Corbadora at Ronnilan Quita ang Men’s Elite podium sa event na itinakbo sa 2.2-km circuit na nagsimula at nagtapos sa Praying Hands Monument sa Tagaytay City.
Tumapos sina Marvin Mandac at Mark Alex Baruelo sa 1-2 sa Under-23 race.

Tinalo naman ni Monton sina national team mainstays Maritoni Krog at Phoebe Salazar sa event na inihandog ng Standard Insurance, MVP Sports Foundation at Philippine Sports Commission at suportado ni Tagaytay City Mayor Brent Tolentino at ng Tagaytay CT Velodrome.

Samantala, nanguna sina Rayven Joy Valdez, Althea Campana at Angeline Elvira sa Women’s Under-23 ng karerang itinaguyod ng Excellent Noodles at 7-Eleven Philippines.

Panalo sa Junior races sina CJ Cabreros, Kylle Flores at Piolo Calimlim para kumpletuhin ang Men’s podium, habang sina Maria Louisse Criselle Alejado, Althea Nicole Coronado at Eloiza Pajarito ang wagi sa Women’s contest.

Ang iba pang nanalo sa Youth categories ay sina Mark Terrence Orcino, Ren Axcel Pecson at Johnzoe Canasa (Men 12-13); Allaeza Mae Gulmatico, Alessandra Nicole Paras at Princess Jaydee Pancho (Women 14-15); at Jannshen Sta. Juana, Jyohan Toledo at Louie Jerome Murillo (Men 14-15).
Nakatakdang pakawalan kahapon ang Individual Time Trial at Individual Road Race events at magtatapos sa Biyernes.

Tulak na bebot, timbog sa drug bust sa Valenzuela

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang 39-anyos na bebot na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Lunes ng gabi.

Sa kanyang ulat kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) Chief P/Lt. Sherwin Dascil na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y illegal drug activities ni alyas “Maan”, ng Pinalagad, Brgy. Malinta.

Nang magawang makipagtransaksyon kay alyas Maan ng isa sa mga operatiba ng SDEU, kaagad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ang operation laban sa suspek, sa koordinasyon sa PDEA.

Nang matanggap ang signal mula sa kanyang kasama na nagpanggap na poseur buyer na hudyat na positibo na ang transaksyon, kaagad lumapit ang back-up na operatiba saka inaresto inaresto ang suspek dakong alas-7:20 ng gabi sa Manggahan St., Brgy. Karuhatan.

Nakumpiska sa suspek ang humigi’t kumulang 3 grams ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P20,400, buy bust money na isang tunay na P500, Kasama ang dalawang P500 boodle money at P200 cash.

Ayon kay SDEU investigator PSSg Cris Paul Collo, kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang isasampa nila laban sa suspek sa pamamagitan ng Inquest Proceedings sa Valenzuela City Prosecutors Office.

Nagpaabot naman ng papuri si Northern Police District (NPD) Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz sa SDEU team sa kanilang matagumpay na drug operation na bahagi aniya ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga indibidwal na sangkot sa illegal drug trade. (Richard Mesa)

LTO Parañaque magandang ehemplo sa paglilingkod

Posted on: February 25th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULA nang pinamunuan ni G. Florante S.Martin ang Land Transportation Office ( LTO) sa Parañaque ay malaki ang ipinagbago nito at isa na rito ay ang Zero-Fixer sa nabanggit na tanggapan gayundin maayos na pamamalakad at sa Registration ng mga iba’t ibang uri ng sasakyan. Bukod dito, ang LTO Parañaque ay nakikiisa sa mga programa ng lokal na pamahalaan lalo na sa usapin ng mandatory drug testing sa mga Transport Organisasyon sa iba’t ibang lugar kasama na rito ang mga ibang pamunuan ng TODA o Tricycle Operators and Drivers Association. Nagkaroon din ng seminars si G. Martin sa mga drivers at sa mga gustong kumuha ng bagong lisensiya sa pagmamaneho upang maiwasan ang anumang disgrasya sa lansangan at trapik sa kalsada. Ang iyan ay ilan lamang sa programa ng LTO Parañaque na hanggang ngayon ay patuloy na pinagsisikapan upang higit na matugunan ang mga serbisyong makabubuti sa mga mamamayan at sa tanggapan ng LTO Parañaque sa pamumuno ni Ginoong Florante S.Martin hepe ng nasabing ahensiya. (Sonny Asignacion)