IPINAUBAYA na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Independent Commission on Infrastructure (ICI) ang desisyon sa hinaharap nito.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na malapit nang matapos ang trabaho ng ICI at naimbestigahan na nito ang mga dapat silipin kaugnay ng mga kuwestiyonableng flood management projects.
Gayunman, ayon kay Castro, hinihintay pa rin ng Pangulo ang pinal na ulat ng komisyon at wala pang itinakdang deadline para sa pagsusumite nito.
“Kung ano po ang magiging desisyon ng ICI, ‘yun po ang maaaring maging tugon ng Pangulo. Kung kinakailangan nila ng tulong sa Executive, ibibigay po,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
“Kung ano po ang magiging destiny ng ICI, kung ano ang susunod na galaw nila, ‘yan ay pinauubaya ng Pangulo sa ICI bilang independent commission,” aniya pa rin.
At nang uriratin naman si Castro sa kung paano aakto ang ICI kung kulang naman ang quorum, sinabi ni Castro na ang ICI bilang independent body ay maaaring kumuha ng mga opisyal na kailangan nito.
“Hindi ko po alam kung paano nila gagawin pero as an independent body, I think pwede naman sila kumuha kung sinong tauhan ang kailangan nilang gawin o kunin,” ang winika ni Castro .
Tanging ang chairperson, retired Justice Andres Reyes, ang natitirang miyembro ng ICI kasunod ng pagbibitiw sa tungkulin ng dalawang miyembro nito.
“Kung ano ang nais ng ICI, according to the President, kung ano ang nais nila gawin, at kung gusto pa nila magpatuloy, sabihin lang nila sa Pangulo at susuportahan sila,” ang tinuran ni Castro.
Sinabi pa ni Castro na ang Pangulo ay magdedesisyon lamang kung magpapasya ang ICI na tapos na ang mandato nito.
“Kung sasabihin nila na tapos na ang kanilang obligasyon, makikinig ang Pangulo,” aniya pa rin.
Matatandaang, sinabi ni ICI chair Andres Reyes na hinihintay lamang nila ang guidance mula sa Malakanyang kaugnay sa nakabinbing appointment ng mga miyembro nito.
“Mag-propose po sila sa Pangulo. Kung ang desisyon nila ay magkaroon ng bagong miyembro, sabihin lang nila sa Pangulo,” ang sinabi ni Castro. (Daris Jose)