• March 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February, 2026

DA: “Benteng Bigas, Meron Na” outlet, palalawakin sa Metro Manila

Posted on: February 14th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PALALAWAKIN pa ng Department of Agriculture (DA) ang “Benteng Bigas, Meron Na” outlet sa Metro Manila upang mas maraming mamamayan ang mahatiran ng mas abot-kayang bigas para sa vulnerable sectors.

Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel, limang ‘Benteng Bigas’ outlets ang ilalagay sa bawat local government units (LGUs) sa MM.
Sa pamamagitan nito, sinabi ni Tiu-Laurel na mas mapapalapit ang mga constituents ng mga LGUs na makabili ng mas murang bigas.

Target ng ahensiya ang isang full-scale expansion ng programa hanggang sa matapos ang March 2026 para maihanda sa panahon ng anihan at ma-maximize ang suplay ng bigas.
Uunahin sa expanded Metro Manila rollout ang mga senior citizens, solo parents, persons with disabilities, Pantawid Pamil­yang Pilipino Program (4Ps) beneficiaries, minimum wage earners, miyembro ng tricycle ope­rators and drivers associations, magsasaka at mangingisda.

Una nang nakipag-ugnayan ang Technical working group sa MMDA at Metro Manila LGUs para sa maayos at mabilis na pagpapatupad ng ­programa.

Ads February 14, 2026

Posted on: February 14th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PEOPLE TO WATCH 2026’: VICE MAYOR CHI ATIENZA, PINARANGALAN DAHIL SA INKLUSIBONG PAMUMUNO

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINARANGALAN si Manila Vice Mayor Chi Atienza bilang isa sa mga “People to Watch 2026” ng Rising Tigers Magazine bilang pagkilala sa kaniyang inklusibong pamumuno na nagsusulong sa kapakanan ng bawat Manileño.

Iginawad ang parangal sa isang seremonya na ginanap sa Presidential Suite ng The Manila Hotel noong Martes, Pebrero 10, kung saan kinilala ang mga lider mula sa pamahalaan at sektor ng negosyo na itinuturing na mga “Nation Builders” dahil sa kanilang dedikasyon sa kani-kanilang larangan.

Bilang Presiding Officer ng ika-13 Konseho ng Lungsod, inilaan ni Atienza ang kaniyang panunungkulan sa pagsusulong ng kapakanan ng mga pinaka-nangangailangan—kabilang ang mga senior citizen, persons with disabilities (PWDs), solo parents, at mga manggagawa. Tiniyak din niya na may matibay na representasyon ang Muslim communities, LGBTQIA+ sector, at mga animal welfare advocates sa lungsod.

Binigyang-diin din ng Rising Tigers Magazine ang kanyang pagsisikap na maisalin ang mga adbokasiyang ito sa mga konkretong polisiya, kasabay ng paniniwala na tunay na uunlad ang isang lungsod kung nagkakaisa ang mga lider at napoprotektahan, narerepresenta, at napakikinggan ang mamamayan.

Sa kanyang acceptance statement, sinabi ng bise alkalde na ang parangal ay paalala ng kaniyang tungkulin bilang lingkod-bayan.

“This award reminds me of my responsibility as a public servant to open my ears and my heart to the constituents who put me here,” ani Atienza.

Ginamit din niya ang pagkakataon upang bigyang-diin ang kaniyang papel sa kasalukuyang administrasyon, na nagsisilbing inspirasyon upang higit pang maging suportado at aktibo bilang katuwang ni Mayor Isko Moreno Domagoso.

“It is also a reminder of my role as the vice mayor to a Mayor who strives to make a mark; to be more supportive and more proactive in crafting laws to make the lives of our constituents better,” dagdag niya.

Bilang presiding officer, nangako si Atienza na patuloy niyang isusulong ang representasyon ng bawat sektor—lalo na ang mga nasa laylayan—upang matiyak na sila ay naririnig at nabibigyan ng boses sa pamahalaang lungsod (Gene Adsuara)

TESDA Skills Passport, tugon sa lumalalang problema ng working skills mismatch and underemployment sa bansa

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ANG TESDA Skills Passport ay tugon sa lumalalang problema ng working skills mismatch and underemployment sa bansa, ayon kay Tingog Party List Rep. Jude Acidre, chairman ng Committee on Higher and Technical Education ng Kamara.
Sinabi ni Acidre na napapanahon ang paglulunsad ng TESDA Skills Passport para maibsan ang kakulangan ng technical and vocational education and training (TVET) sa bansa.
“Sa pagsapit ng panahon, nababago ang sistema at kalidad ng ating trabaho kaya marapat lamang na ang ating skills systems must move faster and become more responsive,” sinabi ni Acidre.
“The TESDA Skills Passport is a reform that helps ensure Filipino workers are not left behind—by making skills visible, portable, and trusted, and by connecting training to real opportunities in the years ahead,” dagdag nito.
Ayon kay Acidre, co chairman ng Second Congressional Committee on Education’s (EDCOM II), ang employment rate ng mga nakatapos sa TVET ay umabot sa 58 percent mula 37 percent bago sa pagsasanay, isang taon matapos makumpleto ang programa.
Binigyan diin ni Acidre ang kahalagahan ng TVET at ang potensyal nito na matugunan ang pangangailangan ng mga employer na makahanap ng tamang kandidato.
Ang Skills Passport ay inilungsad ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) kung saan nakasaad ang training records, national certificates at competency ng trainee o worker, habang may access sila sa mga scholarships, job matching at ilan sa mga training programs.
“Ang challenge ngayon ay hindi lamang karagdagang training kundi sa lahat ng credentials na nakuha at naipasa mo ay katumbas ng aktuwal na employment,” sinabi ni Acidre. “Yung mga digital tools tulad ng Skills Passport allow us to anticipate labor market needs and guide learners toward pathways that will remain relevant in the future.” (Vina de Guzman)

Linis kanal at wire-clearing operation sa Navotas

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na bumisita si Mayor John Rey Tiangco sa Brgy. Bangkulasi para tingnan ang kalagayan ng linis-kanal sa lugar bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan upang maiwasan ang mga pagbaha. Muli ring nakikiusap ang alkalde sa lahat ng residente na iwasan ang pagtatapon ng basura kung saan-saan para hindi mabarahan ang mga kanal na naging dahilan ng pagbaha. Nagsagawa rin ng wire-clearing operations ang ilang telco companies para maiwasan ang mga dangling wires na maaring magdulot ng sunog. (Richard Mesa)

Kampo ni Atong Ang, kinumpirma may ikatlong ‘arrest warrant’ na inilabas ang korte

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KINUMPIRMA ng kampo ni Atong Ang na inilabas na ng korte ang ikatlong ‘warrant of arrest’ ukol sa kaso nitong kinakaharap may kinalaman sa pagkawala ng mga sabungero.

Ayon kay Atty. Gabriel Villareal, abogado ni Atong Ang, nag-isyu na ng warrant ang Regional Trial Court ng San Pablo, Laguna laban sa negosyante.

Partikular na ‘Kidnapping and Serious Illegal Detention’ ang kaso kung saan nag-isyu ng kautusan ang korte para mapaaresto ang puganteng si Ang.

Kung maalala ipinagpaliban muna ng San Pablo, Laguna Regional Trial Court ang pag-iisyu ng ‘warrant of arrest’ laban sa negosyanteng si Charlie ‘Atong’ Ang kamakailan.
Ito’y bunsod nang maghain ang kampo ng akusado ng ‘motion to suspend proceedings’ sa korte kontra para agaran maglabas ng warrant sa kaso.

Ito na ang ikatlong warrant na inilabas ng korte kasunod nang mag-isyu rin ang iba tulad ng Regional Trial Courts ng Sta. Cruz, Laguna at Lipa City sa Batangas.
(Gene Adsuara)

Mahigit P63-B nakalaan para sa proyektong irigasyon sa buong bansa- PBBM

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY na iaangat ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang buhay ng mga magsasaka.
Patunay dito ang inilaan ngayong taon ng Pangulo na mahigit P63 bilyon para sa mga proyekto ng National Irrigation Administration (NIA) na naglalayong palawakin ang imprastrakturang pang-agrikultura at magbigay ng modernong kagamitan sa mga magsasaka.
“Makaaasa po kayong patuloy ang Administrasyon sa pagbibigay sa ating mga magsasaka nang mas mabilis na access sa teknolohiya, pagsasanay, at suporta upang umangat at guminhawa ang inyong buhay,” ani Pangulong Marcos sa inagurasyon ng Mahayag Dam at turnover ng solar-powered pump irrigation projects sa Zamboanga del Sur, araw ng Huwebes.
Ayon sa Pangulo, halos P300 bilyon ang kabuuang pondo para sa mga programa at proyekto sa sektor ng agrikultura ngayong taon.
“Ibig sabihin ay mas maraming imprastraktura at modernong makinarya para sa ating mga masisipag na magsasaka na inaasahan hindi lamang ng Zamboanga Peninsula kung hindi ng buong Pilipinas para sa ating tinatawag na food supply,” wika ng Pangulo.
Mula sa badyet ng DA, mahigit P33 bilyon ang para sa farm-to-market roads sa 2026, kabilang ang P370 milyon para sa Zamboanga del Sur.
Halos P731 milyon naman ang inilaan para sa Small Scale Irrigation Projects, ayon sa Pangulo.
Prayoridad aniya ang mga pangunahing lalawigan sa produksyon ng bigas, mais, at high-value crops, at mga lugar kung saan maraming magsasaka ang nakarehistro sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture (RSBSA).
“Higit sa lahat, tinututukan natin ang mga rehiyon kung saan marami sa mga magsasaka ang higit na nangangailangan,” ani Pangulong Marcos.
Hinimok din ng Pangulo ang mga magsasaka na sulitin ang tulong ng pamahalaan.
“Sulitin ninyo po ang pagkakataong ito upang mapagaan ang inyong trabaho. Gamitin ninyo ang mga bagong makinarya, teknolohiya, at kaalaman upang mapataas ang inyong kita at mabigyan ng mas magandang kinabukasan ang inyong sarili at ang inyong pamilya,” ani Pangulong Marcos.
Sinabi pa ng Chief Executive na sana’y magsilbing inspirasyon ang mga magsasaka sa mga kabataang nangangarap paunlarin ang agrikultura at maglingkod din sa bayan.
“Dahil sa Bagong Pilipinas, ang bawat magsasaka ay makakatanggap ng angkop na suporta tungo sa masaganang ani, matatag na kabuhayan, at maunlad na kinabukasan,” wika ng Pangulo.
(Daris Jose)

6 NA BAGONG REGIONAL COURT MANAGERS, NANUMPA SA SC

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ANIM na bagong mga Regional Court Managers ang nanumpa sa tungkulin sa harap ni Chief Justice Alexander Gesmundo sa Session Hall ng Korte Suprema .

Kabilang rito sina Atty. Maria Alma Corazon H. Puncia ng First Judicial Region, Atty. Joevanni A. Villanueva ng Third Judicial Region, Judge Michelle Ann T. Villahermosa-Gacutno ng Seventh Judicial Region, Atty. Maria Pamela S. Oliver ng Eighth Judicial Region, Judge Janice Ivy G. Valparaiso-Chua ng Tenth Judicial Region, at Atty. Kyrie Dea Maia G. Morente ng Eleventh Judicial Region.
Enero 14, 2026 nang italaga ang anim ng Supreme Court en banc matapos magsilbi bilang interim Regional Court managers.
Ayon sa Korte Suprema itinatag ang Office of the Regional Court Manager upang tugunan ang pagkaantala at inefficiencies sa mga hukuman at mabawasan ang administratibong pasanin ng mga trial court judge.
Saklaw ng tungkulin ng mga Regional Court Manager ang mga usaping administratibo at piskal upang makapagpokus ang mga hukuman sa kanilang adjudicative functions, bilang bahagi ng modernization program sa ilalim ng Strategic Plan for Judicial Innovations 2022–2027.( Gene Adsuara)

Mahigit 200 pamilya, nasunugan sa Caloocan, Malabon

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG magkasunod na sunog ang sumiklab sa magkahiwalay na lugar sa Caloocan, at Malabon Cities na naging dahilan upang mawalan ng tirahan ang mahigit 200 pamilya.

SA ulat, alas-11:27 ng Miyerkules ng umaga nang sumiklab ang sunog sa mga kabahayan sa C4 Barangay Tañong, Malabon City na mabilis na kumalat ang apoy kaya kaagad itong itinaas sa ikatlong alarma.

Idineklarang fireout ang sunog dakong 1:17 ng hapon kung saan isang babae ang napaulat na sugatan habang inaalam pa ang naging sanhi nito at kung magkaano ang halaga ng ari-arian ang natupok.

Kaagad namang nagbigay ng tulong ang lokal na pamahalaan ng Malabon sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, kasama ang mga kawani ng City Social Welfare and Development, City Health Office at Malabon DRRMO na personal na kinamusta ang nasa 200 pamilyang naapektuhan ng sunog.

Naglagay din ng mga modular tents sa Covered Court ng Barangay Tañong, nagpaabot na din ng mga hotmeals para sa kanila, mga non food items KKB – Kumot Kulambo Banig at paglalagay ng Water Purification system bilang inisyal na tulong ng lokal na pamahalaan.

Namahagi rin si Mayor Sandoval ng food packs at hygiene kits sa mga apektadong pamilya, katuwang ang Philippine Red Cross na nagbigay din ng mga hot meals.

Sa Caloocan, nasa 30 kabahayan naman at tatlong gusaling pang-komersiyo ang tinupok ng apoy sa naganap na sunog sa kanto ng Baltazar St. at C3 Road, Brgy., 49 na sumiklab alas-5:26 ng umaga sa bahay na pagmamay-ari ng isang alyas “Felipe” na umabot sa unang alarma at idineklarang kontrolado alas-6:48 ng umaga.

Dinala naman sa barangay si alyas Felipe matapos inguso ng kanyang isang tauhan na nagsindi umano ng kandila na posibleng pinagmulan ng sunog habang wala namang iniulat na nasawi o nasugatan sa insidente at inaalam pa kung magkano ang halaga ng natupok na ar-arian. (Richard Mesa)

Connection ni convicted sex offender Jeffrey Epstein sa Pilipinas, pinaiimbestigahan

Posted on: February 13th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN ang Gabriela women’s party list at mga miyembro ng Makabayan Bloc ng House of Representatives na imbestigahan ang mga napaulat na connection ni convicted sex offender Jeffrey Epstein sa Pilipinas.
Pinangunahan ni House Assistant Minority Leader and Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang mga mambabatas ng Makabayan Bloc sa pagpasa ng House Resolution 762 upang imbestigahan ang mga napaulat na operasyon ni Epstein sa bansa at mga Pilipino na maaaring sangkot dito.
Partikular na tinukoy ni Elago ang mga Filipino experts sa backend digital work at digital reputation management at online operations para ma-improve ang online image ni Epstein matapos mahatulan ng sex trafficking.
“Bilang mga mambabatas, kailangan natin siguraduhin na ang ating mga batas at inter-agency coordination ay nakasasapat upang proteksyunan ang mga kababaihan at mga bata mula sa iba’t ibang porma ng pang-aabuso, online man o offline,” sabi ni Elago.
“Sa puntong ito, kailangan ng maagap at masinsin na imbestigasyon upang paunlarin ang ating mga batas lalo’t ang Pilipinas ay nananatiling ‘global hotspot ng online sexual abuse and exploitation of children’.”
(Vina de Guzman)