DINISMIS ng House Committee on Justice kahapon ang dalawang impeachment complaints laban kay Presidente Ferdinand Marcos Jr., dahil sa kabiguan na makamit ang constitutional requirement na sufficiency in substance.
Unang pinagbotohan ng komite na pinamumunuan ni Batangas Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro ang reklamong inihain ni Atty. Andre De Jesus.
Sa botong 42 pabor, 1 no at tatlong abstentions, inaprubahan ng panel ang motion ng vice chair na si San Juan City Rep. Ysabel Maria Zamora, na nagdedeklara sa De Jesus complaint na insufficient in substance.
Sumunod na pinagbotohan ang motion ni Senior Deputy Minority Leader at Caloocan City Rep. Edgar Erice na ideklarang sufficient in substance ang grupo ng mga aktibista at private individuals na pinangunahan ng dating mambabatas na si Liza Maza, nakakuha ito ng botong 7 pabor, 39 no at zero abstention.
Dahil dito, pormal nang tinapos ng komite ang dalawang impeachment complaints sa usapin ng sufficiency-in-substance.
Sa isang press conference pagkatapos ng hearing, sinabi ni Luistro na magpupulong uli ang komite sa Lunes, Feb. 9, upang isapinal ang report nito na isusumite sa House plenary, para pagbotohan ng mga mambabatas.
(Vina de Guzman)