• March 25, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February, 2026

Matapos na ‘di palarin bilang kongresista.. EJAY, ayaw isara ang pintuan sa muling pagtakbo sa 2028 election

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TUMAKBO nguni’t hindi pinalad si Ejay Falcon sa pagka-Kongresista sa Second District ng Oriental Mindoro sa 2025 elections matapos manilbihang Bise Gobernador sa nabanggit na lalawigan.
Inamin ni Ejay, iniyakan niya ang kanyang pagkabigo.
“Siyempre hindi naman maiiwasan iyon na iniyak mo siya. Napagod ka, hindi kasi… siyempre ibinigay mo naman din yung best mo di ba, nangampanya ka.
“And iyon nga lang, tapos na-realize mo, wala ka din namang pera nung eleksyon. Pero hindi naman ganun kalaki yung inilamang din nung katunggali ko.
“Pero after nung iyak na yun sabi ko, siguro, may purpose si Lord kung bakit nangyari, may purpose ang Panginoon kung bakit nangyari iyon.
“So hanggang dire-diretso na, biglang nag-SONA. “Nung SONA, pumutok na yung mga issues ng mga flood control, malalaking klaseng corruption.
“Sabi ko, ‘Ah okay, ngayon, alam ko na yung purpose, “God’s protection, blessing in disguise, and iyon nga, redirection.
“Ang dami nang pumasok sa [isip ko], ‘Siguro… kaya pala!’
Nakaupo siya bilang Bise Gobernador noong eleksyon, hindi bilang Gobernador ang itinakbo niya?
“Actually malalim pong… basta ano na lang po yan, sabihin na lang natin na nung time na yun iniisip ko kung saan ako mas may magagawa.
“Siyempre para tumakbo tayo diyan may nakikita tayo na ito yung mas magagawa mo.
“Kasi nakita mo yung isang district na parang ang daming gusto mong i-improve.
“Well very thankful naman ako sa mga nagawa nila dun sa distrito na nilabanan ko pero siyempre as a batang public servant.
“And ina-idolize ko din sila [Pasig City] Mayor Vico Sotto, na nakikita ko yung ginagawa nila so gusto ko ring magkaroon ako ng… siguro sabihin na lang natin na mas may kakayahan, mas may kakayahan ako dun sa posisyon na iyon para magawa yung mga bagay na gusto kong gawin.
“Ma-implement ng tama yung mga gusto kong dapat i-implement. Di ba parang, ako yun e, ako magdedesisyon.
“So nakita ko naman na parang dapat, ‘Sana dito nilagay, dapat dito nilagay.’
“Lalo yung mga kabataan, yung sektor ng kabataan, education. Mahal na mahal ko iyan.
“Kasi diyan ako galing, e. Nag-aral ako ng wala akong pera, pinag-aral ako, so everytime nakakakita ako ng ganyan, parang gusto ko talagang pagtuunan ng pansin.
“Iyon nga, yung youth empowerment.
“Kasi sa province namin, talagang very relatable yung tao sa akin kasi may mga kabataan na may kanya-kanyang galing at talento.
“Ako, sino ang mag-e-expect o mag-aakala na from doon sa baryo na walang signal ng cellphone, walang kuryente, nagbabangka kami, magiging PBB Big Winner, magiging artista, naging Vice-Governor.
“Yung nangyari sa akin, gusto kong tulungan sila, siguro kung hindi man pagiging artista, yung makapag-aral lang.
“Makapag-aral sa napakagandang school na may sports complex dun sa distrito na yun.
“Mabigyan ang bawat bayan ng mga community college, ganun. So marami akong gustong gawin.”
Tatakbo ba siyang muli sa eleksyon sa 2028?
“Ayokong isara ang pintuan kasi iyan naman ay sabi ko nga, nung tumakbo akong Vice-Governor wala naman sa plano iyan, e.
“Minsan kasi sa buhay natin kapag may kumatok na parang may binubuksang pintuan at kailangan kang pumasok sa pintuan na iyon at mas marami kang matutulugan, doon ka pupunta.
“Kasi ako sabi ko nga, yung buhay ko okay naman din na ako, e. I mean galing din ako sa wala. Kumbaga nakakapagtrabaho ako sa showbiz, okay naman na yung buhay namin, ng pamilya ko, pero gusto mo kasing makatulong.
“Iyon nga lang, siguro ang kaibahan ko lang, bata ako, mas aggressive ako, nag-aral na din naman ako ng Bachelor of Political Science Major in Local Governance sa University of Makati, natapos ko na iyon habang Vice Governor ako.
“So siguro iyon ang kaibahan mas aggressive ako, mas nakakakita ako ng mga tamang programa na puwedeng ibigay dun sa aking mga kababayan kung ano yung mga pangangailangan nila.”
Samantala, nagbabalik-pelikula si Ejay sa “Kappa-tiran,” sa direksyon ni Neal “Buboy” Tan at produced ng Marcos Production ni Nunungan Lanao del Norte Vice Mayor Marcos Mamay na isa rin sa mga cast members ng pelikula kung saan lead actress si Sheryl Cruz.

(ROMMEL GONZALES)

Dahil ‘hindi para sa lahat’ ang NDM Plus… Direk NIJEL, matapang ang naging pahayag na ‘di ipipilit ang kanilang content

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ANG “NOT FOR EVERYONE GALA” ng NDM Plus ay hindi lang simpleng red carpet event — isa itong pasabog na pahayag sa buong industriya: Hindi kami para sa lahat… at hindi namin kailangang maging para sa lahat!

At sa gitna ng walang tigil na camera flashes, opisyal na inilunsad ang bagong tagline:

“We’re not for Everyone (but we might be for you).”

Personal na nagbigay ng makapangyarihang mensahe ang NDM Plus Owner & CEO na si Direk Nijel de Mesa kasama ang EVP na si Jan Christine.

Matapang ang pahayag:
“Hindi namin ipipilit ang content namin. Hahayaan naming ang audience ang makadiskubre sa amin.”

At ang linya na talagang tumatak:
“Ang pinapanood mo, nagiging bahagi ng kung paano ka mag-isip.”

Palakpakan. Sigawan. Panindigan!

Kung akala nyo ay ordinaryong event lang ito — nagkakamali kayo!

Namataan sa venue ang sangkatutak na bigating pangalan: Moymoy Palaboy, Lance Raymundo, Toffi Santos, JM De Guzman, Krista Miller, Jennifer Lee, Glaiza de Castro, Heaven Peralejo, Amira Alawi, Erika Davis, Monina Lawrence, Keylyn Trajano, Martin Escudero, Robert Seña at Richard Quan

Star-studded? Kulang pa ang salita!

Kasama rin ang Board of Advisers na sina Arci Muñoz, Daiana Menezes, Will Devaughn, at Carlo Alvarez, kasama si Jiji Jorge.

Ipinakilala rin ang mga bagong proyekto at ang pagpasok ng mga award-winning directors sa roster ng NDM Plus — isang malinaw na mensahe na hindi ito basta streaming platform.

Ito ay tahanan ng kakaiba.
Ng may lalim.
Ng hindi takot sumugal.

Kasabay nito, ginanap din ang NDM Plus Acting Awards — na magiging taunang tradisyon na tuwing NFE Gala — bilang pagkilala sa tunay na husay sa pag-arte.

At alam n’yo ba? Nandoon din ang mga Platinum subscribers! Oo — hindi lang artista ang VIP.
Ang mga naka-subscribe sa premium tier (na unang inilunsad sa Singapore) ay personal na inimbitahan bilang espesyal na perk.

Dito, hindi ka lang audience.
Kasama ka sa eksena.

Kung sawa ka na sa paulit-ulit.
Kung gusto mo ng content na may tapang at may laman.
Kung gusto mo ng platform na may paninindigan —

Baka hindi ito para sa lahat.

Pero baka… para sa’yo ito.

Mag-subscribe na sa www.ndmplus.com

Dahil ang pinapanood mo, nagiging bahagi ng kung sino ka.

Mas naging special ang in-organize na event… JULIE ANNE, hinarana ang mga couple na kinasal sa Araw ng mga Puso

Posted on: February 19th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINARANA ni Julie Anne San Jose sa naganap na “Kasalang Bayan 2026″, isang mass wedding ceremony held at the City Auditorium in Sta. Rosa, Laguna on February 14, 2026.

Inawitan ni Asia’s Limitless Star ang mga couple na kinasal sa mismong Araw ng mga Puso.

Ikinatuwa ito ng mga kinasal dahil bukod sa palibreng kasal, nag-perform pa si Julie na mas lalong nakadagdag sa special day na iyon.

Ayon sa nag-organize ng Valentine’s Day event na ito: “The Kasalang Bayan brought together couples ready to begin a new chapter of their lives, surrounded by family, friends, and community support.”

Nagpasalamat sila kay Julie Anne dahil ang kanyang performance “is a fitting soundtrack to the occasion, adding emotion and elegance to the milestone moment.”

***

NAGKAROON ng malaking chance sa Big Winner title ng Pinoy Big Brother Celebrity Collab Edition 2.0 sina Kapuso housemate Ashley Sarmiento at Kapamilya housemate Krystal Mejes.

Silang dalawa ang bagong pasok sa Ultimate 8 kasama sina Caprice Cayetano at Lella Ford after manalo sa 2nd Big Jump Challenge.

Apat na spot na lang ang natitira at may anim pang housemates na naiiwan na sina Heath Jornales, Marco Masa, Princess Aliyah, Joaquin Arce, Carmelle Collado at Miguel Vergara.

Ang pagbobotohan this week ay kung sino ang apat na deserving sa natitirang spot sa Ultimate 8. Mai-evict ang dalawang makakakuha ng lowest score.

Malapit na kasing maganap ang Big Night ng PBB Collab 2.0.

***

MULING nagluksa ang Hollywood dahil sa pagpanaw ng Academy Award-winning actor na si Robert Duvall noong Feb. 16 sa edad na 95.

Ayon sa Facebook post ng kanyang misis na si Luciana Duvall: “We said goodbye to my beloved husband, cherished friend, and one of the greatest actors of our time. Bob passed away peacefully at home, surrounded by love and comfort.”

Duvall was one of the last surviving stars from the Golden Age of Hollywood.

Nagsimula ang acting career ni Duvall in 1960 sa episode ng TV series na The Robert Herridge Theater.

His film debut ay sa 1962 adaptation of the book To Kill a Mockingbird. Ang role niya as Boo Radley ay walang dialogue.

In 1984, Duvall won his Academy Award for best actor in 1984 for Tender Mercies. Na-nominate siya para sa mga pelikulang The Godfather, Apocalypse Now, The Great Santini, The Apostle, A Civil Action and The Judge.

Nagwagi naman siya ng dalawang Primetime Emmy Awards para sa 2006 miniseries na Broken Trail.

Duvall’s final film appearance was in 2022’s The Pale Blue Eye.

Ads February 19, 2026

Posted on: February 19th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Kelot na tumangay ng motor sa Valenzuela, tiklo rin sa droga

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan 27-anyos na lalaki nang tangayin ang motosiklo ng kanyang kabarangay at makuhanan pa ng shabu sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, mahaharap sa mga kasong paglabag sa R.A10883 o ang New Anti-Carnapping Law at R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na si alyas “Jun”, ng Brgy., Paso De Blas.

Sa imbestigasyon ng pulisya, dakong alas-7:00 ng umaga, lumabas ng kanyang bahay sa East Service Road, Paso De Blas ang complainant na si alyas “Efren”, 37, nang makita niya na tinangay ng suspek ang kanyang motorsiklo.

Hinabol niya ang suspek hanggang sa hanggang sa makahingi siya ng tulong sa nagpapatrolyang mga tanod ng Paso De Blas na sina Ex-O German De Sotto Cuaño at Eduardo Caliso Edo Jr. na nagresulta sa pagkakaaresto kay ‘Jun’.

Nang kapkapan, nakumpiska sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P1,156 habang nabawi ang motorsiklo ng biktima.

Kaagad humingi ng assistance ang mga tanod kay Valenzuela Police Sub-Station 1 Commander P/Capt. Michael Oxina para magpatulong sa tamang proseso.
(Richard Mesa)

Tulak, kalaboso sa pagbenta ng droga sa pulis sa Valenzuela

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang kelot na sangkot umano sa pagtutulak ng iligal na droga nang bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Chief P/Col. Joseph Talento, mahaharap sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na si alyas “Toyo”, 36, ng Brgy. Mabolo

Sa kanyang report kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na alas-5:50 ng umaga nang maaresto ang suspek ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa San Francisco Del Monte St., Corner D. Santiago St., Brgy. Malanday.

Ani SDEU investigator PMSg Ana Liza Antonio, nakumpiska kay ‘Toyo’ ang nasa limang gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P34,000, buy bust money at P200 cash.

Nauna rito, positibo ang natanggap na impormasyon ng mga operatiba SDEU hinggil sa umano’y pagbebenta ng shabu ng suspek kaya agad bumuo ng team si P/Lt. Sherwin Dascil bago ikinasa ang buy bust operation laban kay ‘Toyo’, sa koordinasyon sa PDEA.

Nang tanggapin umano ng suspek ang marked money mula sa pulis na nagpanggap na buyer kapalit ng isang plastic sachet ng shabu ay agad siyang dinamba ng mga tauhan ni Lt. Dascil.

Pinuri naman ni BGen. Dela Cruz ang arresting team na binigyang-diin na ang matagumpay na operation ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng NPD laban sa mga sangkot sa pagpapakalat ng iligal na droga upang patuloy na isulong ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. (Richard Mesa)

Mahigit 30-K katao, inaasahang dadalo sa ika-3 ‘Trillion Peso March kasabay ng EDSA Revolution anniv

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INAASAHAN ang mahigit 30,000 katao na lalahok sa ikatlong “Trillion Peso March” sa Pebrero 25, kasabay ng paggunita sa EDSA People Power.

Layunin ng kilos-protesta na igiit ang mas matinding aksyon laban sa katiwalian, lalo na sa flood control projects.

Ayon kay Tindig Pilipinas co-convenor Francis “Kiko” Aquino Dee, magsisimula ang prayer march alas-otso ng umaga mula sa EDSA Shrine sa ilalim ng temang “Tayo ang People Power Laban sa Korapsyon at Dinastiya.”

Aniya, bagama’t may ilang “big fish” nang nahaharap sa kaso, kabilang si dating Senador Bong Revilla at sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Joel Villanueva, kulang pa rin umano ang pag-usad ng mga imbestigasyon.
Nagpahayag din siya ng pangamba na may ilan umanong nakaiiwas sa pananagutan dahil sa pagiging malapit kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Samantala, isa sa pangunahing panawagan ng kilos-protesta ang pagpasa ng batas para sa isang independent body na may kapangyarihang mag-imbestiga ng katiwalian, hiwalay sa impluwensya ng Malacañang.

Gaganapin ang pangunahing programa sa People Power Monument alas-dose ng tanghali, susundan ng misa sa EDSA Shrine na pangungunahan ni dating CBCP President Archbishop Socrates Villegas at konsiyerto ng Caritas Philippines bilang pag-alala sa pagpapatalsik kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. noong 1986.

Survey ratings, hindi dapat gamitin para baluktutin ang katotohanan- Malakanyang

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGTATAKA ang Malakanyang kung saan nanggagaling ang “ratings” ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., dahil tila hindi ito sumasalamin sa work ethic ng Chief Executive.
Ito’y matapos na lumabas na neutral o nasa -3 ang latest net satisfaction performance rating ng mga filipino para kay Pangulong Marcos batay sa pinaka­huling Social Weather Stations (SWS) survey habang naungusan na ni Vice President Sara Duterte ang iba pang opisyal ng gobyerno na may pinakamataas na net satisfaction ratings.
Nakakuha kasi si VP Sara ng +28 net satisfaction sa fourth-quarter national survey na isinagawa noong Nobyembre 24-30, 2025.
“Sana po ang mga survey ratings na ito ay hindi magsilbing paglilinlang sa katotohanan kung sino ba talaga ang nagtatrabaho at sino ang hindi,” ang sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro.
Sa 4th quarter nationwide survey, nasa 40 percent ang satisfied, 17 percent ay satisfied o dissatisfied at 43 percent ay dissatisfied sa net satisfaction rating ng Pangulo.
“So, kung ang susunod mong katanungan is saan nagmumula ang rating na ito, hinahanap din po namin,” ang sinabi ni Castro.
“Dahil kahit ano pong maging numero diyan, ang katotohanan, ang Pangulo ang siyang nagtatrabaho at ang ilan ay nagbabakasyon lamang ay hindi po maaaring pasinungalingan ninuman,” aniya pa rin.
Sa ulat, ang pinaka-mataas na net satisfaction rating ni Pangulong Marcos ay nagmula sa Balanced Luzon na nasa ­“moderate” +13, may 5 puntos taas mula sa nagdaang quarter na “neutral” +8. Sinundan ito ng Visayas at +2, na may 10 points na taas mula sa -8 sa nagdaang quarter.
Sa Metro Manila, ang net satisfaction rating ni Marcos ay ­bumagsak ng 5 points na mula neutral ay naging poor na nagpapakita ng -2 noong Setyembre at -17 sa last quarter ng 2025 samantalang ang net satisfaction ­rating naman ni Marcos sa Mindanao ang pinaka mababa na “poor” o -29, mula sa -28 sa nagdaang quarter.
Ang nationwide survey ay ginawa sa ­paraang face-to-face interviews sa 1,200 adults na may edad 18-anyos at pataas nationwide. ( Daris Jose)

PBBM, inilunsad ang Phase II ng Chinatown Revitalization para palakasin ang pamana, turismong pang-kultura at negosyo

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PAGKATAPOS ng Pasig River Esplanade, ang Binondo naman ang susunod na pagagandahin.
Inilunsad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Phase II ng Chinatown Revitalization Project sa Binondo, Manila, araw ng Biyernes upang pangalagaan ang pamana ng distrito habang pinalalakas ang turismo at mga lokal na negosyo.
Sa opisyal na paglulunsad na ginanap sa Hotel Lucky Chinatown sa Binondo, sinabi ni Pangulong Marcos na pinarangalan ng proyekto ang matagal nang ugnayan sa kalakalan at ng kultura sa pagitan ng Pilipinas at Tsina.
“Itong inisyatiba ay tungkol sa paggalang sa kasaysayan at pagbibigay sa distrito ng pansin at paggalang na nararapat dito,” ayon sa Pangulo.
Matapos ang tagumpay ng Phase I na nagpanumbalik sa kagandahan ng Jones Bridge, sinabi ng Pangulo na layon ng Phase II na gawing masiglang sentrong pang-kultura at pang-ekonomiya ang Binondo.
“Lalo nating pauunlarin ang Ongpin Street bilang sentrong kultural at pang-ekonomiyang, at pagagandahin ang mahahalagang makasaysayang landmark gamit ang ilaw at tematikong presentasyon sa Ongpin at Escolta Streets,” ang winika ng Pangulo.
Katuwang din ito ng Pasig Bigyang Buhay Muli Program ng Administrasyon upang mapanumbalik ang Pasig River at mga komunidad sa paligid sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga pampublikong espasyo, makabagong sistema ng transportasyon at paglilinis ng waterways.
Maaari na ngayong maglakad, mag-jogging, o magbisikleta ang mga tao mula Intramuros hanggang makarating sa Binondo, ayon sa Pangulo.
Binigyang-diin ng Pangulo na ang proyekto ay para sa kapakinabangan ng mga Chinese-Filipino na tinuturing ang Binondo bilang tahanan, ng lahat ng mga Manileño na pumupunta sa lugar araw-araw, at ng bawat Pilipinong nais na higit na maunawaan ang kultura at kasaysayan.
Sinabi ng Pangulo na naging posible ang proyekto dahil sa matibay na pagtutulungan ng gobyerno, pribadong sektor, at Filipino-Chinese community.
Sa nasabing launching, pinanood din ng Pangulo at First Lady Louise Araneta-Marcos ang nailawang MacArthur Bridge; La Madre Filipina; Minor Basilica of Our Lady of the Pillar (Parokya ng Sta. Cruz); Qui Shan Gate; at ang Dragon Lights sa kahabaan ng Quentin Paredes Street. (Daris Jose)

Mahigit 423K na mga bahay, naipamahagi na; mas marami pang bahay, asahan – PBBM

Posted on: February 18th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Lunes na mahigit sa 423,000 pabahay ang naitayo o napondohan ng pamahalaan mula Hulyo 2022 hanggang Enero 2026 sa ilalim ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino (4PH) Program.
Ito ay patunay ng mas pinaigting na pagsisikap ng administrasyon na maghatid ng ligtas, disente, at abot-kayang tahanan sa mga Pilipino.
“Mula Hulyo ng 2022 hanggang Enero ng 2026, tayo ay nakagawa at nakapag-finance ng higit 423,000 housing unit,” ayon sa Pangulo na pinangunahan ang seremonyal na pamimigay ng mga bagong pabahay at tulong sa ilalim ng Expanded 4PH Program na idinaos sa Megawide Precast Plant sa Taytay, Rizal.
“Malayo na ang ating narating, ngunit patuloy pa rin tayong nagsisikap upang maabot ang ating target na bahay sa mga susunod pa na taon,” dagdag pa ng Pangulo sa nasabing okasyon ng pagdiriwang ng ika-7 na anibersaryo ng Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD).
Binigyang-diin ng Pangulo na patuloy na magsisikap ang pamahalaan upang maabot ang target na pabahay sa mga susunod na taon.
Kanyang ipinaliwanag na pinabilis ang konstruksyon at pinagaan ang proseso ng pagkuha ng bahay sa pamamagitan ng mga reporma gaya ng pagpapababa ng interest rates sa housing loans, na nagbigay-daan upang mas maraming miyembro ng Pag-IBIG Fund ang makinabang.
Sa tulong ng mga subsidiya ng pamahalaan, mas maraming pamilya ang nagkaroon ng pagkakataong magkaroon ng sariling tahanan.
“At hindi po kami titigil dito,” ayon kay Pangulong Marcos, na idinagdag na ng kanyang pagbisita sa Megawide precast plant ay isang hakbang para sa pagtatayo ng mga bahay gamit ang modernong teknolohiya.
“Dito po ay ating natunghayan ang isang napakahalagang proseso kung paano mas mapabilis ang produksyon ng mga housing unit,” diin ng Pangulo.
Ayon sa Pangulo, ang paggamit ng makabagong teknolohiya sa produksyon ng housing units ay makatutulong upang mas mapabilis ang pagtatayo ng mga bahay.
Sa ika-pitong anibersaryo ng DHSUD, muling tiniyak ni Pangulong Marcos ang kanyang pangako na bigyang access ang mga Pilipino sa disente at abot-kayang pabahay, at nanawagan ng mas matibay na pagtutulungan ng pamahalaan at pribadong sektor upang palawakin ang saklaw ng Expanded 4PH Program.
“Kaya patuloy na magtutulungan ang pamahalaan at pribadong sektor upang pabilisin ang produksyon, ayusin ang proseso, at palawakin ang saklaw ng ating mga programa, lalo na ang Expanded 4PH Program,” pahayag ng Pangulo.
“Habang may Pilipinong nangangarap ng sariling tahanan, patuloy na kikilos ang pamahalaan upang suportahan ang pangarap na ito.” (Daris Jose)