• February 12, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 12th, 2026

Top 10 most wanted fugitives, laglag sa malawakang manhunt ops ng NPD

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATAGUMPAY na naaresto ng Northern Police District (NPD), sa ilalim ng pamumuno ni PBGEN Christopher Dela Cruz ang mga indibidwal na nakalista bilang Top 1 hanggang Top 10 Most Wanted Persons ng NPD para sa buwan ng Pebrero, na nagmarka ng isang makabuluhang milestone sa pinaigting na kampanya nito laban sa kriminalidad.

Ani BGen. Dela Cruz, ang tagumpay na ito ay ang direktang resulta ng pinalakas na intelligence-driven operations, relentless manhunt efforts at hindi natitinag na pangako ng NPD para sa kaligtasan ng publiko.

Sa buong Pebrero, ang strategic coordination at continuous monitoring ay nagbigay-daan aniya sa mga operatiba ng NPD na mahanap at maaresto ang mga high-profile fugitive na ito at dalhin sila sa hustisya.

Pinuri naman ni BGEN Dela Cruz, ang dedikasyon at pagtutulungan ng lahat ng operating unit, na binibigyang-diin na ang tagumpay ay sumasalamin sa matatag na paninindigan ng Distrito laban sa lawlessness.

“The arrest of the District’s Top 10 Most Wanted Persons for the month of February demonstrates our unwavering resolve to protect the community and uphold the rule of law. Let this serve as a strong warning to those who attempt to evade justice — the Northern Police District will find you, and we will ensure that you face the consequences of your actions,” pahayag ni Gen. Dela Cruz.

Binigyang-diin pa niya na ang pinaigting na kampanya laban sa mga wanted person ay nananatiling pangunahing priyoridad, na nagpapatibay sa pangako ng Philippine National Police sa pananagutan, kaayusan, at seguridad ng komunidad.

Tinitiyak din ng NPD sa publiko na ang mga operasyon ay magpapatuloy nang walang tigil, na nakatuon sa agarang pag-aresto sa mga natitirang pugante at sa aktibidad ng mga kriminal sa buong CAMANAVA area.

Hinihikayat din ang mga mamamayan na manatiling mapagbantay at makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pag-uulat ng anumang impormasyon na maaaring makatulong sa patuloy na pagsisikap sa pagpapatupad ng batas.

Sa tagumpay na ito, muling pinagtitibay ng NPD ang dedikasyon nito sa paglikha ng mas ligtas na mga komunidad at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan para sa lahat. (Richard Mesa)

LTFRB NAGBABALA SA MGA APLIKANTE NG PRANGKISA NA HUWAG BIBYAHE HANGGA’T HINDI PA APRUBADO

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGBABALA ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng pamumuno ni Secretary Giovanni “Banoy” Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), sa mga aplikante ng prangkisa para sa public utility vehicle (PUV) na huwag gamitin ang kanilang sasakyan sa pampublikong transportasyon hangga’t hindi pa aprubado at nailalabas ang kinakailangang dokumento.

Ipinahayag ni LTFRB Chairperson Atty. Vigor D. Mendoza II ang babala matapos maglabas ang ahensya ng show cause order (SCO) laban sa isang aplikante na namamasada kahit hindi pa aprubado ang aplikasyon.

“Hindi porke nakapagsumite na kayo ng mga dokumento para sa Certificate of Public Conveyance (CPC) ay maaari na ninyong gamitin ang sasakyan sa pampublikong transportasyon. Karaniwang kaalaman na dapat munang hintayin ang pag-apruba at paglalabas ng mga kinakailangang permit,” ani Chairperson Mendoza.

Sa kaso ng isang aplikante para sa rutang Imus–Alabang–Imus, namonitor na ang sasakyan ay pumipick-up na ng mga pasahero.

Sa karagdagang imbestigasyon, lumabas na binago ng aplikante ang isang delivery van upang gawing PUV, na ayon sa LTFRB ay labag sa batas.

Sa inilabas na SCO, inatasan ang aplikante na magsumite ng nakasulat na paliwanag kung bakit hindi dapat kanselahin ang aplikasyon, at dumalo sa unang pagdinig ng kaso sa Pebrero 18.

Binigyang-diin ni Chairperson Mendoza na ang mabilis na aksyon ng LTFRB ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga patakaran sa kaligtasan sa kalsada para sa pagpapabuti ng sistemang pampublikong transportasyon sa bansa.

“Nauunawaan namin ang pangangailangan ng ating mga kababayan na kumita, ngunit hindi ito dapat gawin kapalit ng paglabag sa batas at pagsuway sa mga regulasyong itinakda para sa pampublikong transportasyon,” ani Mendoza.“Ang paggamit ng sasakyan bilang pampublikong transportasyon kahit nakabinbin pa ang aplikasyon para sa CPC ay maituturing na colorum. Ang pagbabago ng sasakyan upang gawing PUV ay ilegal. Maliwanag po iyan,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)

Part three ng Trillion Peso March, gagawin sa 40th ‘People Power’ anniversary

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

GAGAWIN ang ikatlong parte ng Trillion Peso March sa Pebrero 25, kasabay ng ika-40 anibersaryo ng EDSA People Power Revolution.

Pinangungunahan ito ng Caritas Philippines, ang social action arm ng CBCP, kasama ang iba’t ibang civil society groups tulad ng Trillion Peso March Movement.

May mga nakatakdang aktibidad mula Pebrero 22 hanggang 23, bago ang pangunahing pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng EDSA simula alas-7 ng umaga sa Pebrero 25.

Gaganapin ang martsa sa People Power Monument sa Quezon City.

May mga nakatakdang aktibidad mula Pebrero 22 hanggang 23, bago ang pangunahing pagtitipon sa iba’t ibang bahagi ng EDSA simula alas-7 ng umaga sa Pebrero 25.

Gaganapin ang martsa sa People Power Monument sa Quezon City.

BIDDER NA MAY-ARI NG IGOROT STONE KINGDOM, NAKABILI NG ROLLS-ROYCE NG DISCAYA

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISANG bidder mula sa Igorot Stone Kingdom Inc., ang nakabili ng luxury car na Rolls-Royce Culinan mula sa nakumpiskang mga sasakyan ng mag-asawang Curlee at Sarah Discaya na sangkot sa flood control anomalies.

Ayon kay Pio Velasco, ang founder at CEO ng Igorot Stone Kingdom Inc , sinabi na binili nito ang magarang sasakyan upang ma-preserved ang kasaysayan ng Pilipinas.

Aniya ang naturang sasakyan na may payong at binayaran ng fully paid ay nagbukas ng kaalaman sa nangyaring korapsyon sa bansa kaugnay sa maanomalyang flood control projects.

Na-bid ng Igorot Stone Kingdom Inc., ng Cordillera Region ang Rolls-Royce Royce Culinan na may floor price na P29,025,132.58 mula sa dating mahigit P45 milyon .

Ayon kay Velasco , napag-isipan nilang i-save ang naturang sasakyan dahil nabalitaan nilang maaari itong sirain kapag hindi nabili kaya lumahok sila sa ikatlong subasta ng BOC.

Paliwanag ni Velasco, hindi sila na nakalahok sa una at pangalawang bid dahil hindi nila ito nalaman.

Maaari aniya nitong idisplay sa team park ng Baguio City ang Rolls-Royce Culinan pero kailangan muna aniyang subukang imaneho ito .

Kabilang ang Rolls-Royce Culinan sa sampung luxury vehicles na isinubasta nitong Miyerkules kung saan walo rito ang mga sasakyan ng pamilya Discaya.

Sa sampung luxury car na isinubasta , tanging ang Rolls-Royce Culinan lamang ang na-bid kaya muling nagtakda ang BOC ng susunod na subasta sa Pebrero 25, 2026 .

Ayon sa BOC, tatlong bidder ang nagparehistro kasama ang TV host na si Willy Revillame ngunit tanging ang Igorot Stone Kingdom Inc. lamang ang nakarating.
( Gene Adsuara)

Navoteño couples, pinag-isang dibdib sa Kasalang Bayan 2026

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINANGUNAHAN ni Mayor John Rey Tiangco ang pag-iisang dibdib ng 49 Navoteño couples sa ginanap na taunang Kasalang Bayan sa Lungsod ng Navotas. Kabilang sa mga ikinasal ay sina Ereneo Belino Jr. at Helen Corocoto na 38 taon nang nagsasama at nabiyayaan ng tatlong anak. Mensahe niya sa mga bagong kasal na sana ay mapuno lagi ng pagmamahalan at pag-uunawaan ang tahanan ng bawat isa. Kung may hindi aniya mapagkasunduan ay pag-usapan. Alagaan at irespeto ang isa’t isa at higit sa lahat, piliin ang isa’t isa araw-araw. (Richard Mesa)

Malakanyang, pinayuhan ang publiko na huwag maniwala sa tsismis na may colon cancer si PBBM

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TILA pinayuhan ng Malakanyang ang publiko na huwag maniwala sa mga rumors, mga tsismis na may colon cancer si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na ang mga walang katotohanan na isyu na nakakapanira sa gobyerno, sa Pangulo at nakaaapekto sa ekonomiya lalo pa’t kung manggagaling kay dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na isang isang fake news peddler ay hindi dapat paniwalaan.
‘Ayon na nga po ang masama kasi mga rumors, mga tsismis, walang katotohanan na nakakapanira sa gobyerno, nakakapanira sa Pangulo na nakakaapekto sa ekonomiya. Kung manggagaling lamang po din kay Harry Roque na masasabi na nating isang fake news peddler,” ayon kay Castro.
“Nakita naman po natin ang video, iyong kabuuan kung saan itinaas pa po mismo ng Pangulo ang kanyang mga kamay habang siya’y kumakaway sa ating mga kababayan at kitang-kita po na ang sinasabing larawan or ipinakitang larawan ni Harry Roque ay pawang kasinungalingan lamang,” dagdag na pahayag ni Castro sabay panawagan sa publiko na “Huwag na po tayong maniwala…”

Matatandaang, nauna nang binanatan ng Malakanyang si Roque dahil sa social media post nito na tila naka-colostomy bag si Pangulong Marcos.
Giit ni Castro na walang katotohanan ang paratang ni Roque na may colostomy bag ang Pangulo, at tinawag niya itong chismis na layong siraan ang Pangulo at ang administrasyon.
Ani Castro, sa halip na magpakalat ng imbentong isyu, mas dapat harapin ni Roque ang mga kasong tinakasan nito sa bansa.
Aniya, wala nang ibang inaatupag si Roque kundi ang magbantay at manghimasok sa kalusugan ng Pangulo.
Kung pinanood lamang aniya ni Roque ang mismong aktibidad na dinaluhan ng Presidente, malinaw na makikitang walang anumang nakakabit sa tiyan nito.
( Daris Jose)

PBBM: Mga ghost project, substandard classroom, ‘di makalulusot sa ilalim ng Dep-Ed-LGU MOA

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

WALANG makalulusot na ghost projects at substandard na silid-aralan sa ilalim ng bagong Memorandum of Agreement ng Department of Education (DepEd) at local government units (LGUs) para pabilisin ang pagtatayo ng mga classroom sa bansa.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., masisiguro ang kalidad ng mga proyekto dahil direktang mananagot ang mga LGU sa kanilang komunidad.
“Ang sabi ko nga sa kanila, sa lahat, eh sabi ko, papaano ‘yan baka magkaproblema ulit sa ghost project at saka sa substandard? Ang sabi ko, hindi uubra ‘yan pagka sa LGU. Hindi uubra ‘yan dahil ang tao mismo ang kaharap ninyo,” sinabi ni Pangulong Marcos sa ceremonial signing ng MOA sa Malacañang Palace ngayong Miyerkoles.

“Kapag hindi maganda ang gawin ninyong trabaho, sisitahin kayo. Araw-araw kayong – gabi-gabi kayong kakatukin sa bahay ninyo, sasabihin, ayusin ninyo ‘yung problema. Kaya’t malakas ang loob ko na magiging maayos lahat ng ating gagawin,” dagdag ng Pangulo.
Sa ilalim ng kasunduan, ang DepEd ang magbibigay ng pondo, teknikal na pamantayan, at disenyo, habang ang LGUs ang bahala sa procurement at konstruksyon.
Naglaan ang pamahalaan ng P9.6 bilyon para sa humigit-kumulang 4,000 bagong silid-aralan.
Binigyang-diin din ng Pangulo na direktang ibababa ang pondo sa LGUs upang maiwasan ang delay.
“Sa pagbibigay ng mas malaking papel sa LGUs sa implementasyon, mas pinapadali natin ang proseso. Binabawasan natin ang mga pagkaantala, at mas mabilis tayong magtatayo ng mga paaralan na kailangan ng ating mga anak,” aniya.
Ang MOA ay bahagi ng mga hakbang ng administrasyon ni Pangulong Marcos upang tugunan ang classroom shortage na umabot sa 145,000 units noong Disyembre 2025. (Daris Jose)

Pinas, hindi mananahimik, mananatili sa legal na paraan sa pinagtatalunang WPS- Malakanyang

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI natatakot ang Pilipinas sa Tsina sa gitna ng mga hakbang ng huli na tila paghihiganti laban sa mga lokal na opisyal at kritisismo ng Senado.
Ito’y sa kabila ng ipinagpapatuloy ng gobyerno ang paggamit ng ‘firm at diplomatic approach’ sa pagharap sa mga usapin ukol sa pinagtatalunang West Philippine Sea (WPS).
Ang pahayag na ito ay kasunod ng ginawang pagpapalabas ng listahan ng Chinese Embassy ng mga opisyal mula munisipalidad ng Kalayaan, Palawan, kung saan pinagbawalan nila ang mga itong pumasok o idineklarang “not welcome” sa bansang China.
Pangalan ng mga opisyal na pinagbawalan nang makapasok sa China:
1. Beltzasar S. Alindogan
2. Maurice Phillip Alexis S. Albayda
3. Nonelon B. Balbontin
4. Nonie C. Gapuz
5. Roberto M. Asiado
6. Hubert B. Llavan
7. Francis P. Polizon
8. Marilou S. Vales
9. Monico A. Abogado
10. Eugenio B. Bito-onon
11. Hermoso A. Ornopia
12. Tracylie Shierjun R. Malabayabas
13. Arzel E. Belidan
14. Vicencio R. Milan
15. Allan D. Dellosa
16. Mary Cristina J. Lagrosa
Bago ito, matatandaang nauna nang magpasa ng resolusyon ang lokal na munisipalidad ng Kalayaan, Palawan tungkol sa pagdedeklarang “persona non grata” sa kanilang lugar si Chinese Ambassador to the Philippines Jing Quan noong Enero 27, 2026.
Ayon naman sa opisyal na pahayag na isinapubliko ng Chinese Embassy sa kanilang Facebook page noong Martes, Pebrero 10, 2026, sinabi nilang dalawang beses nagdedeklara ang mga opisyal ng naturang munisipalidad ng persona non grata sa mga Chinese Ambassador.
Kaugnay din ito ng naging deklarasyon ng mga opisyal sa nasabing siyudad ng persona non grata sa dating Chinese Ambassador na si Huang Xilian noong Agosto 2023, matapos magkaroon ng kasong pambobomba ng water cannon ng China Coast Guard (CCG) sa Philippine Coast Guard (PCG) sa may Ayungin Shoal.
Sinabi ni Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na nananatiling matatag ang administrasyon sa posisyon nito sa pinagtatalunang katubigan at hindi nito tatapatan ang palaban na agresibong aksyon ng Tsina.
“Kung sila man ay palaban, mayroon naman po tayong paraan na legal, diplomatic na puwedeng makapag-ayos ng anumang isyu,” ani Castro.
Idinagdag pa ni Castro na ginagalang ng administrasyong Marcos ang freedom of expression ng Tsina at pahihintulutan ang mga institusyon ng Pilipinas kabilang na ang Senado na “to exercise their functions independently.”
Ani Castro, ang anumang specifics kaugnay sa travel restrictions na ipinatutupad ng Tsina at iba pang polisiya ay coordinated sa pamamagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA). (Daris Jose)

Buo ang suporta at malasakit ni Action Man RVillamayor sa Yellow Bell Homeowners Association

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DINALAW ni RVillamor ang iba’t ibang residente at mga Presidente ng Mapalad Yellow bell Homeowners Association na sakop ng Barangay Commonwealth. Ito ay upang alamin ang pagbabago sa kanilang mga nasasakupan at kung ano ang kanyang maitulong para sa tuluy -tuloy na kaayusan ng nasabing lugar. Ipinadama ni RVillamor ang kanyang pagmamalasakit sa kanyang mga nasasakupan gayundin sa kaayusan ng kanilang kapaligiran.
(Text & Photos by Sonny Asignacion)

Pagtanggal ng travel tax isinama sa LEDAC priority list

Posted on: February 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATAGUMPAY na naisama ng Kamara ang panukalang pagtatanggal ng travel tax sa listahan ng mga priority measures ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC), sinabi ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Miyerkoles.

Ayon kay Dy, tinanggap ng LEDAC council na pinangungunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na isama ang travel tax abolition sa listahan ng mga priority measures ng administrasyon. Si House Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Alexander “Sandro” Marcos, anak ng Pangulo, ang may akda ng nasabing panukala bilang House Bill No. 7443 na ibayong tanggalin ang pagbabayad ng travel tax sa mga outbound Filipino travelers.

Samantala, umabot na sa 52 mula sa 48 ang bilang ng mga priority legislation na babalangkasin sa LEDAC, ayon pa kay Dy.
Ang HB No. 7443 ay kabilang sa apat na naidagdag na panukala sa listahan ng LEDAC. Kabilang dito ang mga hakbang laban sa online sexual abuse and child sexual abuse or exploitation materials (OSAEC/CSAEM), anti-fake news and digital disinformation, at resetting ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections.

“Before ending, Mr. President, we also urge the inclusion of the Abolition of the Travel Tax among the LEDAC priority measures as it is a practical, equitable, and progressive reform that encourages tourism and supports our regional integration efforts,” pahayag ni Dy kay Pangulong Marcos sa naganap na LEDAC meeting.

“It is, in our view, a crucial step toward a more competitive and open Philippines,” dagdag ni Speaker.

(Vina de Guzman)