• February 10, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 10th, 2026

Alex Eala, pumasok na sa WTA Top 40 bago ang Doha debut

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

OPISYAL nang nakapasok sa Top 40 ng Women’s Tennis Association (WTA) ang Filipina tennis star na si Alex Eala, bago ang kanyang opening-round match sa WTA 1000 Qatar Open sa Doha.

Ang milestone na ito ay nagtatakda sa kanya bilang pinakamataas na ranggong Filipina tennis player sa kasaysayan, matapos ang matagumpay na kampanya sa Abu Dhabi Open kung saan umabot siya sa quarterfinals sa singles at semifinals sa doubles.

Ngunit bago marating ang global stage, nagsimula si Eala sa payak na paraan. Bilang preschooler, unang humawak ng raketa sa Valle Verde Country Club sa Pasig City, kung saan ang paglalaro ng tennis ay isang simpleng family pasttime.
Sa murang edad, ipinakita na niya ang likas na galing at dedikasyon sa laro.

Noong 13 taong gulang, lumipat siya sa Mallorca, Spain upang mag-training sa Rafa Nadal Academy, isang hakbang na nagbigay sa kanya ng mas matinding exposure at oportunidad laban sa mga international junior players.

Dito siya nahasa at naging junior champion sa iba’t ibang torneo, kabilang ang Grand Slam junior doubles titles.

Mula sa pagiging promising junior, naging pro si Eala noong 2020, at unti-unting umangat sa ranggo sa kabila ng hamon ng mas matitinding kalaban sa WTA circuit.

Sa kanyang pagpasok sa Top 40 ngayong Pebrero 2026, pinatunayan niyang ang pangarap na nagsimula sa simpleng tennis court sa Pasig ay maaaring magbunga ng pandaigdigang tagumpay.

QC, binuksan ang FIFA-grade football field sa Amoranto Sports Complex

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BINUKSAN na ng Quezon City ang isang FIFA-grade football field sa Amoranto Sports Complex.
Kasabay nito ay maaari nang magamit ng mga football enthusiasts ang world-class sports facility para sa training, football competition, at tournament.
Kabilang sa mga feature ng bagong-bukas na pasilidad ay ang high-quality na turf grass na may FIFA-compliant markings, modernong trench drain at drainage system, kalidad na bleachers, atbpa.
Ayon sa city local government, ang bagong proyekto ay bahagi ng inisyatiba ng Quezon City na pag-upgrade sa public sports facilities at isulong ang aktibong lifestyles, grassroots sports development, at samahan ng mga komunidad sa pamamagitan ng sports.
Inaasahang magagamit ang bagong pasilidad sa iba’t ibang turneyo tulad ng mga local league, school tournament, at community sports programs.
Kasabay din nito ay maglalaan ang QC ng libreng football clinics tuwing araw ng Sabado mula alas-7:00 hanggang alas-11:00 ng umaga.

CEREMONIAL TURNOVER NG CALIRAYA- BOTOCAN-KALAYAAN (CBK) PUMP-HYDRO STORAGE PLANT SUPORTADO NI PBBM

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINASINAYAAN kahapon Pebrero 9, Lunes sa Kalayaan Plant Complex, Barangay San Juan, Kalayaan, Laguna ang ginanap na Caliraya-Botocan Kalayaan (CBK) Transition of Stewardship upang markahan ang paglilipat ng pagmamay-ari ng 797 Megawatt (MW) CBK Hydroelectric Power Plants sa Thunder Consortium, na binubuo ng Aboitiz Renewables, Inc., Sumitomo Corporation, at Electric Power Development Co., Ltd., naging matagumpay na nanalo sa bidding ang Power Sector Asset LM. noong taon 2025.

Ang pagbebenta ng CBK ay ang pinakamalaking pribatisasyon na proyekto ng PSALM noong nakaraang taong 2025.

Ang paglulunsad ay dinaluhan nina Department of Energy (DOE) Secretary Sharon Garin, Department of Finance (DOF) Acting Secretary Frederick Go, Sec. Lagdameo, Sec. Roque kasama ang Lokal na Pamahalaang Lalawigan ng Laguna sa pangunguna ni Gobernadora Sol Aragones, kasama si Congressman Benjie Agarao ng ikaapat na Distrito ng Laguna.

Dumalo rin ang mga Punong Bayan mula sa ikaapat na distrito ng laguna na sina Mayor Belen Raga ng Pamahalaan Bayan ng Lumban, Mayor Sandy Laganapan ng Pamahalaang Bayan ng Kalayaan, Mayor Romy Amorado ng Pamahalaang Bayan ng Majayjay, Mayor Arrantlee Arroyo ng Pamahalaang Bayan ng Cavinti.

Gayundin mga opisyal ng Aboitiz Equity Ventures CEO Sabin Aboitiz, Aboitiz Power Chief Commercial and Stakeholder Engagement Officer Danel Aboitiz, Japanese Ambassador Endo Kazuya.

Ayon kay President Marcos, Jr.
“This privatization reflects investors’ confidence in the direction of our country’s energy sector,”

Dagdag pa niya, “It also demonstrates once again how strategic public-private collaboration transforms investment in essential infrastructure into reliable, everyday services that people can trust,”

Labis ang pasasalamat ng Pangulo, sa Thunder Consortium sa pagtanggap ng responsibilidad para pangasiwaan nang pangmatagalan ang nasabing power plant.

Ayon sa Pangulong Marcos, ang privatization ay nagkakahalaga ng mahigit Php36.27 bilyon upang magbigay-daan para mailaan ang pondo sa mahahalagang pangangailangan ng publiko tulad ng silid-aralan, kalsada at mga ospital.
(Yvonne Bagang/ Photos: Boy Morales Sr.)

Pinas, kinilala ng World Health Organization dahil sa mga programang nagsusulong sa kapakanan ng mga kabataan- Malakanyang

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SA ILALIM ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., muling nabigyan ang Pilipinas ng pagkilala mula sa World Health Organization (WHO) bilang bahagi ng Council of Champions to End Violence Against Children.
Ang naturang pagkilala ay tugon ng WHO sa magandang track record ng Department of Health o DOH sa pangunguna ni Secretary Ted Herbosa dahil sa mga programa at serbisyo ng Pilipinas para matuldukan ang pang-aabuso sa mga kabataan.
Sinabi ni ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang, sa utos ni Pangulong Marcos, mas pinalalakas pa ng DOH ang pagkamit ng Sustainable Development Goal 16.2.
Layunin nito na mawakasan ang lahat ng anyo ng karahasan laban sa mga kabataan kagaya ng pang-aabuso, exploitation, trafficking, physical or mental violence, injury at abuse partikular na ang sexual abuse.
Mahigpit ang mandato ng Pangulo, pangalagaan ang kapakanan ng mga kabataan at kababaihan upang masiguro ang kanilang nutrisyon, kalusugan at kaligtasan.
(Daris Jose)

Pagbasura sa impeachment complaint laban kay PBBM, inaprubahan ng House of Representatives

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INAPRUBAHAN ng House of Representatives Committee on Justice nitong Lunes ang panel report at resolution sa pagbasura sa impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Sa botong 39 – 4 – 0, tuluyang ibinasura ng House Committee on Justice sa pangunguna ni Batangas second district Rep. Gerville Luistro ang impeachment complaint laban sa Pangulo sa kawalan sapat na ebidensiya.
Batay sa isa sa dalawang impeachment complaint na inindorso ng Makabayan Bloc ng mga mambabatas, inakusahan ang Pangulo na nakinabang sa mga flood control projects ng kanyang mga kaalyado.
Kabilang din ang alegasyon na pinakidnap umano ng Pangulong Marcos si dating pangulong Rodrigo Duterte upang iharap sa International Criminal Court sa The Hague, Netherlands sa sakdal na crimes against humanity.
Ayon kay Luistro, napagbotohan ng mga miyembro ng komite nung nakaraang pagdinig na ibasura ang parehon reklamo sa kawalan ng saysay o ebidensiya na nagpapatibay sa mga paratang laban sa Pangulo.
Ang pagbasura ng impeachment complaint laban kay Pangulong Marcos ay naganap dalawang araw bago dumating ang dalawang magkasunod na reklamo laban kay Bise Presidente Sara Duterte.
Batay sa Saligang Batas, ang impeachment sa House ay nangangahulugan na magkakaroon ng trial sa Senado kung saan ang napatalsik na opisyal na hindi na maaring bumalik at manungkulan sa anumang posisyon sa gobyerno.
(Vina de Guzman)

Helper na akusado sa Qualified Rape, laglag sa selda sa Valenzuela

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HIMAS-REHAS ang 33-anyos na helper na akusado sa panghahalay sa isang menor-de-edad sa Valenzuela City nang masukol ng pulisya sa kanyang pinagtataguan sa Quezon City.
Nagsimulang tugisin ng mga tauhan ni Valenzuela City Police Station Chief P/Col. Joseph Talento ang 33-anyos na helper na may kasong Qualified Rape of a Minor noon pang nakaraang taon nang hindi na siya mahagilap sa kanyag tirahan sa San Hose Heights sa Bulacan makaraang halayin ang menor-de-edad na biktima sa Valenzuela.
Sa ginawang koordinasyon sa National District Intelligence Team ng Regional Intelligence Unit ng National Capital Region (RIU-NCR) at Intelligence Group (IG), natukoy ng mga tauhan ni Col. Talento ang kinaroroonan ng akusado.
Sa kanyang ulat kay Northern Police District (NPD) Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, sinabi ni Col. Talento na alas-7:20 ng gabi nang tuluyang maaresto ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section ng Valenzuela police sa pangunguna ni P/Lt. Felix Viernes ang akusado sa Bulasan St. La Loma, Quezon City.
Ayon kay P/Capt. Robin Santos, OIC ng IDMS, walang piyansang inirekomenda ang Valenzuela Regional Trial Court (RTC) Branch 172 nang ilabas ang warrant of arrest laban sa akusado noong Hunyo 19, 2025.
Pansamantalang nakadetine sa custodial facility ng Valenzuela Police Station ang akusado habang hinihintay pa ang paglalabas ng commitment order ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)

PAGPAPAWALANG SALA KAY TEVES, KINUWESTIYON NG DOJ

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KINUWESTIYON ng Department of Justice ang naging desisyon ng korte na nagpapawalang -sala kay dating Negros Oriental Rep Arnolfo “Arnie” Teves matapos ibasura ng Manila Regional Trial Court Branch 15 ang kasong murder laban dito kaugnay sa pagpatay noong 2019.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang inisyung ‘acquittal’ o pagpapawalang-sala ng korte sa dating mambabatas ay bunsod sa sinasabing hindi umano sapat ang ebidensya laban sa dito.
Sinabi ni Fadullon na pati ang pagkakaroon ng isang testigo na nagtuturo sa mambabatas bilang mastermind sa pagpatay kay dating Negros Oriental Provincial board member Miguel Lopez Dungog ay posibleng dahilan kung bakit ibinasura ang kaso.
Sinabi ni Fadullon na kukwestyunin nila ito at pag-aaralan ang mosyon na isusumite, magsisilbing sagot o remedyo sa pasya ng husgado.
Partikular aniyang ihahain ng prosekusyon ang ‘motion for reconsideration’ upang muling mapabalikan sa korte ang kasong murder kontra sa dating mambabatas.
Sa kabila ng pagkakabasura sa isang kasong kinakaharap ng dating mambabatas, hindi pa rin ito makalalaya sapagkat patung-patong na mga kaso ang nakabinbin pa sa korte.
Ang iba pang kaso na kasalukuyang kinakaharap ng dating mambabatas ay kabilang ang mga sumusunod:
– 10 counts of murder sa Manila RTC Branch 51
– 13 counts of frustrated murder sa Manila RTC Branch 51
– 4 counts of attempted murder sa Manila RTC Branch 51
– 1 count of murder sa Manila RTC Branch 12
– 1 count of murder sa Bayawan RTC Branch 63
– Illegal possession of firearms and explosives sa Manila RTC Branch 12
– Violation of the Terrorist Financing Prevention and Suppression Act sa Quezon City RTC Branch 77 . (Gene Adsuara)

Para makarating kay PBBM ang open letter ni Mary Jane… Malakanyang, pinayuhan ang kampo ni Mary Jane Veloso

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na mas maganda na personal na maipaabot ng kampo ni Mary Jane Veloso, ang pinay na nahatulan sa ibang bansa ng kasong drug trafficking ang kanyang open letter kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Mas maganda po sana na itong open letter niya ay personal or maipaabot ito mismo sa Pangulo para magkaroon po ng tamang pagdedesisyon patungkol po dito,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
Sa ulat, hiniling ni Mary Jane Veloso sa gobyerno ng Pilipinas na pagkalooban siya ng kalayaan upang maalagaan ang kanyang matatandang magulang at mga anak matapos ang 16 na taong pagkakawalay.
Sa kanyang liham na inilabas ng Migrante International, sinabi ni Veloso na wala na siyang ibang hiling kundi makapiling muli ang kanyang pamilya at iparamdam sa kanyang mga anak ang pagmamahal ng isang ina.
Ipinahayag din niya ang hirap ng kanyang mga magulang na bumibiyahe mula Nueva Ecija ng 8 hanggang 10 oras para lamang bisitahin siya, kasama na ang gastos sa pamasahe at pagkain.
Iginiit din ni Veloso na makalipas ang isang taon mula ng malipat siya dito sa Pilipinas, nananatili pa rin siyang nakakulong kahit wala siyang nagawang kasalanan maging sa ating bansa.
Bagama’t nagpapasalamat si Veloso sa lahat ng sumusuporta sa kanya para makalaya na siya, at dalangin na pagpalain sila ng Diyos sa kanilang kabutihan. Umapela rin si Veloso ng patuloy na suporta para ikampaniya ang kaniyang paglaya.
Si Veloso ay kasalukuyang nakakulong sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong, matapos siyang ilipat mula Indonesia patungo sa Pilipinas.
Nagtagal siya ng 15 taon sa kulungan, at ang dating sentensiyang kamatayan ay pinalitan noong 2015 dahil sa apela ng gobyerno ng Pilipinas. (Daris Jose)

PBBM, nananatili ang posisyon sa inihahaing impeachment complaint laban kay VP Sara

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING INULIT ng Malakanyang ang posisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa usapin ng mga impeachment complaint na inihahain laban kay Vice President Sara Duterte.
“Muli, ang sabi naman po ng Pangulo, kung ano po ang dapat aralin, proseso po ang dapat na manaig, rule of law,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.
At kung mayroon aniyang dapat na managot ay dapat lang na managot.
Tugon ito ng Malakanyang sa napaulat na pinangunahan ng grupo ng kaparian, mga madre at Integrated Bar of the Philippines (IBP) ang pagsasampa ng ikatlong impeachment complaint laban kay VP Sara, araw ng Lunes, Pebrero 9, 2026.
Si Mamamayang Liberal (ML) Partylist Rep. Leila de Lima ang nag-endorso ng naturang reklamo na tinatayang may 98 pahina na isinumite sa House Secretary General.
Bitbit ng grupo ang mga reklamong culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, plunder, malversation, bribery, graft at corruption laban kay VP Sara.
Magugunitang, noong Pebrero 2 nang unang inihain ng Makabayan Bloc ang kauna-unahang impeachment complaint laban kay VP Sara matapos ang one year ban. Nasundan naman ito ng paghahain ng civic society ng ikalawang impeachment complaint sa kapareho ring araw.
Habang noong Biyernes, Pebrero 6 nang kumpirmahin ni House Secretary General Cheloy Garafil na tuluyan niya nang nai-transmit sa Office of the House Speaker ang unang dalawang impeachment case laban kay VP Sara.
Kaugnay nito, nauna nang naglabas ng pahayag si VP Sara at tahasang pinalagan ang mga akusasyong muling ibinabato sa kanya.
“Hindi na ito bago. Matatandaan na ang impeachment laban sa akin ang naging sagot nila sa aking pag-alis sa Gabinete—isang hakbang na isinagawa dahil hindi na maipaliwanag ng Pangulo ang patuloy na pagkalugmok ng bayan sa kahirapan dulot ng kanyang kapabayaan at bisyo,” ani VP Sara.
( Daris Jose)

“WADER” NAGLAAN PARA SA MGA FRONTLINERS

Posted on: February 10th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGLAAN ang pamahalaang Lungsod ng Maynila ng ilang antas ng proteksyon laban sa nakamamatay na sakit na leptospirosis bilang paghahanda sa panahon ng tag-ulan at karagdagang pagmamalasakit sa kapwa lingkod bayan at manggagawa.

Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno na itong karagdagang proteksyon na ito ay tinawag na “wader” upang matiyak ang kaligtasan pagdating sa pangangailangan laban sa banta nakamamatay na virus .

“May nakita ako na ginagamit sa Europa na mga bagay na nagbibigay ng additional protection sa ating mga kapwa manggagawa o lingkod bayan”, anang alkalde.

“Medyo pricey lang pero , medyo gatmabi pero sabi ko nga bakit tayo maggagaling-glingan sa ating mga kapitbahay kung sa loob ng bahay natin hindi natin napagmamalasakitan”, dagdag pa ni Domagoso.
Kaya naman aniya sa huling kuwarter ng 2025 , nag-acquire ang pamahalaang lungsod ng proteksyon .
“This will guarantee with at least safety with regarding to exposure and threat to virus”
Sinabi ni Domagoso na upang maging epektibo sa panahon ng pangangailangan lalo na sa mga nasa frontline sa panahon ng mapanghamong panahon na dapat ding maprotektahan.
Kabilang sa mga binigyan ng “wader” ay mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), City medical personnel , mga barangay health workers barangay nutritionist , Manila Traffic and Paring Bureau (MTPB), at mga street sweepers.
Umaasa naman si Domagoso na kapag nakaluwag-luwag ang pamahalaang lungsod ay maari o posibleng lahat ng kawani at tauhan ng Manila City Hall ay mabibigyan ng proteksyon na katulad nitong “wader” lalo na kapag binabaha ang kanilang mga lugar.
“Para sa ikaliligtas ninyo ..magiging proteksyon ninyo , mabura man lamang yung some level of , yung pangamba”, dagdag pa ng alkalde. (Gene Adsuara)