ALINSUNOD sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. upang matiyak ang kapakanan ng mga mananakay, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sa ilalim ng patnubay ni Kalihim Giovanni “Banoy” Z. Lopez ng Department of Transportation (DOTr), ay nagsumite ng show cause orders (SCO) at mga abiso ng paglabag laban sa 57 operator ng mga terminal ng pampasaherong bus at iba pang public utility vehicles (PUVs) sa buong bansa.
Ang pagpapalabas ng SCO at notipikasyon ng pagsunod ay kasabay ng pagsisimula ng nationwide inspections sa mga terminal ng bus at PUV.
Sa unang bugso ng mga random at biglaang inspeksyon, sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II na kabuuang 135 terminal ng bus at PUV ang na-inspeksyon, at karamihan sa mga ito ay napatunayang hindi sumusunod sa mga regulasyon ng ahensya.
Mula hilagang Luzon hanggang Mindanao, nagpakalat ng mga tauhan ang LTFRB upang tiyakin na ang mga kumpanya at grupo ng transportasyon ay sumusunod sa mga probisyon ng regulasyon hinggil sa wastong pamamahala ng mga terminal ng PUV.
Mga pangunahing pasilidad na binigyang-diin sa inspeksyon:
• Maayos na waiting areas na may sapat na proteksyon laban sa init at ulan.
• Malinis at gumaganang comfort rooms.
• Accessibility para sa mga nakatatanda at persons with disabilities (PWDs).
• Presensya ng fire extinguishers at CCTV cameras.
• Maluwag na entry at exit points para sa kaligtasan ng mga pasahero.
“Hindi humihingi ang LTFRB ng high-end na bus at PUV terminals. Ang hinihingi namin ay pagsunod sa mga regulasyon na nagtatakda ng mga batayang pasilidad para sa kaginhawahan at kaligtasan ng mga pasahero,” diin ni Chairman Mendoza.
Sa naturang inspeksyon, isang terminal ang pinadalhan ng cease and desist order dahil sa matinding paglabag, habang 20 operator sa Region 10, walo sa Region 7, pito sa Region 2, at anim bawat isa sa Region 9 at Region 12 ang pinadalhan ng SCO at notipikasyon ng paglabag.
Ang mga hakbang na ito ay bunsod ng mga reklamo at obserbasyon hinggil sa mga sira at hindi maayos na terminal ng PUV, hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa mga probinsya. Sa ilang pagkakataon, napipilitang maghintay ang mga pasahero sa gilid ng kalsada, habang ang iba namang terminal ay walang pasilidad para sa mga nakatatanda at PWDs.
Pinakamasahol, may mga terminal na walang gumaganang comfort rooms, at ang ilan ay naniningil pa sa paggamit nito.
“Kailangan naming kumilos at ipatupad ang aming mandato upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero at kaginhawahan ng mga mananakay,” ani Mendoza.
Maraming operator ang pinagsabihan at binigyan ng babala na ayusin ang kanilang mga pasilidad, na may tiyak na utos na sumunod o humarap sa mabigat na parusa.
“Ito ay magsilbing babala, isang matibay na mensahe sa mga operator ng PUV terminals na sumunod sa mga rekisitos ng LTFRB. Kung hindi, pasensyahan na lang tayo,” dagdag pa ni Mendoza.
Inatasan din niya ang lahat ng Regional Directors ng LTFRB na gawing institusyonal ang pagsasagawa ng mga biglaang inspeksyon upang mapilit ang mga operator na sumunod sa regulasyon.
Saklaw ng inspeksyon hindi lamang ang mga bus terminals kundi pati na rin ang mga UV Express at jeepney terminals. Lahat ng Regional Offices ay inatasang magsumite ng regular na inspection reports upang matiyak ang tuloy-tuloy na pagsunod.
(PAUL JOHN REYES)