• February 7, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 6th, 2026

Maraming fans ang kanyang pinakilig… ALLEN, sinorpresa ang lahat sa inihandang espesyal na Valentine’s date proposal kay SOFIA

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGPAKILIG sa maraming fans ang Team Jolly nila Allen Ansay at Sofia Pablo last February 4 sa programang ‘TiktoClock.’

Sinorpresa ni Allen ang lahat nang maghanda siya ng isang espesyal na Valentine’s date proposal.

Matapos abutan ng bulaklak si Sofia, bigla siyang lumuhod sa gitna ng stage habang may hawak na regalo.

“Hindi ko na ulit hahayaang mawala ka ulit sa akin, Aki. Will you be my Valentine date?” tanong ni Allen.

Masayang tinanggap ni Sofia ang munting handog at agad na niyakap ang Kapuso star. Hindi mapigilang ikinatuwa ng buong Tiktropa at ALFIA fans ang nakakakilig na moment ng dalawa.

Nang tanungin si Allen ng ‘Kumusta na ang puso nating ngayong Feb-ibig?’ Sagot niya: “Grabe ‘yung heartbeat! Masayang, masaya!”

Mapapanood naman ang Team Jolly sa upcoming horror film ng GMA Pictures at Mentorque Inc. na ‘Huwag Kang Titingin. ‘

Kasama rin sa cast sina Marco Masa, Sean Lucas, Michael Sager, Charlie Fleming, Josh Ford, Kira Balinger, Shuvee Etrata, Anthony Constantino, at marami pang iba.

***

BALIK sa mundo ng pageantry ang Sparkle artist na si Roxie Smith.

Siya ang napiling mag-represent ng Baguio sa Miss Universe Philippines 2026.

Suot ang sash at korona, caption ni Roxie sa Instagram: “A dream with no limits. Hello Universe! Breathe, rise, represent @missuniverseph_baguio.”

Bago na-launch si Roxie bilang isa sa Sparkada ng Sparkle GMA Artist Center noong 2022, nakoronahan na siya bilang Miss Philippines Earth 2020. Ang real name niya ay Roxanne Allison Agnaonao Baeyens.

Dahil nagkaroon ng pandemic noong manalo siya, naging online ang competition para sa Miss Earth. Hindi raw siya nakapag-travel bilang Miss Philippine Earth dahil maraming restrictions noon.

Kaya nais ng 28-year old Fil-Belgian actress na sumali ulit sa beauty pageant para mabuo ang experience niya bilang beauty queen.

Lumabas na si Roxie sa ilang shows ng GMA tulad ng Unang Hirit, Daig Kayo Ng Lola Ko, Regal Studio Presents, Magpakailanman, Sparkle U, Tols, Happy ToGetHer, Hearts On Ice, Shining Inheritance, Black Rider, Pepito Manaloto, Beauty Empire, at Sanggang-Dikit FR.

***

NAGKAROON ng “senior moment” ang film and music legend na si Cher sa nakaraang Grammy Awards.

Nagkamali ang 79-year old icon sa pag-announce ng winner sa Record of the Year. Imbes na si Kendrick Lamar, nasabi niya ay Luther Vandross dahil nakita raw niya ang name na “Luther” na title pala ng winning song.

Mabilis naman naayos ang naging blooper ni Cher at pinagtawanan na lang niya ang nangyari onstage.

First time daw na mag-present sa Grammy Awards si Cher after 18 years. Kaya kinabahan daw siya.

I”I don’t do this part very well. I mean, put a microphone in my hand, have some music, I’m great!” biro pa niya.

(RUEL J. MENDOZA)

Impossible dream, paglalarawan ng Bayan Muna sa ginawang pagdismis ng Justice Committee sa impeachment complaints laban kay PBBM

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

“IMPOSSIBLE DREAM” ganito inilarawan ng Bayan Muna ang ginawang pagdismis ng Justice Committee sa impeachment complaints laban kay Pangulong Bongbong Marcos.

Ayon kay Bayan Muna Chairperson Neri Colmenares, at dating impeachment prosecutor sa Corona impeachment trial, dismayado siya dahil ang argumento na ginamit ay siya ring ginawa sa pagbasura sa impeachment complaints laban kay dating Pres. Goria Arroyo.

Sinabi nito na nagulat sila na ibinasura ng mga miyembro ng komite ang impeachment complaint dahil sa usapin ng sufficiency in substance bunsod sa pagiging alegasyon lamang nito at hindi makatotohanan.

“Kung ang nilagay ni piskal sa kanyang complaint sa korte na binaril ng akusado ang biktima, hindi pwedeng i-dismiss ng judge ito dahil, siyempre, at that stage allegation pa lang ito. Dun sa trial patunayan ni piskal, batay sa ebidensya, kung totoo ngang pinatay ng akusado ang biktima. Otherwise, all complaints and cases all over the country will be dismissed during the procedural phase” paliwanag ni Colmenares na bahagi ng 11-member prosecution team sa Corona impeachment at sa hindi natuloy na Merceditas Gutierez impeachment complaint.

“The proceedings in the Justice Committee are divided into three parts: Procedural (Sufficiency in Form, Substance and Grounds for Impeachment), The Hearing (where evidence is presented) and the Report. We are just in the procedural stage which merely requires whether the complaint recited facts, which if proven true during the hearings, indeed constitutes an impeachable offense like Betrayal of Public Trust,” saad nito.

Hiniling naman ni Colmenares sa miyembro ng Kamara na baguhin ang kanilang pagkakaintindi sa usapin ng sufficiency in substance dahil mauuwi lamang ang impeachment bilang impossible dream.
(Vina de Guzman)

3 DEKADANG NAGSASAMA, IKINASAL SA MANILA CITY HALL

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MATAPOS ang mahigit tatlong dekadang pagsasama, tuluyang nag-isang dibdib ang Isang 79-anyos na groom at ang kanyang 67-anyos na bride sa isang civil wedding ceremony na ginanap sa Manila City Hall noong Miyerkules ng umaga, Pebrero 4.
Ang kasal nina Manuel Bulong Delos Santos at Mae Jean Dolar Baladiang sa Bulwagang Villegas ay nagsilbing makabagbag-damdaming pagbubukas ng buwan ng mga puso, patunay na ang tamang panahon ng pag-ibig at debosyon ay hindi nasusukat sa edad—hindi man maaga, hindi rin huli.

Sa harap ng mga kawani ng Manila City Hall, pinangunahan ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang seremonya na nagdiwang sa pagsasamang hinubog ng mahabang kasaysayan at pagsubok.

Tatlumpu’t dalawang (32) taon nang nagsasama ang mag-asawa at matagal nang humaharap sa mga hamon ng buhay, kabilang ang pag-aaruga sa anim (6) na apo sa kanilang tahanan, bago pa man nila napagpasyahang gawing pormal ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng kasal.

Ayon kay Mayor Domagoso, isang “heartwarming situation” ang nasaksihan ng mga kawani ng City Hall. Ipinagkaloob aniya ang seremonya bilang pagkilala sa tiyaga ng mag-asawa na igalang at kilalanin ang kanilang relasyon matapos ang mahabang paglalakbay.

Ibinahagi naman ni Baladiang na bagama’t tatlong dekada na silang nagsasama, kinailangan pa rin ng mahabang pasensya upang makarating sa araw na ito.

Inilarawan ng bride ang seremonya bilang katuparan ng isang buhay na ginugol kasama ang kaparehang tunay na nagmamahal at nagmamalasakit.

“For 32 years na nagsasama kami, ngayon lang kasi naging maayos ang mga documents namin. Sa 32 years na pagsasama namin, dito ko napatunayan at nahanap ’yung tunay kong pag-ibig—’yung tunay na hinihintay ko, ’yung totoong nagmahal sa akin. Kaya ito na po ’yung katuparan ko at salamat po,” ani Baladiang.

Sa kabila ng mga pagsubok sa pananalapi—kabilang ang pagpapalaki sa anim na apo at ang pagsasangla kamakailan ng kanilang telebisyon upang maipantustos sa enrollment sa paaralan—nanatiling matatag ang mag-asawa sa kanilang hangaring makarating sa altar.

Binigyang-diin ni Mayor Domagoso na nagsisilbing aral ang kanilang kuwento sa publiko hinggil sa tibay ng pangako at kahalagahan ng kasal.

Ipinahayag din ng alkalde ang kanyang pag-asang pagpalain ang mag-asawa ng mabuting kalusugan at mahabang pagsasama ngayong natupad na ang kanilang pangarap.

“I hope kapulutan ng aral ang pagsasama ninyo na kahit na sa ganitong edad ay kinikilala n’yo pa rin ang kahalagahan ng kasal. Bilang institusyon, bilang indibidwal, bilang Ama ng Maynila, walang huli sa pag-ibig at asawa hanggang dulo,” pahayag ni Domagoso.

Sa kanyang mensahe, nagpasalamat si Baladiang sa alkalde at sa mga kawani ng City Hall sa tulong at kabutihang-loob na kanilang ipinagkaloob.

Ibinahagi rin ng bride na higit pa sa kanyang mga ipinagdasal ang mga biyayang kanyang natanggap.

“Ang daya-daya po ni Lord. ’Yung hinihiling ko po sa Kanya, konti lang; ang binigay Niya po sa akin, sobra-sobra,” ani Baladiang. (Gene Adsuara)

PBBM nagdeklara ng mga lokal na holiday sa Pebrero

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NAGDEKLARA si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ng special non-working holidays sa iba’t ibang lugar sa buong bansa sa buong Pebrero upang ganap na makalahok ang mga residente na sa pagdiriwang ng mga lokal na festivals at anibersaryo.

Sa pamamagitan ng Proclamation No. 1145, idineklara ni Pangulong Marcos ang Pebrero 26, 2026 bilang isang special non-working holiday sa Buug, Zamboanga Sibugay upang ipagdiwang ang Founding Anniversary at BOG Festival nito.

Ang iba pang idineklara na local na special non-working holidays para sa buwan na ito ay:
Pebrero 2, 2026 sa lalawigan ng llocos Norte para sa pagdiriwang ng ika-208 na Founding Anniversary nito, batay sa Proclamation No. 1147;

Pebrero 28, 2026 sa Tanza, Cavite para sa pagdiriwang ng ika-112 Araw ng Tanza, batay sa Proclamation No. 1148;

Pebrero 26, 2026 sa Zamboanga City bilang paggunita sa ika-89 na Anibersaryo ng Charter nito, batay sa Proclamation No. 1149;

Pebrero 18, 2026 sa Bayawan City, Negros Oriental para sa pagdiriwang ng Tawo-Tawo Festival, batay sa Proclamation No. 1150;

Pebrero 2, 2026 sa lalawigan ng Ilocos Sur para sa paggunita ng Founding Anniversary nito, batay sa Proclamation No. 1151;

Pebrero 10, 2026 sa Talisay, Batangas bilang pagdiriwang ng Founding Anniversary nito, batay sa Proclamation No. 1152;

Pebrero 11, 2026 sa Iriga City, Camarines Sur upang ipagdiwang ang Tinagba Festival, batay sa Proclamation No. 1153;

Pebrero 10, 2026 sa Laoag City, llocos Norte bilang pagdiriwang ng Pamulinawen Festival, batay sa Proclamation No. 1154;

Pebrero 17, 2026 sa Padre Burgos, Quezon province bilang paggunita sa Padre Burgos Day, batay sa Proclamation No. 1155;

Pebrero 19, 2026 sa Bago City, Negros Occidental bilang pagdiriwang ng ika-60 Charter Anniversary nito, batay sa Proclamation No. 1156;

Pebrero 4, 2026 sa San Fernando City, Pampanga bilang paggunita sa ika-25 na Anibersaryo ng Pagkalungsod nito; batay sa Proclamation No. 1157;

Pebrero 13, 2026 sa Parañaque City bilang pagdiriwang ng ika-28 Anibersaryo ng Pagka-lungsod nito, batay sa Proclamation No. 1158;

Pebrero 24, 2026 sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay upang ipagdiwang ang ika-25 na Founding Anniversary nito, batay sa Proclamation No. 1159; at

Pebrero 27, 2026 sa General Santos City bilang pagdiriwang ng Kalilangan Festival, batay sa Proclamation No. 1160.

Ang mga proklamasyon ay nilagdaan ni Acting Executive Secretary Ralph G. Recto sa pamamagitan ng awtoridad ng Pangulo.
( Daris Jose)

BIYAHE SA DAGAT, SINUSPINDE DAHIL SA BAGYONG BASYANG

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PANSAMANTALANG sinuspinde ang lahat ng biyahe sa dagat sa loob ng probinsya ng Iloilo dahil sa patuloy na epekto ng Bagyong Basyang sa malaking bahagi ng Visayas, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Sa isang sea travel advisory na inilabas noong Martes ng gabi, ipinag-utos ng Coast Guard Station (CGS) Iloilo ang suspensyon ng lahat ng biyahe hanggang sa karagdagang abiso, dulot ng masungit na kondisyon ng dagat na iniulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa).
Ayon sa Pagasa, nananatiling nakataas ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa ilang probinsya, kabilang ang Iloilo, na nagdudulot ng pangamba sa kaligtasan sa dagat.
Bilang pag-iingat, pinaalalahanan ang mga mangingisda at mga komunidad sa baybayin na huwag pumalaot at umiwas sa anumang aktibidad sa tubig habang nananatili ang masamang panahon.
Ayon kay Cdr. Jan J. Terazona, acting commander ng CGS Iloilo, naka-standby ang lahat ng deployable response teams ng PCG para sa agarang aksyon kung sakaling magkaroon ng emerhensya.
Kumpirmado rin na lahat ng floating assets, rescue boats, communication systems, at life-saving equipment ay nasa maayos na kondisyon at handa para gamitin.
Habang suspendido ang biyahe, pinapayagan ang limitadong operasyon sa ruta ng Iloilo-Guimaras sa ilalim ng mahigpit na alituntunin.
Ang mga pampasaherong barko at motorbanca ay pinapayagang maglayag nang hindi hihigit sa 50% ng kanilang kapasidad, habang ang roll-on/roll-off vessels na may bigat na higit sa 300 gross tons ay maaaring maglayag kung ang kargamento ay hindi lalampas sa 75% ng kanilang kapasidad, ayon sa umiiral na maritime safety regulations.
Pinaalalahanan din ng CGS Iloilo ang mga residente sa baybayin na bantayang mabuti ang antas ng tubig sa kanilang lugar, lalo na sa mga mabababang lugar na madaling bahain, dahil maaaring magpatuloy ang malalakas na ulan at hangin.
Ang biyahe ay papayagan lamang ulit kapag bumuti na ang lagay ng panahon at kondisyon ng dagat, base sa susunod na mga abiso.( Gene Adsuara)

Pagpapalit kay Frasco, hindi pinag-uusapan- Malakanyang

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINABI ng Malakanyang na hindi pinag-uusapan kung papalitan sa puwesto si Tourism Secretary Christina Frasco sa gitna ng pambabatikos laban sa kanya.
Si Frasco ay inakusahan na ginamit ang government-funded tourism programs para sa di umano’y “self-promotion.”
Tinanong kasi si Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro kung si Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio ang ipapalit nina Pangulong Ferdinand marcos Jr., kay Frasco bilang pinuno ng Department of Tourism
”As of now, wala pong pinag-uusapan na ganyan,” ang winika ni Castro.
Nauna nang sinabi ni Castro na walang rigodon na magaganap sa Gabinete ni Pangulong Marcos.
Napaulat na pinuna ni Senator Raffy Tulfo nitong Martes si Frasco sa umano’y pagpapakita ng sarili sa halip na mga destinasyon sa ilang promotional materials ng turismo.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Tourism, ipinakita ni Tulfo ang mga slides ng magazine at iba pang materyales kung saan tampok ang larawan ni Frasco.
I’m very sorry, Secretary Frasco. Parang lumilitaw na parang nagiging vlogger na kayo… It will not sell if the marketing materials are filled with your face. It shouldn’t happen,” ani Tulfo.
Tinukoy niya ang isang magazine sa Japan bilang “missed opportunity” para i-promote ang Philippine tourism, dahil sa halip na destinasyon, si Frasco ang nakitang tampok sa materyal, kahit sa groundbreaking ceremonies.
Ayon kay Tulfo, nakatanggap siya ng reklamo na parang ginagamit ni Frasco ang tourism materials para sa self-promotion.
Binigyang-diin niya na dapat nakatuon ang DOT sa pagpapakita ng mga destinasyon, pagkain, wellness, at kulturang Pilipino kaysa sa personalidad.
Sa kanyang tugon, sinabi ni Frasco na wala siyang pahintulot sa paggamit ng kanyang larawan sa magazine at walang pondo ng gobyerno ang ginamit.
“My understanding is that the photo used on the cover was lifted from the coverage of a particular event, and the contents of the magazine were all lifted materials… I have no national ambition and I am not running for any national position in 2028,” paliwanag niya.
Nilinaw ni Tulfo na hindi niya sinasabing tatakbo si Frasco sa halalan, kundi ipinapahayag lamang na napapansin ng publiko ang tila self-promotion, na hindi naman nakikita sa mga promotional materials ng turismo sa ibang bansa tulad ng Vietnam, Korea, Malaysia, at Japan.
(Daris Jose)

Suspensyon ni Rep. Barzaga, inangalan ng ilang mambabatas

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINDI pinaboran ng ilang mambabatas ang ginawang paguspinde muli ng Kamara kay Cavite 4th District Rep. Francisco “Kiko” Barzaga, dahil sa ilang mga social media posts nito.
Ayon kay Bagong Henerasyon Party-list Rep. Robert Nazal, unang dininig ang kaso may dalawang buwan na ang nakalilipas ay bumoto siya ng pabor para pagalitan o i-reprimand si Barzaga sa halip na suspendihin.
“While I considered the conduct unbecoming of a Member of Congress, I did not believe then, nor do I believe now, that it met the threshold for suspension,” paliwanag ni Nazal.
Naniniwala ito na ang suspension ay isang matinding parusa na makakaapekto pansamantala sa mga constituents ng Kongresista.
“Our discipline must be principled and proportionate, not reactionary,” pahayag ni Nazal.
Hindi rin pumabor si Kamanggagawa Partylist Rep. Elijah “Eli” San Fernando sa suspensiyon.
“Ang kalayaan sa pagsasalita at pagpapahayag ng damdamin ay nag-a-apply kahit sa taong pinaka-ayaw natin. Kahit pa kaalitan, kaaway, o kinasusuklaman natin ang isang tao, hindi nito maaalis ang kanyang karapatang makapagsalita at ipahayag ang kanyang saloobin. Freedom of speech is not selective – hindi ito pumipili ng kulay o paniniwala sa pulitika. It is a constitutionally-guaranteed and protected right,” anang mambabatas.

Sa kabila na naiintindihan niya ang pag-aalala ng mga kasamahang mambabatas sa mga kasamahan nito ay naniniwala ang kongtrsista na ang muling pag-suspinde kay Barzaga ay hindi magpapanumbalik ng respeto ng taumbayan sa ating institusyon.
“Ang pag-suspinde sa isang halal na opisyal ay hindi magpoprotekta, bagkus, magpapahina sa Kongresong ito,” dagdag di ni San Fernando.
Dapat manguna pa rin ang kagustuhan ng botante dahil si Barzaga ay pinili ng mamamayan ng Dasmarinas – kaya sila lang din ang may karapatan na magtanggal sa kanya.
Sinabi pa nito na dapat hayaan na ang mga taga-Dasmarinas ang humusga, at humatol sa kanilang hinalal na kinatawan.
Reaksyon ito ng mga mambabatas matapos suspendihin muli ng Kamara si Barzaga.
Sa ginawang botohan nitong Martes, nakakuha ng botong 238-10 na may 9 abstentions ang rekomendasyon ng Committee on Ethics and Privileges na dagdag na 60-day suspension without pay kay Barzaga dahil sa patuloy at tumitindi umano nitong misconduct.
Ang suspension ay nag-ugat sa nakitang panibagong paglabag ni Barzagng sa House rules habang suspendido sa kabila ng babala sa kanya ng kamara.
(Vina de Guzman)

Malabon LGU, MMDA nagsagawa ng clean-up operations

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINIMOK ni Mayor Jeannie Sandoval ang mga Malabueño na aktibong lumahok sa mga programang pangkapaligiran ng lungsod habang tiniyak niya ang patuloy na pangako ng lokal na pamahalaan sa pagpapalakas ng pakikipagtulungan at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pambansang pamahalaan, pribadong organisasyon, at tagapagtaguyod ng kapaligiran upang higit na mapahusay at mapanatili ang mga hakbangin sa kapaligiran ng Malabon.

Pinangunahan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang Bayanihan sa Barangay sa pangunguna ni MMDA Chairman Atty. Romando Artes, MMDA General Manager Undersecretary Nicolas Torre III, at mga opisyal ng pamahalaang lungsod na layong mapanatili ang kalinisan at matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng mga residente sa mga komunidad.

Isinagawa ang estero clean-up operations sa Pinagsabugan Creek sa Barangay Longos at Letre Creek sa Barangay Tonsuya haba. Isinagawa din ang pagputol ng mga puno, misting operations sa Letre Creek, at pavement marking sa iba’t ibang kalsada.

Binigyang-diin ng alkalde na sa pamamagitan ng sama-samang pagkilos at pagbabahagi ng responsibilidad, maipatupad ang mas epektibong mga hakbangin sa pamamahala ng basura, pagbawas sa baha, katatagan ng klima, at pangangalaga sa kapaligiran—na nakatuon sa pagbuo ng isang mas malinis, mas ligtas, at mas napapanatiling Malabon para sa kasalukuyan at sa hinaharap na mga henerasyon.

“Habang patuloy nating pinaiigting ang pagpapatupad ng mga programa para sa kalinisan at pangangalaga ng kalikasan dito sa lungsod, mas lalo pa nating palalakasin ang pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan sa mga pambansang ahensya at iba’t ibang organisasyon upang mas maging epektibo at pangmatagalan ang ating mga inisyatiba. Kaya naman patuloy ang ating paghikayat sa ating mga kababayan na makilahok sa mga aktibidad sa pagpapanatili ng kalinisan na nagtitiyak ng maayos na kalusugan ng bawat pamilyang Malabueño,” ani Mayor Sandoval.

Para matiyak ang kaligtasan ng publiko, partikular sa mga mag-aaral, naglagay ang MMDA ng mga karatula sa kalsada sa C4 Road sa Barangay Tanong at sa mga kalsadang nakapalibot sa Pamantasang Lungsod ng Malabon.

Isang mobile Material Recovery Facility ang inilagay din sa kahabaan ng P. Aquino Road upang isulong ang recycling at hikayatin ang mga residente na mag-donate ng mga basurang plastik.

Nagsagawa rin ang MMDA ng mga oryentasyon tungkol sa Solid Waste Management, Anti-Vaping and Smoking, Anti-Littering, Disaster Preparedness, at Traffic Management, habang ang mga demonstrasyon ng Emergency Quick Response, Sound Truck at One-Stop Shop Query Services ay maaring magamit ng mga residente.

“Lubos na pasasalamat sa MMDA para sa pagpapatupad ng programang ito. Ang tagumpay ng ating mga programa ay nakasalalay sa aktibong pakikiisa ng bawat mamamayan. Sa tulong ng ating mga katuwang na ahensya at organisasyon, patuloy naming sisikapin na maihatid ang mga programang may konkretong epekto at pangmatagalang benepisyo para sa Malabon,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete.
(Richard Mesa)

Kudeta sa Kamara, ibinasura ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

IBINASURA ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ang tsismis na kudeta sa Kamara dahil nananatili pa rin ang buong suporta ng mga mambabatas kay Speaker Faustino “Bojie” Dy III.
“I don’t know of any coup in Congress at any point in time,” pahayag ni Marcos nang tanungin ukol sa tsismis.
Ayon sa Ilocos Norte congressman, walang basehan ang isyu sa pag-alog sa liderato ng Kamara.
Ito ay dahil patuloy pa rin aniya ang suportang ibinibigay kay Dy.
“As far as I’m concerned, everyone is confident and happy with the leadership of Speaker Bojie,” ani Marcos.
Sinabi pa nito na nakapagbigay si Dy, bilang lider ng Kamara, ng matatag at maayos na pamumuno lalo na sa pagtuon ng pansin sa internal reforms at institutional credibility.
“He has been steering the House through his own quiet brand of leadership, which is what I think the House needs now, and instituting the reforms that the House requires to show to the Filipino people,” dagdag mito.
(Vina de Guzman)

PBBM, isinulong ang nagkakaisang aksyon para maghatid ng internet services sa mga isolated, disadvantaged na lugar

Posted on: February 6th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NANAWAGAN si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., araw ng Huwebes ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor upang masolusyonan ang kakulangan ng broadband access sa geographically isolated and disadvantaged areas (GIDA) sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa Philippine Telecommunications Summit 2026 sa Pasay City, sinabi ni Pangulong Marcos na habang ang mga lungsod ay nagtatamasa nang mabilis at maaasahang internet services, maraming rural at malalayong lugar ang patuloy na nahihirapan sa koneksyon.
Dahil sa isyu sa connectivity, naaapektuhan ang mga buhay, nililimitahan ang access sa edukasyon, nakahahadlang sa oportunidad sa ekonomiya, at napapabagal ang pambansang pag-unlad, ang sabi ng Pangulo.
Pinunto rin ng Pangulo na nagpapatuloy ang problema dahil sa pagkaantala sa mga permit, right-of-way restrictions, fiber cut, at power interruptions.
“Ito ang dahilan kung bakit mahalaga ang ating pagtutulungan. Kailangang magkaisa ng pamahalaan, pribadong sektor, at mga lokal na pamayanan—sapagkat walang iisang sektor ang kayang harapin ang mga hamong ito,” diin ni Pangulong Marcos.
“Kumilos tayo na may isang hangarin: ang maghatid ng pag-asa, ginhawa, at pagkakataon sa bawat Pilipino.”
Sa pamamagitan ng Department of Information and Communications Technology (DICT), nagsasagawa ang gobyerno ng mga reporma upang gawing mas mura at mas mabilis ang mga serbisyo sa internet.
Bahagi ng mga reporma ang pagsasabatas ng Konektadong Pinoy Act na nag-alis ng matagal nang hadlang sa pag-unlad at kompetisyon, ayon sa Pangulo.
Ipinatupad din ng gobyerno ang Free Public Internet Access Program na nagpapanatili ng mahigit 9,500 aktibong libreng Wi-Fi access point sa 5,057 pampublikong lugar, na naghahatid ng mas maraming pagkakataon sa mga Pilipino.
Upang isulong ang pagsasama, binanggit ng Pangulo ang Bayanihan SIM Card Project na nagbigay ng higit 89,400 subsidized SIM card sa mga mag-aaral, guro, at mahihirap na komunidad sa pampublikong paaralan.
Pinasalamatan ni Pangulong Marcos ang pribadong sektor sa kanilang patuloy na pamumuhunan sa sektor ng telekomunikasyon sa bansa, at mga local government units para sa kanilang kooperasyon sa pagpapabuti ng serbisyo sa internet sa buong bansa.
Inorganisa ng DICT, ang Telecommunications Summit 2026 ay nagsisilbing venue para sa mga stakeholder upang lumikha ng mga coordinated na aksyon upang mapabuti ang imprastraktura at kalidad ng serbisyo ng ICT; bawasan ang gastos sa internet; palawakin ang high-speed internet coverage; isulong ang inclusive digital access; at isulong ang digital competitiveness at resilience.
(Daris Jose)