• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 31st, 2026

Donna Vekic, pasok na sa finals ng Philippine Women’s Open

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

UMABANSE na sa finals ng Philippine Women’s Open ang fan favorite na si Croatian tennis star Donna Vekic.

Isang dominanteng performance ang ipinamalas ni Donna sa kaniyang semifinals match at halos walang kahirap-hirap na idinispatsa ang kalaban na si Tatiana Prozorova, 6-2, 6-3.

Sa ikalawang set ay pinilit pa ng Russian tennis player na bumangon at nagawang maka-score sa unang bahagi ng laban ngunit hindi ito pinalagpas ng Croatian star at tuluyang tinambakan ang kalaban.

Ilang minuto rin na naantala ang laban ng dalawa dahil sa pag-ulan na naranasan ng Maynila at kinailangan munang ipatigil ang match, kasama ang panandaliang pagpapatuyo sa open court.

Sa pansamantalang pagpapatigil sa laban, hawak ni Vekic ang 6-2, 1-1 na bentahe.

Sa pagbabalik ng laro, naka-score pa ang Russian player ngunit muling naging mas dominante ang laro ni Vekic at tuluyang tinapos ang laban.

Sa kasalukuyan ay gumugulong na ang ikalawa at huling semis match ngayong hapon sa pagitan nina Solana Sierra (Argentina) at Camila Osorio (Colombia).

Si Osorio, kung maalala, ay ang tumalo kay Pinay star Alex Eala kagabi (Jan. 29).

Ang mananalo sa pagitan ng dalawa ang uusad sa finals ng Philippine Women’s Open at haharapin ni Vekic
Magsisimula dakong alas-3 ng hapon ang finals ngunit para sa tennis fans na maagang magtutungo sa lugar, bubuksan na ang Rizal Memorial Tennis Center ganap na ala-una ng hapon.

Ads January 31, 2026

Posted on: January 31st, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Learning crisis sa bansa, dapat agad matugunan

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KUMBINSIDO si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.na dapat na agad na matugunan ang problema na may kinalaman sa learning crisis sa hanay ng mga estudyante.
Sinabi ng Pangulo na ipinapakita ng isinumite sa kanyang report ng Congressional Commission on Education o EDCOM ll na sadyang may pagkukulang at may kailangang gawin para mapaunlad ang sistema ng edukasyon sa bansa.
Malinaw aniya na batay din sa EDCOM II Final Report na sadyang may krisis sa pagkatuto na isa aniyang hamon sa education system para maresolba ang nasabing problema.
Sa kabilang dako, naniniwala naman si Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng binalangkas na National Education and Workforce Development Plan o NatPlan 2026 to 2035 ay matutugunan nito ang learning crisis sa mga estudyante.
Nakapaloob aniya kasi rito ang mga gabay sa priority reforms, lehislasyon at budgetary allocations para sa education sector para sa susunod na sampung taon.
(Daris Jose)

PBBM, hindi pabor sa mga panawagang ideklarang persona non grata si Chinese Ambassador Jing Quan

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

ISANG maikling ‘NO’ ang naging tugon nI Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa panawagang ideklarang persona non grata si Chinese ambassador to the Philippines Jing Quan.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi pabor si Pangulong Marcos sa mga panawagang ideklarang persona non grata si Ambassador Jing .
Wala namang ibinigay na paliwanag ang Malakanyang bilang katwiran sa naging sagot ng Pangulo.
Nauna rito, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na diplomasya pa rin ang paiiralin sa mga usaping panlabas ng bansa.
Babala pa ng DFA, ang ganitong hakbang ay may malalaking implikasyon, kabilang ang posibleng ganting aksyon reciprocal measures mula sa kabilang bansa, na maaaring makaapekto sa mas malawak na estratehikong interes ng Pilipinas.
Dahil dito, iginiit ng ahensiya na ang ganitong desisyon ay dapat pag-isipang mabuti at paghandaan ang mga magiging epekto nito sa hinaharap.
Samantala, nauna nang iginiit ng Malakanyang na ang pagdedeklara ng persona non grata laban sa mga opisyal ng Chinese Embassy ay isang “option of last resort”lamang.
Ani Castro, hindi dapat basta-basta ito ginagawa, sa gitna ng panukalang resolusyon sa Senado at Kongreso na naglalayong ideklarang hindi kanais-nais ang ilang Chinese diplomats dahil sa umano’y mga pahayag at kilos na itinuturing na hindi diplomatiko.
Binigyang-diin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na ang deklarasyon ng persona non grata ay isa sa pinakamabigat na hakbang sa diplomasya, pangalawa lamang sa pagbaba ng antas ng ugnayang diplomatiko. Aniya, ginagawa lamang ito kapag “seryosong nabasag” na ang relasyon ng dalawang bansa at wala nang ibang paraan upang maayos ito sa pamamagitan ng diplomasya. (Daris Jose)

Kelot, isinelda sa iligal na baril sa Valenzuela

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng isang tambay nang salakayin ng pulisya ang kanyang bahay sa bisa ng isang search warrant dahil sa pag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril sa Valenzuela City.

Mahaharap sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang suspek na si alyas “Cris”, 31, ng No.8, G. Marcelo St., Barangay Maysan.

Sa pinagsamang imbestigasyon nina PMSg Joel Sia at PSSg Nicolas Gutierez, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ni Karuhatan Police Sub-Station 9 Commander P/Capt. Joan De Leon na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang suspek kaya nag-apply sila ng search warrant sa korte.

Nang maglabas ng search warrant ang Valenzuela Regional Trial (RTC) Branch 270, agad sinalakay ng mga tauhan ng SS9 sa pangunguna ni Capt. De Leon ang bahay ng suspek.

Dakong alas-1:40 ng hapon nang simulang halughugin ng mga pulis ang bahay ng suspek sa bisa ng nasabing search warrant at sa presensya ng mga witness na mga opisyal ng barangay.

Nasamsam ng mga pulis ang isang kalibre .38 revolver na kargado tatlong baka at nang hanapan siya ng kaukulang mga dokumento hinggil sa ligaledad ng nasabing armas, walang naipakita ang suspek kaya pinosasan siya ng mga tauhan ni Capt. De Leon. (Richard Mesa)

E-CIGARETTE NA MAY THC NAKUHA SA 18-ANYOS AT ISA PA SA CEBU CITY

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

NASAMSAM ng mga awtoridad ang mga e-cigarette na naglalaman ng tetrahydrocannabinol (THC), isang aktibong sangkap ng marijuana, matapos ang ikinasang buy-bust operation noong Enero 28, 2026, bandang alas-10:55 ng gabi, sa kahabaan ng C. Padilla Street, Barangay Duljo, Cebu City.

Ang operasyon ay isinagawa ng mga operatiba ng PDEA Cebu Provincial Office, PDEA Intelligence Operation Unit, at Cebu City Police Office Station 11, na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang indibidwal habang ang isa ay nakatakas.

Kinilala ni PDEA Region 7 Regional Director Joel B. Plaza ang dalawang inarestong suspek bilang sina alias Finley, 18 taong gulang, isang ALS student at residente ng Sitio Plastican, Barangay Duljo, Cebu City, at alias Jeric, 30 taong gulang, isang e-bike driver at residente ng Sitio Riverside, sa parehong barangay.

Ang target ng operasyon na kinilalang si alias Zairah ay nakatakas at patuloy na pinaghahanap ng mga awtoridad.

Nasamsam sa operasyon ang dalawampung (20) piraso ng e-cigarette na naglalaman ng malapot at kulay-dilaw na likido na pinaniniwalaang may THC na may tinatayang halagang ₱50,000, pati na ang buy-bust money at iba pang ebidensiya.

Isinailalim na sa pagsusuri ang mga nakumpiskang ebidensiya sa PDEA Region 7 Regional Office Laboratory para sa wastong disposisyon, habang ang dalawang suspek ay kasalukuyang nakakulong sa PDEA Region 7 detention facility sa Lahug, Cebu City.

Ang pagbebenta ng ilegal na droga, anuman ang dami o kalidad, ay may kaukulang parusang habambuhay na pagkakakulong at multang nagkakahalaga mula ₱500,000 hanggang ₱10 milyon. (PAUL JOHN REYES)

Dahil sa flood control projects controversy, ekonomiya ng Pinas, nabansot ang paglago

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MAAARI sanang mas lumago pa ang ekonomiya ng Pilipinas noong nakaraang taon kung hindi napilitan ang gobyerno na itigil ang public infrastructure spending dahil sa pagputok ng flood control projects controversy.

“The sharp contraction of public construction in the fourth quarter contributed to 2.2 percentage points in the decline,” ang sinabi ni Department of Economy, Planning and Development (DEPDev) Secretary Arsenio Balisacan sa isang kalatas.

“If public construction could have been flat, our GDP in 2025 would have actually increased from 4.4% to 5.5%. In other words, the sharp contraction of public construction because of the corruption scandal contributed to something like 1.1 percentage points [in the decline],” aniya pa rin.

Ang ekonomiya base sa sukat ng gross domestic product (GDP)—ang halaga ng mga kalakal at serbisyo sa isang panahon, pumalo sa 3% noong October hanggang December 2025 period, mas mabagal kaysa “downwardly revised 3.9% GDP growth rate” na nakita sa third quarter ng huli.

Ang fourth quarter 2025 economic performance ang nagdala sa full-year 2025 GDP growth rate sa 4.4%, bumaba sa target na 5.5% hanggang 6.5% ng administrasyon.

“This marked the third straight year that the country failed to hit its economic growth target—5.7% in 2024, below the 6% to 6.5% goal; and 5.5% in 2023, lower than the 6% to 7% target,” ayon sa ulat.
Idinagdag pa ni Balisacan na ang nakitang paghina sa last quarter ng 2025 ay ‘necessary setback’ para magtayo ng pang matagalang momentum ng paglago.
“But as we said it is a must for us to do. It is something that had to be done. As the President mentioned, it cannot be business as usual. Otherwise, we can have growth last year, maybe higher, but with corruption all over the places in infrastructure that would not be expected to last,” ang pahayag ni Balisacan.

Winika pa nito na “we’d better have a slowdown… to correct the problems, build the trust of our people in the institutions, in the government.”

“In other words, yeah, it’s a growth that will not, that doesn’t yield or result in better outcomes for society in terms of say, poverty reduction… because it’s highly concentrated. Because you know, when money is spent or put for improving access to opportunities, livelihood, went to the pocket of the corrupt, right? Then, of course, you don’t have those opportunities. You will miss those opportunities, so you retard the process of social transformation,” dagdag na pahayag ni Balisacan.

Kung ang flood control corruption aniya ay hindi sumingaw, ang economic spending ay bubuhos sa “luxury goods that have very little multiplier effects” by the individuals who benefited from it.

“They’ll drive more expensive cars, [live in] more expensive mansions… but will this promote widespread inclusive development? No. But the economy will grow, right? But you’ll miss the inclusivity,” ang sinabi ni Balisacan. (Daris Jose)

Impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte, ihahain muli sa kamara.

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HANDA ang Makabayan bloc na maghain muli sa Kamara ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte matapos ang pinal na desisyon ng Korte Suprema sa nasabing reklamo.
Reaksyon ito nina ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Jane Elago at Kabataan Rep. Renee Louise Co matapos lumabas ang pinal na En Banc decision ng SC sa Motion for Reconsideration na inihain ng Kamara sa naunang desisyon ng korte na unconstitutional ang articles of impeachment laban kay VP Duterte.
Sa kabila ng desisyon ng SC, naniniwala ang mga mambabatas na ang mga isyu sa impeachment complaint laban sa bise kabilang na ang alegasyon ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang high crimes ay nananatiling balido at kailangang sagutin sa kaukulang constitutional na proseso.

Handa na anila ang Makabayan bloc na irefile ang impeachment complaint laban kay VP Sara Duterte dahil kinakailangan at para na rin sa interes ng sambayanang Pilipino.

Anila, dapat managot umano ang VP sa kanyang mga naging aksyon.

Kasama na rito ang usapin ng confidential funds scandal, umano’y misuse of public resources, at pattern of abuse of authority na hindi dapat maisantabi dahil sa procedural technicalities.

“The Filipino people deserve answers. They deserve accountability. And they deserve a Vice President who respects the Constitution and serves the public interest, not personal or political agendas,” anang mga mambabatas.

Patuloy ang Makabayan bloc, kasama ang mga concerned citizens at progressive organizations, sa pagsusulong ng lahat ng legal at constitutional na paraan para kaharapin ni VP Duterte ang mga akusasyon laban sa kanya.

“We call on our colleagues in Congress and all Filipinos who value accountability and good governance to support this effort,” pagtatapos ng mga ito. (Vina de Guzman)

CHINESE NATIONAL ARESTADO SA PAGLABAG NG IMMIGRATION LAWS SA ZAMBO CITY

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INARESTO ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national na umano’y sangkot sa operasyon ng negosyo nang walang kaukulang dokumento sa isinagawang enforcement operation sa bayan ng Buug, Zamboanga del Sur.

Kinilala ang suspek na si Jianhong Liu, 52, Chinese national mula sa Jinjiang, China na naaresto sa isang komersyal na establisyemento sa Barangay Sampaguita matapos makumpirma ng mga awtoridad ang kanyang presensya at masuri ang kanyang immigration status. Ayon sa BI, si Liu ay nagsisilbing manager ng nasabing negosyo at aktibong nag-aasikaso ng mga kostumer sa oras ng operasyon.

Sa isinagawang beripikasyon, inamin ni Liu na wala sa kanyang pangangalaga ang kanyang pasaporte at sinabing ito ay nasa Maynila. Isang digital na kopya lamang ng data page ng kanyang pasaporte sa kanyang cellphone ang kanyang naipakita. Sa karagdagang pagsusuri, napag-alamang siya ay lumalabag sa mga umiiral na batas sa imigrasyon ng Pilipinas.

Ipinaalam kay Liu ang kanyang mga paglabag at ang kanyang mga karapatan sa wikang kanyang naiintindihan. Siya ay agad na dinala sa lokal na himpilan ng pulisya para sa wastong dokumentasyon at karagdagang proseso.

Binigyang-diin ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na nananatiling mahigpit ang pamahalaan sa pagpapatupad ng mga regulasyon sa imigrasyon sa buong bansa.

“Malinaw ang direktiba ng Pangulo: bukas ang Pilipinas sa mga lehitimong dayuhang bisita at mamumuhunan, ngunit kinakailangang igalang ang ating mga batas sa lahat ng pagkakataon,” ani Viado.
“Ang mga dayuhang nagsasagawa ng aktibidad na lampas sa pinahihintulutan ng kanilang visa, o bigong magpakita ng balidong travel documents, ay pananagutin alinsunod sa batas.”

Dagdag pa ni Viado, patuloy na paiigtingin ng Bureau ang mga field operation, lalo na sa mga rehiyon, upang sugpuin ang ilegal na pagtatrabaho at iba pang paglabag na may kaugnayan sa imigrasyon.

“Ang mga enforcement action na ito ay layong protektahan ang mga manggagawang Pilipino, itaguyod ang rule of law, at mapanatili ang integridad ng ating immigration system,” aniya.

Muling nanawagan ang BI sa mga may-ari ng negosyo at mga dayuhang mamamayan na tiyakin ang ganap na pagsunod sa mga rekisito sa imigrasyon upang maiwasan ang multa, pag-aresto at posibleng deportasyon. (Gene Adsuara)

100 mag-asawa, ikinasal sa Kasalang Bayan 2026 sa Malabon

Posted on: January 31st, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINANGASIWAAN ni Mayor Jeannie Sandoval ang mass wedding ng humigit-kumulang 100 mag-asawa sa Kasalang Bayan 2026 na isang kaganapang ipinagdiwang, hindi lamang ang pag-ibig at pangako kundi pati na rin ang responsibilidad sa kapaligiran, bilang bahagi ng patuloy na adbokasiya ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon para sa sustainability.

Ginanap ang tradisyonal na seremonya sa Malabon Sports Complex sa pangunguna ni Mayor Jeannie kabilang ang pagpapalitan ng wedding rings, wine toast, at pagbabahagi ng wedding cake.

Sinagot ng pamahalaang lungsod ang lahat ng gastusin, kabilang ang mga dokumento ng Philippine Statistics Authority (PSA), bayad sa aplikasyon ng marriage license, at mga bayarin sa pagpaparehistro ng marriage contract. Nakatanggap din ang mga bagong kasal ng tulong pinansyal at isang sako ng bigas na bahagi ng suporta ng lungsod sa kanilang bagong simula bilang pamilya.

“Pagbati sa ating mga bagong kasal! Sa pagpasok ninyo sa bagong yugto bilang mag-asawa, nawa ay panatilihin at lalo ninyong palalimin ang pagmamahalan at pagtutulungan. Tandaan ninyo na kayo ay magkakampi sa anumang hamon ng buhay. Kaya maging bukas sa komunikasyon, mag-intindihan, at suportahan ang isa’t isa. Sa araw na ito, kayo ay iisa na, kaya palagi ninyong unahin ang kapakanan ng inyong asawa at ng bubuuin ninyong pamilya. Naririto po ako at ang pamahalaang lungsod upang maging gabay ninyo at kaagapay. Best wishes, newlyweds,” pahayag ni Mayor Jeannie.

“Kasabay nito, hinihikayat natin ang bawat bagong kasal na patuloy na sumuporta sa ating mga programa at aktibidad para sa kalikasan. Kapag maayos ang ating kapaligiran, mas magiging maginhawa at mas maaliwalas ang pamumuhay ng mga pamilya,” dagdag niya.

Ang Kasalang Bayan ngayong taon ay nagdala ng tema ng isang garden wedding, na sumasalamin sa pamahalaan ng lungsod at ng mga mag-asawa sa ibinahaging pagmamalasakit sa kapaligiran at ang pangako ng lungsod sa pagtataguyod ng eco-friendly na mga kasanayan.

Alinsunod sa hangarin ng lungsod para sa pangangalaga sa kapaligiran at tamang paghihiwalay ng basura, ang bawat mag-asawa ay nagdala ng isang sako ng mga ginamit na bote ng PET bilang simbolo ng kanilang paglahok sa inisyatiba. Bilang pagkilala sa kanilang kontribusyon, ang Pamahalaang Lungsod, sa pamamagitan ng City Environment and Natural Resources Office (CENRO), ay nagbigay sa bawat mag-asawa ng isang recycled na basurahan upang hikayatin ang responsableng pamamahala ng basura sa kanilang mga sambahayan.

“Maraming mga magkasintahan ang nangangarap na ikasal balang araw. Dito sa Malabon, binibigyang katuparan ng pamahalaang lungsod, sa pamumuno ni Mayor Jeannie Sandoval, ang pangarap na iyon. Nawa ay maging masaya, masagana, at puno ng pagmamahalan ang bagong yugto ng buhay ng mga ikinasal,” pahayag naman ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)