NAGLABAS ng ebidensya ang Filipino footwear designer na si Jojo Bragais na magpapatunay na nasa Iloilo si Miss Universe-Philippines 2023 Michelle Dee nang mangyari ang binibintang na bugbugan.
Imposible raw mangyari ang alegasyon na pinagtulungang bugbugin nina Michelle, Rhian Ramos at Samantha Panlilio at ng kanilang bodyguards ang isang driver sa loob ng condominium unit.
Matapos nga silang akusahan ng personal driver ni Rhian na si “Alyas Totoy” na binugbog, tinortyur at ikinulong siya sa condo unit na pag-aari ng kanyang amo.
Sa kanyang social media account, nag-post si Bragais noong January 29, at sinabing nakasama niya si Michelle sa Iloilo noong January 17, ang araw kung kailan nangyari umano ang insidente base sa salaysay ng driver.
Pahayag ni Bragais, na siyang official footwear provider sa nakaraang tatlong edisyon ng Miss Universe pageant, “Base sa pano ko kilala si MMD (Michelle Dee) and SamPan (Samantha Panlilio), I doubt they could do ‘yung mga issues na binabato. Parehong chill na tao ‘to. And nasa Iloilo kami nila MMD nung January 17.”
Nireplayan din ni Jojo ang tanong ng isang netizen kung may kasama bang mga bodyguard sina Michelle sa nangyaring event sa Iloilo.
“Sa mga raket namin na mag kakasama, RM (road manager) ang kasama at di body guard. Wala akong ma alala base sa aking memory at personal na pagsasama na may ganap kaming may dala syang bodyguard. Mapa event, provincial judging or commercial shoot.”
Bukod kay Bragais, pinatunayan din ng celebrity makeup artist na si Dave Quiambao, na kilala ring regular na nag-aayos sa mga events ni Michelle, na nasa Iloilo nga ang Kapuso star noong mangyari ang sinasabing pambubugbog kay “Totoy.”
“Pano nangyari ‘to ng January 17 eh nasa Iloilo kami? Panooo?” caption na ni-repost niyang istorya tungkol sa akusasyon ng driver.
Nagsampa nga ng reklamo si “Totoy” sa National Bureau of Investigation laban sa kanyang amo na si Rhian, Michelle at Samantha.
Ayon sa kanyang salaysay, paulit-ulit umano siyang sinaktan at “tinortyur” ng tatlo sa loob ng condo ni Rhian noong January 17, dahilan upang maisip niyang wakasan ang kanyang buhay.
Sa isang pahayag na inilabas ng abogado nina Michelle, Rhian, at Samantha ay sinabi nitong hindi pa umano nila nakukuha ang kopya ng reklamong inihain sa NBI.
Sa kasalukuyan, si “Totoy” ay nasa pangangalaga ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC).
Ibinasura naman ng Makati City Prosecutor’s Office ang reklamong paglabag sa Article 310 ng Revised Penal Code o qualified theft na inihain ni Michelle laban sa driver ni Rhian.
Ngunit makalipas lang ang tatlong araw ay ibinasura ito ng prosekusyon.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ni Michelle matapos niyang madiskubre na nasa kamay ng driver ang umano’y mga “sensitive images” o photos na may kaugnayan sa kanya.
Kaya usap-usapan ngayon kung ano ba talaga ang mga sensitibong mga larawan. (ROHN ROMULO)