• March 2, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 26th, 2026

Ads January 26, 2026

Posted on: January 26th, 2026 by Francis Paolo Torres No Comments

Malakanyang kay Sen. Imee: ‘Huwag gawing biro ang usapin ng kalusugan ng Pangulo’

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

Nanawagan si Palace Press Officer, Undersecretary Claire Castro na igalang at huwag gawing biro ang usapin ng kalusugan ng Pangulo.
Ito ay kaugnay ng pahayag ni Senador Imee Marcos na nagsabing tila “uncared” si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay Usec. Castro, hindi nararapat na gawing katawa-tawa o palabas ang pagbibigay ng payo hinggil sa kalagayan ng isang taong may pinagdaanang karamdaman.

Aniya, ang kinakailangan ng Pangulo at ng sinumang may karamdaman ay taos-pusong malasakit at tunay na pagkalinga, hindi pagiging “komedyante o payaso” sa harap ng publiko.
Binigyang-diin din ni Castro na hindi dapat magpakaplastik o gumamit ng isyu ng kalusugan para lamang makakuha ng simpatiya ng nakararami, at hinikayat ang lahat na maging responsable at makatao sa kanilang mga pahayag.

” Huwag natin gawing biro ang kalusugan ng Pangulo. Huwag maging komedyante o payaso sa pagbibigay ng payo. Totoong puso at pagkalinga ang kailangan ng isang tao na may pinagdaanang karamdaman. Huwag magpakaplastik sa mata ng nakararami,” mensahe ni USec. Claire Castro. (Daris Jose)

Quezon City LGU paiigtingin pa ang social services

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HIGIT pang mapapaigting ng Quezon City LGU ang ipinagkakaloob na serbisyo sa kanilang mamamayan tulad ng social services, infrastructure, edukasyon at economic programs ng lungsod.

Ito ay makaraang aprubahan ng QC Council ang Ordinance no. SP 3465 na nagtatakda ng P43.3-bilyong budget ng QC LGU ngayong taong 2026 o may 6.65 porsiyento na mas mataas mula sa P40.6 bilyong budget noong 2025.
“The productivity and quality of life of our citizens depend on the quality of services we deliver. This budget underscores our commitment to putting people at the center of our governance,”ayon kay QC Mayor Joy Belmonte.

Ang malaking pondo ng 2026 budget o ang P24 bilyong budget mula dito ay gagamitin sa pagpapaigting sa social services tulad ng social welfare, environmental services, health services, at sa edukasyon gayundin ng pagkakaloob ng financial assistance, medical at iba pang healthcare support services sa QCitizens gayundin ng pondo para sa QCity Bus Libreng Sakay at burial assistance.

Samantalang mula P6 bilyon noong 2025, ginawang P6.1 bilyon naman ang nailaang pondo ngayong taon para sa edukasyon partikular na ang pagpapalakas ng access ng mga mag-aaral sa kalidad ng edukasyon.
( Daris Jose)

Bato hinamong magbitiw na lang sa puwesto

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

HINAMON ni Assistant Minority Leader at Kabataan Partylist Rep. Renee Louise Co si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na magbitiw na lamang umano sa puwesto kung patuloy itong liliban sa kanyang trabaho sa Senado sa pagtatago sa batas.

“Kung mag-aabang lang si Sen. Bato na maaresto siya, maiging magbitiw na siya bilang Senador. Di natin dapat pasuwelduhan ang pagtakas sa pananagutan,” pahayag ni Co.
Sinabi ni Co kay Bato na tigilan na nito ang pagsasabing para sa patriyotismo ang kanyang ginagawa kung tatakas din lamang ito sa pananagutan sa batas kaugnay ng pagkakasangkot sa war on drugs sa panahon ng nakalipas na administrasyon.

“Nagtatago ka dahil mahal mo ang sarili mo hindi ang Pilipinas. Hindi naman ikinaligtas ng mangingisda natin mula sa panggigipit ng Tsina ang pagtatago mo mula sa hustisya”, ayon kay Co.
“Balewala ang pinaglaban ng mga bayani natin kung makakatakas sa pananagutan ang mga pinuno tulad mo na nanguna sa pagpaslang ng libu-libong kapwa mahihirap na Pilipino. Ang patriotism ay mula sa sakripsyo at serbisyo, hindi sa pagkapit sa puwesto,” ani Co.

Magugunita na simula ng isiwalat ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na may warrant of arrest na si Bato sa International Criminal Court (ICC) ay hindi na ito dumadalo sa sesyon at mga pagdinig ng Senado at hindi na rin pumapasok sa kanyang opisina. (Daris Jose)

Shabu lab sa Caloocan, nalansag

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

SINAKSIHAN ng opisyal ng Barangay at Media Representative na si Ismael ‘Ka Maeng’ Santos, reporter ng Bulgar ang isinagawang pag-imbentaryo sa nasamsam na mga kagamitan at kemikal sa paggawa ng shabu na tinatayang aabot sa P10.5 milyong ang halaga nang salakayin ng mga tauhan ng Caloocan City Police Station sa pangunguna ni P/Col. Joey Goforth ang isang bahay na ginagawang shabu lab sa Phase 8B, Renters Excess Lot, Bagong Silang, Brgy. 176-D, Caloocan City.
(Richard Mesa)

Makabayan bloc kasama ang complainants ng ikalawang impeachment complaint laban kay PBBM, muling isasampa ang kaso

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BABALIK ang Makabayan bloc kasama ang complainants ng ikalawang impeachment complaint laban kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa Kamara para ipatanggap ito kay House Secretary General Cheloy Garafil ngayong Lunes (Enero 26) ng umaga.

Ito ay upang maisama sa Order of Business ng Kamara amara sa hapon.

Umaasa sila na wala ng magiging dahilan sa bahagi ng Kamara na tanggapin ang reklamo.
(Vina de Guzman)

12 Stations ng MRT-7 raratsada sa 2027

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INIHAYAG ng Department of Transportation (DOTr) nitong Sabado na ganap nang aarangkada ang operasyon ng 12 trains stations ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT-7) sa ikalawang bahagi ng 2027.

Sinabi ni Acting Transportation Secretary Giovanni Lopez na umaasa siyang ang naturang segment ay ganap na makapagbibigay ng serbisyo sa mga commuters sa second quarter sa susunod na taon.

“At ang MRT-7, ang daily operations po niyan, 12 stations from Sacred Heart dito sa Caloocan all the way sa North Avenue, mga second quarter of 2027. ‘Yan talaga full operation na ‘yan. Ibig sabihin, revenue line na ‘yan,” pahayag ni Lopez.

Ang 22 kilometrong elevated railway na may 14 na istasyon ay nagdurugtong sa Metro Manila at Bulacan, sa pamamagitan ng Commonwealth Avenue, na mapapakinabangan ng tinatayang 500,000 na araw-araw na pasahero.
Ang 14 na MRT-7 stations ay ang North Avenue, Quezon Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Doña Carmen, Regalado Minda­nao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala, at San Jose del Monte.

Sa pagkakataong ito, posibleng mas maagang matatapos ang proyekto sa kahabaan ng 12 station kaysa sa pinakabagong target. (Daris Jose)

TRANSPORT GROUP SUPORTADO ANG AGRESIBONG REPORMA NG LTFRB NA IPAGBAWAL ANG PAG-RENEW NG PRANGKISA NG MGA BULOK NA PUV

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

DALAWANG pangunahing transport group ang nagpahayag ng buong suporta sa agresibong reporma ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa pamumuno ni Atty. Vigor D. Mendoza II upang ipagbawal ang pag-renew ng prangkisa ng mga sirang pampublikong sasakyan (PUVs).

Ayon kay Melencio “Boy” Vargas, national president ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), buo ang kanilang suporta sa anumang hakbang na magpapabuti sa sistema ng pampublikong transportasyon sa bansa.

“Suportado namin ang hakbang na ito dahil kami din namang nasa transport sector ang nasisira sa mata ng ating mga kababayan. Karamihan sa mga pampasaherong sasakyan ay maayos na kalagayan at may presentableng driver pero nadadamay dahil sa iba,” ani Vargas.

Ito ay bilang tugon sa pahayag ni Chairperson Mendoza na ang LTFRB ay gumagawa ng bagong polisiya upang hindi na makapag-renew ng prangkisa ang mga PUV na nasa lubhang sira at delikadong kondisyon.

Samantala, nagpahayag din ng suporta ang Pasang-Masda sa hakbang na alisin sa kalsada ang mga PUV na may kuwestiyonableng road worthiness.

“Ang pinag-uusapan na kasi dito ay ang kaligtasan ng mga pasahero. Kapag hindi maayos ang kondisyon ng mga sasakyang pampubliko ay malaki ang tsansa na road crash ang kahihinatnan nyan,” ani Pasang Masda national president Ka Obet Martin.

Nauna nang sinabi ni Chairperson Mendoza na kinakailangang linisin ang mga prangkisa ng LTFRB mula sa mga unsafe at dilapidated na PUVs, hindi lamang upang mapabuti ang pampublikong transportasyon kundi bilang pagtupad na rin sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng mga mananakay.

Sa ilalim ng pamumuno ni DOTr Secretary Giovanni Z. Lopez, kasalukuyang nire-review ng LTFRB ang umiiral na polisiya at nagsasagawa ng masusing monitoring sa mga PUV na nasa kalsada.

Nagpahayag ang ALTODAP at Pasang-Masda na kanilang sisiguraduhin na mababantayan ang sariling hanay kaugnay ng road worthiness ng mga pampasaherong jeepney.

Nagbabala naman si Chairperson Mendoza na kung hindi igagalang ng mga operator ang kanilang mga pasahero sa pamamagitan ng presentableng PUVs at mga driver, gagawin ito ng LTFRB para sa kapakanan ng mga mananakay.

“Hindi ito usaping ng mandato, ito ay commitment sa sambayang Filipino commuters na siguraduhin ang seguridad at proteksyon sa lahat ng panahon,” saad ni Chairperson Mendoza”. (PAUL JOHN REYES)

Impeachment complaints vs President, hindi hahadlangan ng Kamara

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

Impeachment complaints vs President, hindi hahadlangan ng Kamara

SINIGURO ni House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos ng Ilocos Norte na hindi hahadlangan at aaksyunan ng Kamara ang anumang impeachment complaint inihain laban kay Presidente Ferdinand Marcos Jr. o kahit na sinumang impeachable official.

Paliwanag ni Marcos na tungkulin o duty-bound sa ilalim ng Constitution na aksyunan ang alinmang impeachment complaint na pormal na naihain sa Office of the House Secretary General at nai-transmit sa Office of the Speaker, na siya namang magre-refer sa Committee on Rules para maisama sa Order of Business at referral sa Committee on Justice.

“Tungkulin ng Kamara, sa ilalim ng Saligang Batas, na aksiyunan ang anumang impeachment complaint na ihahain laban sa sinumang impeachable official,” pahayag ni Marcos.

Bilang Majority Leader, sinabi ni Marcos na responsibilidad ng plenaryo na i-refer ang anumang impeachment complaint sa House Committee on Justice matapos itong maisama sa Calendar of Business at basahin sa plenaryo.

“May constitutional duty ang Congress to refer to the impeachment complaint sa House Committee on Justice sa sandaling ito ay mailagay sa Order of Business at mabasa sa plenaryo,” anang mambabatas.

Dagdag pa ni Marcos na dapat dinggin ng Kamara at ikunsidera ang anumang impeachment complaint, kahit na sangkot dito ang kanyang sariling ama.

“Dapat dinggin ng Kamara ang anumang isasampang impeachment complaint, kahit pa ito ay laban sa aking ama,” saad pa nito.

Sinabi nito na ang impeachment ay isang constitutional process na ginagabayan ng batas at due process, at inaasahan na aaksyunan ito ng Kamara.
(Vina de Guzman)

CCPS, NPD pinuri ni Mayor Malapitan sa pagkakalansag sa shabu lab sa Caloocan

Posted on: January 26th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINURI ni Caloocan Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang Caloocan City Police Station at Northern Police District (NPD) sa mabilis at mahusay na pagsasagawa ng operasyon na nagresulta sa pagkakalansag sa isang shabu laboratory sa Caloocan City, Sabado ng umaga.

Sa ulat ni CCPS Chief P/Col. Joey Goforth kay NPD Acting Director P/BGen. Christopher Dela Cruz, nagreklamo ang mga kapitbahay ng babaeng may-ari ng bahay sa masangsang na amoy kaya nag-report ang ginang sa pulisya sa hinalang ginagawang shabu lab ng umuupa ang kanyang bahay.

Bitbit ang search warrant na inilabas ni Caloocan Regional Trial Court (RTC) Vice Executive Judge Rodolfo P. Azucena, Jr. ng Branch 125, na may petsang Enero 23, 2026, sinalakay ng pinagsamang puwersa ng SDEU sa pangunguna ni P/Lt. Restie Mables, Intelligence Section, SWAT at SS13 ng Caloocan CPS sa pangunguna ni Col. Goforth, kasama ang NPD-DDEU ang nasabing bahay sa Phase 8B, Renters Excess Lot, Bagong Silang, Brgy. 176-D dakong alas-8:16 ng umaga.

Hindi na naabutan ng pulisya ang suspek na si alyas “Jessie” na umuupa sa nasabing bahay matapos umanong makatunog at maghakot tangay ang iba pang malalaking gamit sa laboratoryo.

Tumambad naman sa mga pulis sa loob ng bahay ang dalawang container na may lamang tinatayang 20-litro ng Phenylocetone. isang liquid chemical na paggawa ng shabu na tumitimbang ng 16.95 kilo na tinatayang aabot sa halagang P10,000,500.00.

Nasamsam rin sa loob ang iba pang mga gamit sa paggawa ng shabu tulad ng laboratory-grade glass na may kapasidad na 20,000ml, dalawang electric laboratory heating mantle, isang stainless na laboratory heating at mixing base unit, machine type na may buton, at iba pang paraphernalia sa paggawa ng shabu.

Napasugod naman sa lugar sina Mayor Along at 1st District Congressman Oca Malapitan nang malamang may shabu laboratory sa lugar at iniutos ang malawakang pagtugis sa suspek at malalimang pagsisiyasat upang matukoy ang iba pang mga kasabuwat nito.

Binigyang-diin ng alkalde na ang kalakalan ng iligal na droga ay walang lugar sa lungsod, para sa kapakinabangan ng mga nasasakupan nito lalo na ng mga kabataan.

“Maraming-maraming salamat po sa CCPS sa patuloy na pagtulong sa atin na linisin ang anumang uri ng krimen sa mga komunidad, lalong-lalo na ang lahat ng mga may kinalaman sa illegal na droga,” pahayag ni Mayor Along.

“Uulitin ko, wala pong puwang sa ating lungsod ang presensya ng droga, at paiiralin natin ang buong pangil ng batas laban sa mga nagtatangka pa rin na ipalaganap ito sa lungsod dahil ang prayoridad natin palagi, ang kaligtasan at kinabukasan ng mga Batang Kankaloo,” giit niya. (Richard Mesa)