PANSAMANTALANG ipinasara ng Pamahalaang Lungsod ng Malabon, sa pamamagitan ng Business Permit and Licensing Office (BPLO), ang pasilidad ng warehouse na pinamamahalaan ng Tala Cargo Solution sa Brgy Maysilo, dahil sa hindi pagsunod sa business permit at regulatory requirements.
Ito ay kasunod ng pagkakadiskubre at pagsamsam ng RHPU-NCR ng humigit-kumulang ₱1.5 bilyong halaga ng hindi rehistradong imported na mga produktong tabako sa nasabing container yard noong Disyembre 31, 2025.
Nagsagawa ng inspeksyon ang Malabon LGU noong Enero 2 at Enero 5, 2025 sa pamamagitan ng BPLO. Naglabas ng Notice of Violation, na nangangailangan ng kumpanya na isumite sa loob ng tatlong working days ang lahat ng kinakailangang permit, kabilang ang mga sertipikasyon at awtorisasyon, para sa mga operasyon nito subalit, hindi umano ito natugunan at nasunod ng kumpanya.
Dahil dito, naglabas ang BPLO ng Cease and Desist Order, na nagpapatupad ng pansamantalang pagsasara ng pasilidad hanggang sa makamit ang wastong pagsunod at isang clearance ang inilabas ng kinauukulang Tanggapan.
“Tayo po sa Pamahalaang Lungsod ng Malabon ay sinisiguro na ang lahat ng batas at ordinansa ay mahigpit na ipinapatupad. Ginagawa po natin ang nararapat mula sa panig ng lokal na pamahalaan, alinsunod sa legal at wastong mga proseso. Hindi po tayo nagkikibit-balikat sa anumang paglabag, at malinaw po na pananagutan ng bawat negosyo ang sumunod sa mga patakaran,” ani Mayor Jeannie Sandoval.
Nauna rito, ipinaliwanag ng pamahalaang lungsod na bagama’t ang Tala Cargo Solution ay isang rehistradong negosyo na awtorisadong magpatakbo lamang bilang isang container yard, ang awtoridad nito ay limitado sa business permitting at paglilisensya at hindi umaabot sa nilalaman ng mga cargo container, kabilang ang pag-aangkat, pagpaparehistro, at legalidad ng mga kalakal, na nasa ilalim ng hurisdiksyon ng mga ahensya ng pambansang pamahalaan.
“Ang lokal na pamahalaan ay kumikilos alinsunod sa itinakdang legal at due process procedures. Hindi maaaring agad isara ang isang rehistradong negosyo nang walang pormal na inspeksyon, dokumentasyon ng paglabag, at pag-isyu ng kaukulang abiso at kautusan, upang matiyak ang patas at makatarungang pagpapatupad ng batas,” paglilinaw ng Pamahalaang Lungsod.
“Ang aksyon ay isinagawa alinsunod sa umiiral na mga ordinansa ng lungsod, katuwang ang barangay at mga kinauukulang awtoridad, bilang bahagi ng tungkulin ng pamahalaang lungsod na tiyakin na ang lahat ng negosyong nag-ooperate sa Malabon ay sumusunod sa batas,” dagdag nito.
Maaari lamang imanong ipagpatuloy nito ang operasyon kapag nasunod na ang lahat ng kinakailangang dokumento at na-verify na sumusunod sa mga umiiral na alituntunin at regulasyon.
“Patuloy po tayong makikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan upang mapanatili ang kaayusan, maprotektahan ang ating komunidad, at masiguro na ang kapakanan ng mamamayan ang laging inuuna,” sabi ni City Administrator Dr. Alexander Rosete. (Richard Mesa)