• March 4, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for January 12th, 2026

Sa balitang muntik nang magsuntukan RIA, walang kaalam-alam sa nangyari kina JOHN LLOYD at ROBI

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PATULOY na pinag-uusapan na muntik na raw magsuntukan sina Robi Domingo at John Lloyd Cruz sa reception ng kasal nina Zanjoe Marudo at Ria Atayde noong December 23.Ito nga ang ibinunyag ng showbiz insider na si Ogie Diaz sa kanyang YouTube blog. “Base sa nakakita ay nag-aabang lang si Robi kung uundayan siya ng suntok ni John Lloyd pero hindi naman nangyari kasi napakiusapan na ibigay kina Zanjoe at Ria ‘yung moment na ‘yun,” kwento ni Ogie. Ayon pa sa co-hosts ni Ogie at iba pang nakasaksi, baka nakainom at mukhang lasing umano si Lloydie nu’ng gabing ‘yunAyon naman sa source ng ABS-CBN News, nangyari umano ang confrontation sa afterparty at inilarawan pa itong, “it was quite a scene.” Nabanggit din parang tinaasan ng boses ni John Lloyd si Robi dahil sa mga sinabi habang nagho-host sa party. Ayon pa sa balita, sinabi rin na hindi naman na-offend ang bagong kasal sa tanong ni Robi kay Zanjoe at hindi nila ito pinalaki.Nakausap naman si Ria ng ABS-CBN News sa isa sa mga special screenings ng MMFF at diyan siya diretsahang tinanong tungkol sa naulat na komprontasyon.“If something happened between them, they kept it away from me,” pahayag niya. “It wasn’t something that disrupted the event or anything, it went very smoothly. It was a beautiful night.”Pinasalamatan din ni Ria ang mga bisita na pribado ang event at itago ang kanilang cellphones.“It was what we wanted from the start. It was non-negotiable to have a party like that. Sometime you watch SDE (same day edit videos), and you see everybody’s phones are up. Iba kasi ‘yung feeling na you’re all there enjoying the moment,” pahayag pa ni Ria.Dagdag pa niya, “Our wedding was intimate. It had our friends and families, were so grateful that they all showed up for us.”“It was just a nice celebration of our love, a nice celebration of everyone who has been a part of our story as a couple. ”Samantala, tahimik at wala pang pahayag ang dalawang aktor tungkol sa pinag-uusapang isyu. (ROHN ROMULO)

PH Men’s Lacrosse Team, pasok sa 2027 World Championship matapos pataubin ang Japan sa OT

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PASOK na sa 2027 World Championship ang Philippine men’s lacrosse team matapos magtala ng 10-9 overtime victory kontra Japan sa 2026 Asia-Pacific Men’s Lacrosse Tournament.

Baon ang 4-7 pagkatalo sa halftime, ipinakita ng Nationals ang matinding determinasyon nang umiskor ng limang goals sa ikatlong quarter upang makahabol at manatili sa laban.

Nakapagdagdag pa ng dalawang goals ang Japan sa pagtatapos ng laro, ngunit nagawang ipilit ng Pilipinas ang overtime sa iskor na 9-9.

Sa extended period, si Nicholas Marsh ang tumayong lider matapos itarak ang game-winning goal sa ika-75 minuto, na tuluyang naghatid sa Pilipinas ng tiket patungo sa 2027 World Championship na gaganapin sa Japan.
Nabatid na ito ang ikatlong sunod na pagsali ng Pilipinas sa world meet mula nang mag-debut ito noong 2018 sa Netanya, Israel, kung saan nagtapos ang koponan sa ika-10 puwesto.

Pinay tennis star Alex Eala, bigo sa semis ng ASB Classic laban kay Wang Xinyu

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

BIGO ang Pinay tennis star na si Alex Eala sa semifinals bid sa ASB Classic matapos talunin ni Wang Xinyu ng China.

Sa kanilang laban, nakabawi si Eala mula sa mabagal na simula at nakuha ang unang set ngunit nanaig si Wang sa huling dalawang set.

Natapos ang laban sa score na 7-5, 5-7, 4-6 pabor kay Wang.

Dahil dito, si Wang ang umusad sa finals kung saan makakaharap niya si Elina Svitolina ng Ukraine o si Iva Jovic ng USA.

Para kay Eala, ito ang unang torneo ngayong 2026 matapos ang matagumpay na 2025 season kung saan nakapasok siya sa WTA Top 100 at nagwagi ng unang WTA 125 title.

Bagama’t hindi nakapasok sa finals, ipinakita ni Eala ang kanyang husay at determinasyon laban sa mas mataas na ranggong kalaban sa WTA.

UCC COLLEGE OF LAW, NAKAKUHA NG 72.73 PERCENT PASSING RATE SA 2025 BAR EXAMINATIONS

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING nagmarka ang University of Caloocan City – College of Law (UCC-COL) sa Philippine Bar Examinations nang makamit nito ang 72.73 porsyentong passing rate sa 2025 Bar Exams, na mas mataas sa pambansang average na 48.98 porsyento.
Umabot sa 16 bagong abogado mula sa UCC-COL ang nakapasa ngayon, pinakamataas na bilang sa medyo batang kasaysayan nito bilang isang institusyon ng edukasyong legal at lalong nagpapatunay sa patuloy nitong mahusay na pagganap sa itinuturing na isa sa pinakamahirap na licensure exams sa bansa.
Binati ni City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang mga bagong abogado at itinuring ang kanilang tagumpay at ang mataas na passing rate ng UCC sa Bar Exams bilang isang ipinagmamalaki ng buong lungsod.
“Congratulations to our new UCCian lawyers! Pinasasalamatan at binabati rin natin ang buong UCC-COL sa pagkakamit ng 72.73% overall passing rate at sa inyong patuloy na paghubog sa mga mag-aaral upang maging mahuhusay na abogado,” ani Mayor Along.
“Sa ating mga bagong abogado, patunay kayo ng sipag, talino, at determinasyon ng Batang Kankaloo. Nawa’y gamitin ninyo ang inyong kaalaman at kakayahan sa pagseserbisyo nang tapat at may integridad para sa bayan,” dagdag niya. (Richard Mesa)

Goitia: Disiplina ang Sandigan ng Republika, May Tamang Lugar ang Pagtutol

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

KAPAG ang isang aktibong opisyal ng militar tulad ni Audie A. Mongao ay hayagang nagbawi ng personal na suporta sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi ito simpleng usapin ng malayang pagpapahayag. Ito ay usapin ng posisyon at pananagutan.
“Sa isang demokrasya, karapatan ng mga sibilyan ang tumutol,” ani Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia.
“Ngunit kapag ikaw ay naka-uniporme, mas makitid ang espasyong ginagalawan mo. Iyon ang presyo ng disiplina.”
Hindi ito teknikalidad. Ang malinaw na hangganang ito ang nagpoprotekta sa republika laban sa kaguluhang nagsisimula kapag inuuna ang personal na opinyon kaysa tungkulin.
May mga pahayag na hindi hiwalay sa kanilang timing. Noong Enero 9, binawi ni Colonel Mongao ang kanyang suporta sa Pangulo. Dalawang araw lamang ang pagitan mula sa mass oath-taking ng mga bagong heneral noong Enero 7, kung saan hindi siya kabilang. Sa ganitong pagkakasunod, natural lamang na magtanong: ito ba ay prinsipyo, o personal na hinanakit?
Ang kapangyarihan ng Pangulo bilang Commander in Chief ay hindi nakabatay sa personal na pagsang-ayon ng sinumang opisyal, anuman ang ranggo o haba ng serbisyo. Ito ay nagmumula sa Saligang Batas at sa soberanong mandato ng sambayanang Pilipino.
“Ang moral na kapangyarihan ay hindi inaangkin,” wika ni Goitia. “Ito ay ibinibigay ng batas, inaalagaan ng mga institusyon, at hinahatulan ng kasaysayan.”
Kapag ang personal na saloobin ay inilalagay bilang moral na pamantayan laban sa sibilyang pamahalaan, nasisira ang balangkas ng Konstitusyon na sinumpaang pangalagaan ng sandatahang lakas.
Ang tugon ng pamunuan ng militar ay malinaw at may pagpipigil. Kinumpirma ni Michael G. Logico, Commander ng Training Command, na si Colonel Mongao ay pansamantalang inalis sa kanyang puwesto habang iniimbestigahan, kaugnay ng posibleng pananagutang administratibo at legal sa kanyang pahayag online.
Kasabay nito, nilinaw na patuloy ang pakikipag-ugnayan sa opisyal at ang pagbibigay ng kinakailangang emosyonal na suporta.
“Lakas ng Sandatahang Lakas ang mahigpit na tuntunin na ipinatutupad nang walang palabas,” ani Goitia. “Magkasabay na tungkulin ng pamunuan ang pananagutan at malasakit.”
Sa kasalukuyang administrasyon, nananatiling tahimik ngunit propesyonal ang Armed Forces of the Philippines, hindi kumakampi sa alinmang panig, at nananatiling tapat sa Konstitusyon. Hindi ginagamit ang command para sa pulitika, at hindi ginagawang simbolo ng pansariling interes ang uniporme.
“Mga katotohanan ito,” wika ni Goitia.
“At hindi ito anyo ng isang institusyong nawalan ng moral na paninindigan.”
Kapag ang mga sundalo ay nahila sa pulitika, ang unang nasasakripisyo ay ang tiwala ng mamamayan sa isang institusyong inaasahang manatiling neutral sa usaping pulitikal.
Hindi na bago ang aral ng kasaysayan. Kapag ang disiplina sa loob ng hanay ay napapalitan ng pansariling interes o pagpapapansin, ang katatagan ng republika ang unang naaapektuhan.
“Ang uniporme ay hindi entablado,” giit ni Goitia. “Ito ay pananagutan.”
Maaaring punahin ang pamahalaan sa sibilyang espasyo. Ngunit kapag ang militar ay nagsalita sa pulitika, nawawala ang linaw ng hangganan at ang tiwala ng bayan.
Hindi ingay ang kailangan ngayon. Ang kailangan ay tahimik na linaw ng isip at paninindigang hindi natitinag.
Matibay ang bansa kapag ang bawat institusyon ay nananatili sa papel na itinakda ng Saligang Batas.
“Diyan nagmumula ang tibay ng ating demokrasya,” pagtatapos ni Goitia, “hindi sa pagsuway, kundi sa disiplina.”
(Richard Mesa)

Pinakamahabang prusisyon na naitala sa kasaysayan… 4 dedo sa higit 30 oras na Traslacion

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

APAT ang nasawi sa kasagsagan ng Traslacion na inabot ng higit 30 oras bago tuluyang nakabalik ang imahe ng Jesus Nazareno sa Minor Basilica sa Quiapo.
“We already have the number of casualties reported to us from the time that the andas arrived at Quiapo Church. We have a total of four casualties,” ani Father Robert Arellano, tagapagsalita ng Nazareno 2026.
Ayon kay Arellano, mas mataas ang bilang ng nasawi ngayong taon kumpara sa mga nakaraang Traslacion.
Sa pahayag ni Dr. Cynthia Versoza, chairperson ng Jose Reyes Memorial Medical Cen­ter (JRMMC) Emergency Medicine Complex, ang tatlo ay kabilang sa 23 pasyente na dinala sa kanila. Dead-on-arrival ang dalawa na kapwa nag-collapse at isa ay na-revive pa sa ospital subalit hindi nagtagal ay binawian din ng buhay, na atake rin sa puso ang dahilan.
Hindi pa malinaw kung kasama sa apat ang photojournalist na si Itoh Son na nasawi naman habang nagko-kober sa Quirino Grandstand.
Nabatid na tuluyang nakapasok sa gate ng Quiapo Church ang imahe ng Nazareno alas-10:50 ng umaga ng Enero 10 matapos ang 30 oras, 50 minuto at 1 segundong paglalakbay. Ito na ang pinakamahabang prusisyon na naitala sa kasaysayan ng Kapistahan ng Itim na Nazareno.
Alas-4:00 ng mada­ling araw nang tumulak mula sa Quirino Grandstand ang prusisyon, na sinasabing pinakamaaga din kumpara sa mga naunang Traslacion.
Sa datos ng Quiapo Church, umabot sa 9,640,290 deboto ang lumahok sa tradisyunal na Traslacion ngayong 2026.
Noong 2025 Traslacion ay nagtala ng 8.1 milyon, na nagtagal ng 20 oras at 45 minuto.
Sinabi ng Simbahan na ang matagal na prusisyon ay sanhi ng aberya tulad ng pagkakaroon ng sira sa gulong ng andas at napatid na lubid na kinailangang palitan, bukod pa sa hindi napigilang mga deboto na nakaharang sa unahan at pagpupumilit na makasampa sa andas.
Bago alas-5 madaling­ araw, nagpasiya ang mga opisyal ng Simbahan na ipasok upang manatili pansamantala ang Poong Nazareno sa San Sebastian Church dahil sa sobrang pagod na ang mga health staff at mga pari.
Iginiit ng mga pari na bilang simbolo umano ng ika-10 anibersaryo ng “dungaw” sa nasabing simbahan, nais nilang umuwi muna kay Mama Mary ang Nazareno, subalit hindi ito nangyari nang pihitin ng mga deboto at Hijos ang paghila sa andas upang ituloy ang pagbabalik sa Quiapo Chruch.
Umabot naman sa 849 deboto ang binigyan ng medical attention si­mula Enero 8 hanggang alas-7:30 ng umaga ng Enero 10, ayon sa Philippine Red Cross.
May 19 na may mas malalang kalagayan ang kinailangang dalhin sa mga ospital.
Nakapagtala naman ang Quiapo Church ng 1,057 medical cases sa nasabing religious festivity.
May mga establisimyentong napinsala matapos sumabit ang andas sa pagdaan sa maliliit na kalye. ( Gene Adsuara)

Phivolcs: Pag-alboroto ng Mayon, abutin ng 6 na buwan bago humupa

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

TATAGAL umano ng anim na buwan bago humupa ang pagnganga­lit ng Bulkang Mayon sa Bicol.
Ayon kay Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) Director Teresito Bacolcol, kung pagbabasehan ang naganap na pag-aalboroto ng bulkan noong 2023, umabot lamang sa higit 3 kilometro ang lava flow pero itong aktibidad ng Mayon sa kasalukuyan ay wala pang nakikitang pagluwa ng lava o nagbabagang apoy mula sa bulkan.
Niliwanag din ni Bacolcol na ang malakas na volcanic unrest ay mabilis lamang hindi katulad ng mahina gaya ng ipinapakita ngayon ng bulkan.
Batay aniya sa record, noong pumutok ang Mayon noong 2018 ay nagtagal ito ng dalawang buwan bago humupa habang noong sumabog ang bulkan taong 2000 ay umabot lamang ito ng dalawang lingo hanggang sa nanahimik na pero umabot ito sa alert level 5 status kaya ipinagbawal ang pagpasok ng sinuman noon sa 8 km radius mula sa bunganga ng bulkan.
Binigyang diin ni Bacolcol na bagama’t patuloy ang matinding aktibidad, wala pang dahilan na isailalim ito sa Alert level 4 status dahil wala pang nasusubaybayang matinding parameters tulad ng pagtaas nang madalas na Pyroclastic Density Currents (PDCs) o “uson”, lava fountaining, lava flow at madalas na volcanic earthquakes.
Niliwanag nito na ang nailuwa ng naturang bulkan ay hindi lava, uson at rockfalls na nakikita sa gabi na kulay pula na nagniningas.
Sa nakalipas na 24 oras, nakapagtala ng pamumuo ng lava flow, 150 Rockfall events, 90 PDCs, crater glow, pag­luwa ng 195 tonelada ng asupre, at pamamaga ng bulkan.
Ang Mayon ay nasa ilalim ng Alert level 3 o nangangahulugan ng mataas na aktibidad sa bulkan. ( Daris Jose)

Libreng Pneumonia Vaccine Handog ni Bokal Angelica Jones Alarva sa Buwan ng kanyang Kaarawan sa Bayan ng Rizal Laguna

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

MULING nagsagawa ng Libreng Pneumonia Vaccine na handog ni Bokal Angelica Jones Alarva sa Bayan ng Rizal Laguna para sa mga nakayatanda noong ika- 9 ng Enero, 2026, sa RHU Rizal Laguna.

Ito ay pinangunahan ng butihing Board Member ng Ikatlong Distrito ng Laguna na si Bokal Angelica Jones Alarva katuwang ang Pamahalaan Bayan ng Rizal Laguna sa Pangunguna ni Mayor Vener Munoz, at kinatawan nito na si Admin Chris Esleta.

Labis ang pasasalamat ni Bokal Angelica sa mga naging katuwang nila tulad ni Philippine Charity Sweepstakes Office Director Imelda Papin, Gobernadora Sol Aragones, Ina ng Lalawigan ng Laguna, Congressman Loreto “Amben” Amante, Kongresista ng Ikatlong Distrito ng Laguna.

Kasama ang buong medical team na ipinadala ni Gobernadora Sol Aragones na sina Dra.Grethel, Dra. Malapitan, Dra. Heny, Dr. James Lee Ho, at Dr. Audie Public Affairs, Life Saver, Turkz at 2World.

Dahil sa birthday month ng nasabing Bokal ay magkakaroon nang malakihang Medical and Dental Mission katuwang ang Pamahalaang Bayan ng Calauan at ng PCSO at ni Congressman Amben Amante sa darating na Enero 18, 2026 sa Lamot 2, Calauan Laguna.
(Jeremiah Solomon/ Photos Boy Morales Sr.)

Inagurasyon at Blessings ng Bagong Modernong Gusaling Paaralan sa Padre Garcia

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

PINASINAYAAN ang dalawang palapag na Bagong Gusaling Modernong Pampublikong Paaralan ng Padre Garcia Central School na isinagawa ika-8 ng Enero, 2026 sa nasabing eskwelahan.
Ito ay pinangunahan ng Pamahalaang Bayan sa pamumuno ni Mayor Celsa B. Rivera kasama si Vice Mayor Micko Rivera sa nasabing seremonya ng ribbon cutting kasama sina Bb.Marites Ibañez, CESO V at miyembro ng Sangguniang Bayan na sinundan ng pagbebendisyon ng buong gusali sa pangunguna ni Rev. Fr. Royger Ballaran, OSJ.

Dumalo rin sa nasabing programa ang mga guro, school heads, at ilang PTA Officers ng paaralan.
Sa ginanap na maikling programa ay ipinangako ng Bise Alkalde na si Vice Mayor Micko Angelo Rivera para sa mga l mamamayan at SB Committee Chair on Education, na hindi siya titigil sa pagkalap ng pondo upang patuloy na mapunan ang pangangailangang pang-edukasyon ng mga kabataan.
“Only in Padre Garcia!” saad ni Ma’am Marites Ibañez, CESO V, Schools Division Superintendent, na hindi naitago ang pagkamangha sa malalaking proyektong nagsusulputan sa munti ngunit kasiya-siya at kahanga-hangang bayan.
Labis ang pasasalamat ng Pamahalaang Bayan ng Padre Garcia sa Pamumuno ng ina ng Bayan na si Mayor Celsa B. Rivera Sa tulong ni Senator JV Ejercito para maisagawa ang nasabing proyekto para sa mga mag-aaral ng mga Garciano.
(Yvonne Bagang/ Photos Boy Morales Sr.)

2 PASAHERO NA BIKTIMA NG HUMAN TRAFFICKING, INILIGTAS NG BI

Posted on: January 12th, 2026 by @peoplesbalita No Comments

INILIGTAS ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang lalaking pasahero sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na ni-recruit para magtrabaho nang illegal sa Russia.
Ang dalawang pasahero, kapwa lalaki at may edad na 48 at 52, ay naharang habang patungong Hong Kong sakay ng isang flight ng Cathay Pacific.
Una nilang iginiit na sila ay maglalakbay bilang mga turista, subalit hinarang matapos mapansin ang maraming hindi pagkakatugma sa kanilang mga pahayag.
Nakakuha ang BI ng impormasyon mula sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) hinggil sa isang malaking grupo ng mga indibidwal na umano’y nagre-recruit para sa trabaho sa Russia. Sa isinagawang secondary inspection, inamin ng mga pasahero na sila ay na-recruit upang magtrabaho sa Russia at na sa Hong Kong pa nila hihintayin ang kanilang mga tiket at visa.
Ibinahagi nila na sila ay na-recruit sa social media na nagsabing legal ang kanilang mga dokumento at nangakong magbibigay ng buwanang sahod na mula 100,000 hanggang 150,000 piso.
Nagbabala si BI Commissioner Joel Anthony Viado sa publiko laban sa ganitong mga modus, at iginiit na ang panlilinlang sa anumang yugto ng biyahe ay malinaw na palatandaan ng human trafficking.
“Hindi kailanman legal ang isang biyahe kung kayo ay inuutusang magpanggap na turista, itago ang tunay na destinasyon, o maghintay ng mga dokumento habang nasa ibang bansa na,” ani Viado.
“Ito ay malinaw na mga red flag ng trafficking at pagsasamantala,” dagdag pa niya.
Muling iginiit ng BI na ang lehitimong pagkuha ng trabaho sa ibang bansa ay nangangailangan ng tamang mga dokumento at malinaw na proseso sa pamamagitan ng mga awtorisadong ahensya ng pamahalaan, at patuloy itong nakikipagtulungan sa IACAT at iba pang ahensya ng batas upang mailigtas ang mga posibleng biktima at maiwasan ang human trafficking.
Ang dalawang nailigtas na pasahero ay isinangguni sa IACAT para sa tulong at para sa pagsasampa ng mga kaso laban sa kanilang mga recruiter. (Gene Adsuara)