HINDI exempted ang mga cabinet officials mula sa anti-graft and corruption investigation kung may ebidensiya na mag-uugnay sa kanila sa di umano’y budget irregularity.
Binigyang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang pananagutan ay ina-apply sa lahat ng mga public official kahit ano pa man ang posisyon ng mga ito.
Ipinahayag ito ni Castro bilang tugon sa ulat na may ilang miyembro ng Gabinete ang nasa likod ng bilyong halaga ng budget insertions para sa 2025, isang alegasyon na pinaputok ni President Pro-Tempore Panfilo Lacson base sa tinatawag na “Cabral files.”
Matigas aniya ang posisyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ang sinumang mapatutunayan na sangkot sa maling gawain ay dapat lamang na panagutin.
“Anyone among the Cabinet members who may be involved and for whom there is evidence should continue to be investigated to identify the real culprit,” ayon kay Castro sa text message.
Binigyang diin ni Castro na hindi sasalagin at ipagtatanggol ng Pangulo ang sinumang mapatutunayang tunay na sangkot.
“The President has said that whoever it may be must be held accountable if they are truly involved,” ani Castro.
Gayunman, sinabi ni Castro na ang bagay na ito ay nasa ilalim na namng hurisdiksyon ng tamang investigative bodies, gaya ng Office of the Ombudsman at Department of Justice (DOJ).
Sa kabilang dako, hinikayat naman ni Castro ang mga indibidwal na nagsasabing mayroon silang ebidensiya na pormal na isumite ito sa Independent Commission for Infrastructure, Ombudsman o DOJ.
Nauna rito, ibinulgar ni Lacson na hindi bababa sa limang Cabinet secretaries at ilang undersecretaries ang may bilyon-bilyong pisong allocables at/o non-allocables sa 2025 budget base.
Sinabi ni Lacson na nakapaloob ang impormasyon sa dokumento mula sa kampo ng yumaong Department of Public Works and Highways (DPWH) Undersecretary Catalina Cabral at sa mismong DPWH, ayon kay Lacson nitong Sabado.
Itinuturing na pangunahing susi si Cabral upang matukoy ang lahat ng sangkot sa anomalya na kinabibilangan ng ilang senador, kongresista, opisyal ng pamahalaan at pribadong sektor ngunit natabunan sa hukay ang kanyang testimonya matapos itong magpakamatay sa gilid ng Kennon Road sa Baguio City.
Ani Lacson, kabilang dito ang isang tinukoy na “ES” na may P8.3 bilyon, at si dating DPWH Sec. Manuel Bonoan, na nakakuha ng P30.5 bilyon na allocables para sa 2025 lamang.
“At least five. Tapos may undersecretaries. Nagulat din ako, isang nakalagay doon, ‘ES, P8 billion.’ Paano magkaroon ng allocable ang ‘ES’?” ani Lacson.
“Kay Sec. Bonoan, nakita ko ang kanyang allocables isang P5 billion, tapos may Batches 1-3 na nakakahalaga ng P25.5B – P10B, P8B, at P7.5B. Umaabot na siya ng P30.5 billion. Anong karapatan niya magkaroon ng allocables? Tapos meron ding Cabinet secretaries na meron ding tig-P2 billion. Bakit?” dagdag niya.
Ibinunyag din ni Lacson na hindi bababa sa isang Cabinet member na bukod kay Bonoan ang nakinabang sa kickback, batay sa pahayag ng dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo na naghatid ng pera sa nasabing opisyal.
“Aside from Bonoan, at least one more Cabinet member meron siyang binigyan,” ani Lacson, at idinagdag na maaaring ipatawag ang naturang opisyal sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kapag napatunayan na ang mga kaugnay na dokumento.
Ayon kay Lacson, ang mga dokumentong kanyang natanggap mula sa kampo ni Cabral ay nagpapakita na ang mga SARO ay may kinalaman sa pagpapalabas ng P50 bilyon na unprogrammed appropriations, kung saan P30 bilyon ay inilaan sa flood control projects — at marami sa mga ito ang napatunayang ghost projects.
Gayunman, sinabi ni Lacson na maaari nilang ipa-authenticate ang mga dokumento sa officer-in-charge ng DBM na si Rolando Toledo o sa DPWH mismo.
Ayon kay Lacson, ipinahiwatig ni Cabral bago siya pumanaw na handa siyang tumestigo hinggil sa mga SARO.
“Ang pinagbabasehan ko lang ang hawak bigay sa akin ng lawyer ni Usec Cabral at ibang documents nakuha ko sa DPWH. Pwede ko pa-authenticate sa kanila yan,” ani Lacson.
“Bakit magkaroon ng allocable ang Cabinet secretary? Pag allocable, patungkol ito sa mambabatas na naghihiling ng proyekto na hindi rin dapat para sa akin… Ang NEP is exclusive domain ng executive branch,” dagdag niya. ( Daris Jose)