SUPORTADO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagpapatupad ng Seasonal Workers Program (SWP) ng Republika ng Korea, isang pinagsamang inisyatiba ng mga pangunahing ahensya ng pamahalaan upang matiyak ang ligtas, legal, at maayos na pagpapadala ng mga manggagawang Pilipino sa ibang bansa.
Kinatawan ng BI si Deputy Commissioner Joel Alejandro Nacnac sa paglagda ng Joint Memorandum for the Implementation of the Seasonal Workers Program na ginanap noong Nobyembre 4, 2025, sa Department of Migrant Workers (DMW) Lobby, Blas F. Ople Building, Mandaluyong City.
Pinangunahan ang aktibidad ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac, at mga opisyal mula sa Department of Agriculture (DA), Department of Foreign Affairs (DFA), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Justice (DOJ).
Layon ng naturang kasunduan na palakasin ang ugnayan ng mga ahensya ng pamahalaan sa pagsasaayos ng partisipasyon ng mga Pilipinong manggagawa sa government-to-government program ng Korea.
Itinatakda rin nito ang mga alituntunin upang maiwasan ang pakikialam ng mga ilegal na tagapamagitan at matiyak ang pagsunod sa mga patakaran sa overseas employment.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, ang pakikilahok ng ahensya sa programang ito ay patunay ng patuloy nitong papel sa pagpapatupad ng legal na migrasyon at pagpapanatili ng matatag na border management.
“Buong suporta ng Bureau of Immigration ang inisyatibang ito upang maisulong ang ligtas at legal na oportunidad sa trabaho sa ibang bansa para sa mga Pilipino,” ani Viado. “Sa pamamagitan ng aming mahigpit na proseso sa pag-alis at pag-beripika ng mga dokumento, tinitiyak naming ang mga may kumpletong legal na papeles lamang ang makadadalo sa programa,” dagdag niya.
Ayon pa kay Viado na ang pakikipag-ugnayan ng BI sa iba pang ahensya ay mahalaga upang maprotektahan ang mga manggagawang Pilipino laban sa human trafficking at ilegal na recruitment.
“Ang programang ito ay hindi lamang tungkol sa pagpapadali ng labor mobility, kundi pati na rin sa pagpapanatili ng proteksyon sa ating mga kababayan laban sa pang-aabuso,” ani Viado. “Pinupuri namin ang Department of Migrant Workers at ang aming mga katuwang na ahensya sa pangunguna sa kolaborasyong ito na nagpapalakas ng proteksyon sa manggagawa at pamamahala sa migrasyon.
Ang Seasonal Workers Program ng Republika ng Korea ay nagbibigay-daan sa pagkuha ng mga dayuhang manggagawa para sa panandaliang trabaho sa agrikultura at pangingisda upang tugunan ang kakulangan sa lakas paggawa tuwing peak season. Ang partisipasyon ng Pamahalaan ng Pilipinas sa programang ito ay nagpapatibay sa pangako nito sa etikal na recruitment, makatarungang patakaran sa paggawa, at mas matatag na ugnayang bilateral sa pagitan ng Pilipinas at Republika ng Korea. (Gene Adsuara)