• April 5, 2026

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for October 28th, 2025

‘Secret decision’ na nagbaligtad sa 2016 dismissal order laban kay Senator Villanueva, dapat imbestigahang mabuti- Malakanyang

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

DAPAT na masusing immbestigahan ng Office of the Ombudsman ang di umano’y “secret” decision na nagbaligtad sa 2016 dismissal order laban kay Senator Joel Villanueva.

Sa press briefing sa Malakanyang, nagpahayag ng pagkabahala si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa tinatawag na “secret” decision, na hindi naisapubliko hanggang sa mismong si Ombudsman Jesus Crispin Remulla ang nagsiwalat sa 2016 dismissal order na binaligtad ng kanyang predecessor, Samuel Martires na isa ng retirado ngayon.

Ani Castro, kinakailangan ang imbestigasyon upang hindi magkaroon ng pagdududa ang publiko sa justice system.

“Kung ito po ay mapapatunayang totoo, ito po ay nakakabahala dahil hindi dapat nagkakaroon ng pagdududa ang taong bayan sa ating justice system considering na ito po ang isa sa pinakamahalagang ahensiya upang maiwasan at matugunan ang issue about sa korapsiyon sa bansa,” aniya pa rin.

“Dapat ito talagang maimbestigahan nang malaliman upang kung anuman ang may pagkakamali, kung anuman ang nalabag na batas kung mayroon man ay dapat itong masolusyunan at maitama ng Office of the Ombudsman,” aniya pa rin.

Binigyang diin pa ni Castro na “the decision on the 2016 motion for reconsideration of Villanueva’s dismissal should not have been taken until 2019.”

Aniya, nagtitiwala ang Malakanyang kay Remulla na titiyakin na ang anumang pagkakamali o paglabag sa batas ay maayos na matutugunan.

Samantala, pinag-aaralan ng Ombudsman ang pagbabasura sa criminal at administrative complaint laban kay Senador Joel Villanueva noong 2019.

Ani Remulla, kahapon lamang nila natuklasan ang nasabing dokumento sa kanilang mga record.

Dagdag pa, nakita naman daw nila ang ilang kaso ng mga indibidwal na na-dismiss, ngunit wala umano kay Villanueva.

Tila may kakulangan aniya sa transparency noon sa loob ng tanggapan, kaya’t hindi agad lumabas ang impormasyon hinggil sa kaso.

Dagdag pa ng opisyal, may mga lumang sistema sa Ombudsman kung saan hiwa-hiwalay ang mga yunit at kulang sa ugnayan — dahilan upang hindi madaling ma-access ang mga dokumento.

Tiniyak ni Remulla na muling binubusisi ng Ombudsman ang kaso upang masiguro kung may dapat pang aksyong isagawa.

Ipinagtataka rin ni Remulla kung bakit hindi batid ng publiko at karamihan ng mga senador ang pagbabasura sa kaso ni Villanueva.

Sa tanong kung may nalabag na patakaran ng Ombudsman, sinabi ni Remulla na kabilang ito sa kanilang sisilipin.

Una nang tinawag ni Senador Joel Villanueva na harassment ang panawagan ni Ombudsman Remulla na ipatupad ang 2016 dismissal order laban sa kanya ng tanggapan.

Ayon sa senador, inaasahan na nila ang ganitong klase ng pangha-harass, dagdag pa ang pagpapakalat ng napakaraming fake news laban sa kanya.

Nang matanong kung bakit siya humiling ng clearances, sinabi ni Villanueva na ito ay paghahanda rin ng kanilang paghahain ng kaso laban sa mga nagpapakalat ng maling impormasyon.

Noong 2016, iniutos ni dating Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pagpapatalsik kay Villanueva mula sa serbisyo publiko dahil sa umano’y anomalya sa paggamit ng ₱10 milyong pondo mula sa kanyang pork barrel allocation noong siya ay kongresista pa.

(Daris Jose)

Gabinete ni PBBM, pag-uusapan ang posibleng pagpapalabas ng SALNs

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAKATAKDANG magpulong ang Gabinete ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. para talakayin ang posibleng pagsisiwalat ng kanilang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALNs).

Sa press briefing sa Malakanyang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na may nakatakdang meeting ang mga miyembro ng Gabinete ni Pangulong Marcos, araw ng Sabado, Oktubre 25, inilarawan ito bilang isang hakbang na maaaring hudyat ng paglilipat tungo sa ‘greater transparency’ sa ilalim ng administrasyong Marcos.

“Pag-uusapan po ito ng Cabinet members bukas po. Magkakaroon po ‘ata sila ng pagpupulong,” ang sinabi ni Castro.

Sa ulat, nagpalabas si Ombudsman Boying Remulla ng isang memorandum circular na nagpapahintulot na maibalik muli ang ‘access’ ng publiko sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth o SALN ng mga opisyal ng gobyerno.

Inanunsyo mismo ito ni Atty. Mico F. Clavano kung saan itinanggal na ang mga restriksyon para maka-access sa naturang dokumento.

Kung kaya’t inilatag o inilahad na ang mga guidelines na panuntunan kinakailangan sundin upang magkaroon ng kopya ng ‘assets docuement’

Maaalalang sa pagkakatalaga ni Remulla bilang bagong Ombudsman ay kanya itong nauna ng sinabi bilang bahagi sa layon gawing ‘transparent’ ang naturang opisina.

Kung saan maging mula sa pinakamataas na posisyon o ang Pangulo, at maging sa kanya ay kabilang rin sa mga maaring maisapublikong kopya ng SALN.

At nang tanungin naman si Castro kung isasapubliko rin ng Pangulo ang kanyang SALN, sinabi ni Castro na, “Tingnan po natin kung ano po ang nararapat.”

(Daris Jose)

Pag-absuwelto sa kaso nina Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile at ng kanyang dating chief of staff Gigi Reyes at Janet Lim-Napoles, tinuligsa ng mambabatas

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

TINULIGSA ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ang ginawang pagwalang sala ng Sandiganbayan 3rd Division kina dating Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile, kanyang dating chief of staff Gigi Reyes, at Janet Lim-Napoles mula sa 15 counts ng kasong graft kaugnay sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) scam.

“Ito ang mukha ng bulok na hustisya sa Pilipinas—kung sino ang makapangyarihan, siya ang nakakawala,. Twelve years after the PDAF scam, the very same people who plundered public funds are once again walking free,” ani Elago.

Inihalintulad nito ang PDAF scam sa kasalukuyang flood control scam, na kapwa umqno nag ugat sa kaparehong pork barrel corruption na nagpatuloy hanggang sa kasalukuyang administration.

“Walang pinagkaiba ang PDAF scam noon sa flood control scam ngayon—parehong sistema ng katiwalian, parehong uri ng pandarambong,. Ang nakakagalit dito, makalipas lang ang ilang taon, nakakalaya rin ang mga salarin. Ganyan kabagal at kabulok ang sistema ng hustisya sa ating bansa.” anang mambabatas.

Hinikayat naman nito ang publiko na magalit sa pagkaligtas sa parusa na patuloy nannangyayari umano sa justice system, kasabay ng babala sa posibleng pagkakaulit nito sa ibang kaso ng korupsyon.

“Dapat panagutin ang lahat ng mga korap. Hangga’t walang hustisya, asahan ng gobyerno na mas lalaki at lalawak pa ang mga susunod na kilos-protesta ng mamamayan laban sa matinding korapsyon sa ating bansa,” pagtatapos nito. (Vina de Guzman)

Kelot na wanted sa 6 na bilang na kasong qualified theft sa Valenzuela, swak sa selda

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

ILANG araw ang nakalipas matapos ilabas ng korte ang kanyang arrest warrant, kaagad nasakote ng pulisya sa manhunt operation ang isang kelot na wanted sa anim na bilang na kasong qualified theft sa Valenzuela City.

Ayon kay Valenzuela Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, nito lamang October 22, 2025 nang mag-isyu ng warrant of arrest ang Valenzuela City Regional Trial Court (RTC) Branch 269 laban sa 27-anyos na akusado..

Dagdag niya, ang akusado na residente ng Brgy., Lingunan ay kabilang umano sa talaan ng mga Most Wanted Person ng Valenzuela City Police Station dahil sa kasong Qualified Theft (RPC ART. 310) (6 Counts).

Nang makatanggap ng impormasyon ang kanyang mga tauhan hinggil sa kinaroroonan ng akusado, agad ikinasa ng mga operatiba ng Warrant and Subpoena (WSS) ang pagtugis sa kanya.

Hindi na nakapalag ang akusado nang makorner ng mga tauhan ni Col. Talento sa kanilang lugar kung saan binitbit siya sa bisa ng nasabing warrant of arrest na may inirekomenda namang piyansa na P1,380,000 para sa kanyang pasamantalang paglaya.

Ani Col. Talento, pansamantalang nakapiit ang akusado sa custodial facility unit ng Valenzuela Police habang hinihintay ang utos ng korte para sa paglilipat sa kanya sa Valenzuela City Jail. (Richard Mesa)

HVI drug suspect, laglag sa P374K droga sa Valenzuela

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

KALABOSO ang isang tulak ng droga na itinuturing bilang High Value Individual (HVI) matapos makuhanan ng halos P.4 milyong halaga ng shabu makaraang kumagat sa ikinasang buy bust operation ng pulisya sa Valenzuela City, Biyernes ng madaling araw.

Kinilala ni P/Lt. Sherwin Dascil, OIC Chief ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Valenzuela Police ang naarestong suspek na si alyas “Toyo”, 45, ng Brgy., Gen T De Leon.

Sa kanyang report kay Valenzuela City Police Acting Chief P/Col. Joseph Talento, sinabi ni Lt. Dascil na nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa umano’y pagtutulak ng suspek ng illegal na droga sa lungsod.

Nang magawa ng isa sa kanyang mga tauhan na makipagtransaksyon sa suspek, agad bumuo ng team si Lt. Dascil bago ikinasa ng buy bust operation laban sa kaya alyas Totoy, sa koordiansyon sa sa PDEA.

Hindi na nakapalag ang suspek nang dambahin ng mga operartiba ng SDEU matapos umanong bintahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer dakong ala-1 ng madaling araw sa San Vicente St., Brgy, Karuhatan.

Ayon kay Lt. Dascil, nasamsam nila sa suspek ang nasa 55 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price na P374,000, buy bust money na isang tunay na P500 bill, kasama ang pitong P1,000 boodle money at P200 recovered money.

Sinabi ni PSSg Cris Pual Collo, nakatakda nilang sampahan ang suspek ng kasong paglabag sa Sections 5 at 11 sa ilalim ng Article II ng R.A 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 sa Valenzuela City Prosecutyor’s Office. (Richard Mesa)

Mayor Jeannie, nanguna sa relief operations para sa mga biktima ng sunog

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

PERSONAL na pinangunahan ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval ang relief operations para sa 259 na pamilyang naapektuhan ng malaking sunog na tumama sa Sitio 6, Barangay Catmon noong Miyerkules.

Tiniyak ng alkalde na ang pagtugon ng pamahalaang lungsod ay mabilis, maayos ang pagkakaugnay, at nakatuon sa kaligtasan, kapakanan, at agarang pangangailangan ng mga lumikas na pamilyang Malabueño.

“Ang mga paunang tulong na ito ay agad po naming inihanda para maipamahagi sa inyo. Alam po namin ang bigat, lungkot, at pangangambang nararamdaman lalo na ng mga pamilyang naapektuhan ng naganap na sakuna sa Catmon. Kaya po sinisiguro ko sa inyo, na tayo sa pamahalaang lungsod ang inyong kakampi, kaagapay, at sandigan ngayong oras ng pangangailangan,” pahayag ni Mayor Sandoval

Ang City Social Welfare and Development Department (CSWDD) naman ay namahagi ng food packs na naglalaman ng bigas , coffee, noodles, water, at canned goods, Kasama ang hygiene kits na naglalaman ng toothbrus, toothpaste, soap, shampoo, etc., sleeping kits, at iba pa para sa 494 pamilya na pansamantalang nanunuluyan sa Malabon Evacuation Center, Catmon Integrated School, Tonsuya Integrated School, Tonsuya Covered Court at Acacia Elementary School.

Nagtalaga din ang pamahalaang lungsod ng mga water refilling station, ang Mobile Jeannie Services, 121 modular tents, portalet, ambulansya, a emergency vehicles. Nakaalerto rin ang health centers at medical stations na itinayo malapit sa mga evacuation area.

Agad namang nabigyan ng agarang medikal na atensyon ang pitong indibidwal na nagtamo ng mga pinsala habang inaapula ng mga awtoridad ang apoy.

“Tayo po sa pamahalaang lungsod, sa pangunguna ni Mayor Jeannie Sandoval, ay nakatutok sa kapakanan ng mga residenteng naapektuhan ng sunog na ito. Prayoridad po natin ang kanilang kaligtasan at kalusugan, at ang kaayusan sa loob at labas ng mga evacuation centers para sa kasiguraduhan na sila ay nasa maayos na kalagayan,” ani City Administrator Dr. Alexander Rosete.

Samantala, nagbukas ng donation drive ang pamahalaang lungsod para sa mga nasunugan. Hinihikayat ang mga Malabueño, organisasyon, at grupo na mag-donate ng disenteng damit, de-lata, toiletries, at iba pang mahahalagang gamit sa City Human Resource Management and Development Department (CHRMD) na matatagpuan sa 9th floor ng Malabon City Hall. (Richard Mesa)

Bureau of Immigration, bukas sa puna ukol sa serbisyong ahensya

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

BUKAS ang tanggapan ng Bureau of Immigration (BI)sa anumang puna o komento tungkol sa serbisyo ng ahensya.

Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado kasunod sa naging pahayag ng isang kolum na kamakailan lamang na nagbahagi ng karanasan ng dalawang pasahero sa isinagawang inspeksyon sa paliparan.

Ayon sa artikulo, naiintindihan ng mga manunulat ang pangangailangan ng mga beripikasyon dahil sa mataas na bilang ng mga kaso ng human trafficking sa bansa. Gayunman, nabanggit din nilang nakaramdam umano ng diskriminasyon ang mga biyahero dahil hindi sila “nakasuot ng mga damit na may tatak… tulad ng mga NEPO babies.”

Ipinaliwanag ni Viado na ang mga inspeksyon sa paliparan ay isinasagawa upang maprotektahan ang mga Pilipino laban sa human trafficking, bilang bahagi ng pangako ng BI sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) sa pagpapatupad ng Republic Act No. 11862 o ang Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2022.

Dagdag pa niya, hindi batayan ng mga opisyal ang panlabas na anyo ng isang tao, kundi ang pagkakaroon ng mga hindi tugmang pahayag at dokumento.

Nagpasalamat si Viado sa may-akda ng kolum sa ibinahaging puna at sinabi niyang pinahahalagahan ng ahensya ang bawat komento at karanasang ibinabahagi ng publiko dahil ito ang tumutulong sa kanila upang mapabuti ang serbisyo.

Ibinahagi rin ni Viado na ang mga darating na pagsasanay para sa mga bagong frontline immigration officers ay magpapatuloy na magtuon sa soft skills development, partikular sa pagiging magalang, mahusay na pakikipagkomunikasyon, at tamang pakikitungo sa publiko.

Dagdag pa niya, napansin na ng ahensya ang magagandang resulta ng mga pagbabagong ito, dahil mas marami nang pasaherong nagpapahayag ng pasasalamat sa propesyonalismo at pasensya ng mga opisyal ng BI, kapwa sa personal at sa social media.

(Gene Adsuara)

PBBM at NHA, naggawad ng mga certificate para sa mga benepisyaryo ng pabahay sa National Housing Expo 2025

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGGAWAD si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ang National Housing Authority (NHA), sa pangunguna ni General Manager Joeben A. Tai ng mga Certificates of Award para sa limang (5) pamilya-benepisyaryo sa pagbubukas ng dalawang-araw na National Housing Expo 2025 na inorganisa at nilahukan ng mga Key Shelter Agencies (KSAs) sa World Trade Center noong Oktubre 23, 2025.

Bukod sa pamamahagi ng mga COAs, naglatag din ang NHA ng isang mini-exhibit/information booth, na nagtatampok ng iba’t ibang scale models at mga larawan ng mga proposed at ongoing housing projects ng ahensya. Naglagay din ang NHA ng enlarged copy ng 50th Anniversary Coffee Table Book at Housing Design Manual para sa kaalaman at pagpapahalaga ng publiko. Nagbigay din ng libreng tulong legal para sa mga katanungan na may kinalaman sa pabahay sa nasabing booth ng ahensya.

Naka-angkla sa temang “Build Homes, Build Happiness,” sinasaklaw ng Expo ang bisyon ng Expanded Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (Expanded 4PH) modality, na nagsisilbing flagship housing initiative ng administrasyon ni Pangulong Marcos Jr., na nagbibigay-diin sa transformative power ng pagkakaroon ng de-kalidad, disente at abot-kayang mga tahanan para sa ikagaganda ng buhay ng mga Pilipino.

Nagsilbi ring mga panauhin sa kaganapan sina Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) Secretary Jose Ramon “Ping” Aliling, Pag-IBIG Fund CEO Marilene Acosta, Social Housing Finance Corporation (SHFC) President and CEO Federico Laxa, National Home Mortgage Finance Corporation (NHMFC) President Renato Tobias, at Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) Executive Commissioner Atty. Maria Victoria Reyes-Beltran.

Inaanyayahan din ni GM Tai ang mga empleyado, pamilya, at indibidwal na samantalahin ang pagkakataong ito upang ma-enjoy ang mga benepisyo ng mga abot-kayang programang pabahay ng gobyerno. “Ang National Housing Expo 2025 ay nagbigay-daan sa mga KSAs na makipagsanib-puwersa sa pribadong sektor upang tugunan ang lumalaking backlog sa pabahay at magkaroon ng mga housing opportunities para sa mamamayang Pilipino,” pahayag ni GM Tai.

(PAUL JOHN REYES)

Voluntary ang pagrerehistro sa One RFID

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NILINAW naman ng Department of Transportation (DOTr) na ang pagrerehistro sa One RFID sa lahat ng tollways ay libre at voluntary upang mabigyan ang motorista ng karapatan pumili kung gusto niyang gamitin ang bagong sistema o di kaya ay manatili sa two-card na sistema.

“We aim for seamless travel from north to south here in Luzon. Reduce unnecessary stress and reduce unnecessary delays. This reform in the RFID system is part of our broader goal to make our infrastructure more modern, connected and responsive to the needs of every Filipino,” wika ni President Ferdinand E. Marcos, Jr.

Ang mga motoristang may bago at dati ng subscirbers ng Autosweep o di kaya ay Easytrip na ang account ay may good standing at walang negative the balance ay puwedeng magpatala sa One RFID, All Tollways program.

Maaaring ilipat ang balance mula sa RFID tag kung ano ang kanilang piniling sistema o sticker na gagamitin sa mga tollways.

Puwedeng magparehistro sa mga website ng mga RFID service providers. Ang kailangan isumite para sa mga bagong sasakyan ay ang sales invoice o di kaya ay ang official receipt at certificate ng rehistro, deed of sale para sa mga pre-owned na sasakyan, at isang valid na driver’s license.

Taong 2024, naglabas ng isang direktiba na “No RFID, No Entry” sa mga expressway at tollways. Dapat sana ay sisimulan noong August 31,2024 na bibigyan ng multa ang mga motoristang may mga invalid na RFID tags o di kaya ay mayroon kulang na load balance subalit ipinagpaliban noong nakaraang January hanggang naging March 2025.

Samantala, maraming mga reklamo ang natatanggap tungkol sa sistema ng RFID collection ng mga nakaraan at nakalipas na taon.

Si House Deputy Majority Leader at ngayon ay Senator Erwin Tulfo ay nagbigay ng babala na ipapatawag ng Kongreso ang mga opisyales ng NLEX upang magpaliwang bakit ang RFIDs ng mga sasakyan ay hindi nababasa sa mga toll gates na siyang nagiging sanhi ng trapiko noong nakaraang Holy Week.

Nitong nakaraang August 2025 naman ay sinabi ni Senator Grace Poe na ang RFID ay dapat sasailalim sa reliability test matapos ang mga hinaing at reklamo na mula sa motorista.

Ang unang plano ng interoperability ay sinumulan pa noong taong 2017 matapos na lagdaan ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng pamahalaan at mga pribadong toll operators. LASACMAR

Validity ng PWD IDs gawing lifetime – Sen. Erwin

Posted on: October 28th, 2025 by @peoplesbalita No Comments

NAGHAIN ng panukalang batas si Senador Erwin Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Social Justice, Welfare, and Rural Development, na naglalayong maging lifetime na ang validity ng Identification Cards (ID) ng mga Persons with Disability (PWD).

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1405 ni Tulfo, na naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7277 o ang “Magna Carta for Persons with Disability,” ang pag-iisyu ng PWD ID ay magiging libre at magiging valid habang buhay ng PWD.

“Ito ang kalbaryo ng mga Pilipinong PWD: Sa tuwing mag-e-expire ang kanilang ID, kailangan nilang pumila ulit para kumuha ng mga bagong requirements, at kaila­ngan pa nila ng pera para sa pamasahe,” ani Tulfo.

“Napakahalaga ng kanilang PWD ID dahil ito ang ginagamit nila upang makamit ang mga benepisyong ibinibigay sa kanila ng batas. Ang paglalagay ng expiration date sa kanilang ID ay parang pagtanggi o pagpigil sa kanila na magkaroon ng access sa mga benepisyong iyon,” dagdag niya.

Nagbibigay ang “Magna Carta for Persons with Disability” ng iba’t ibang benepisyo at pribilehiyo, kabilang ang 20% discount sa mga bilihin at serbisyo, pantay na oportunidad sa trabaho at edukas­yon, at iba pa.

“Dapat gumaan ang pasanin ng ating mga PWD na matagal nang naghihirap sa kanilang personal na laban,” pahayag ni Sen. Erwin Tulfo.