NAWASAK ng mga awtoridad ang isa na namang malakihang taniman ng marijuana sa kabundukan ng Barangay Licungan, Sugpon, Ilocos Sur noong Setyembre 22, 2025, bandang alas-dos y medya ng hapon.
Pinangunahan ng Sugpon Police Station, katuwang ang Philippine Drug Enforcement Agency – Ilocos Sur Provincial Office (PDEA ISPO) at ang Ilocos Sur Police Provincial Office – Provincial Drug Enforcement Unit (ISPPO-PDEU), ang operasyon na nagresulta sa pagkakakumpiska at pagsira ng tinatayang 17,450 puno ng ganap nang hinog na marijuana.
Ang mga halamang ito, na may halagang humigit-kumulang ₱3,490,000.00 batay sa pagtataya ng Dangerous Drugs Board (DDB), ay nadiskubre at binunot mula sa kabuuang lawak na halos 2,700 metro kwadrado na sumasakop sa limang natukoy na taniman sa kabundukan ng naturang bayan.
Walang nahuling indibidwal sa isinagawang operasyon. Gayunpaman, nakatakdang ihanda ang kaukulang kaso laban sa mga hindi pa nakikilalang nagtanim para sa paglabag sa Section 16, Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Binigyang-diin ni PDEA Regional Office I Regional Director, Atty. Benjamin G. Gaspi, na ang sunod-sunod na mga operasyon sa pagpuksa ng marijuana ay bahagi ng pinaigting na kampanya ng ahensya laban sa iligal na pagtatanim ng droga sa kabundukan ng Hilagang Luzon. Muling nananawagan ang ahensya ng pakikipagtulungan mula sa publiko sa pag-uulat ng mga taniman ng marijuana, sapagkat nananatiling mahalaga ang pagbabantay ng komunidad sa laban kontra ilegal na droga.
(PAUL JOHN REYES)